Naging mabilis ang pagkalat ng sunog na sumiklab sa isang pagawaan ng chicharon, malapit sa panulukan ng Siving St. at Lopez Avenue noong Sabado, Okt. 1.

Walang napabalitang nasaktan o nasawi sa nasabing insidente, na idineklarang fireout ng lokal na sangay ng Bureau of Fire Protection (BFP) bandang 7:50 ng gabi.

Ayon kay Melenio Guevarra, isang volunteer firefighter mula sa bayan ng Bay, tumawid umano ang apoy sa bubungan ng Grade 2 Building ng Lopez Elementary School kung saan limang silid-aralan sa ikalawang palapag ang nasunog.

Naunang nakontrol ang sunog sa nabanggit na pagawaan, at nasaksihang inaapula na lamang ng mga bumbero ang mga maliliit at panaka-nakang apoy sa gusali ng paaralan. Bahagya namang bumagal ang daloy ng trapiko sa Lopez Ave. habang kumakaripas ang mga trak ng bumbero.

Salaysay sa Tanglaw ni Edgi Orencia, isang nakasaksi sa pangyayari, nagsimula umano ang sunog sa exhaust fan ng drying equipment ng pagawaan ng chicharon. Kinumpirma naman ito ng isang opisyal mula sa Los Baños BFP.

Kuwento naman ng isa pang saksi na nasa tapat ng pagawaan: “Segundo lang ang lumipas noong nagliyab. Lahat ng [pagawaan], pati ‘yung mga nasa katabing bahay nadamay kaagad.”

Mapapansin naman ang kaba ng mga residente sa nasabing lugar, kung saan namataan pang nagmamadaling binubuhat ng mga kalalakihan ang ilang tangke ng food-grade nitrogen mula sa nasusunog na pagawaan.

Isang construction site lang ang pagitan ng sunog mula sa gusaling kinatitirikan ng negosyo ng inhinyerong si Gary Pangilinan, na kumaripas sa kanilang opisina nang mabalitaan ang insidente.

“Baka mawala ang mga gamit. Atsaka nasa likod lang ang sunog e, mabuti na ‘yung kami ay alerto […] Nandito ang kabuhayan namin eh,” kuwento ni Pangilinan.

Babantayan naman umano ng lokal na pamahalaan ang area upang masigurong “hindi na mauulit” ang insidente.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya