Sa kaniyang pagsasahimpapawid noong Biyernes, Setyembre 30, umalingawngaw ang tinig ng batikang mamamahayag na si Percy Lapid habang binabatikos ang walang habas na red-tagging mula sa mga galamay ng estado.
“Lahat na lang sa’yo komunista e. Para huwag kang mabatikos, matakot ang iba na nakakaunawa na mali ang ginagawa mo … Para matakot silang kuwestiyunin ka, pinaparatangan mong komunista,” pangongomentaryo ni “Ka Percy” kay dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lorraine Badoy Partosa.
“Lagpas na, sobra na ito sa katanggap-tanggap at patas na pagpuna. ‘Yang kritisismo, okay ‘yan eh… Iba ang threat, iba ‘yung criticism. ‘Yan ang hindi naiintindihan ng mga gagong nagco-comment,” matalas na sabi pa ni Lapid.
Ang ganitong diretsahang pagtuligsa sa mga politiko at isyung pambayan ang pumupuno sa dalawang oras niyang programang “Lapid Fire” sa DWBL, na isa sa kakaunting mga espasyong kritikal sa rehimeng Marcos-Duterte sa mainstream AM radio.
Ngunit hindi na nakapagprograma pa si Lapid kagabi, Okt. 3, matapos siyang barilin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki habang nagmamaneho pauwi sa kaniyang home studio. Hindi pa malinaw ang motibo sa pamamaslang sa isang mamamahayag na nagtatrabaho simula pa noong panahon ng batas militar.
Pakikiramay at panawagan
Kagyat namang dumagsa ang panawagan upang mabigyang hustisya si Lapid, na ngayon ay ang ikalawang mamamahayag na napaslang sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr.
“The killing shows that journalism remains a dangerous profession in the country. That the incident took place in Metro Manila indicates how brazen the perpetrators were, and how authorities have failed to protect journalists … from harm,” pahayag ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).
“Ang pagpaslang kay Ka Percy Lapid … ay patunay na mas pipiliin ng mga nasa kapangyarihan ang pumatay ng mga bumabatikos sa kanila upang manatili sa pwesto at magpakasasa sa yaman,” saad ni Atty. Luke Espiritu, dating senatorial candidate. “Ang pagpatay kay Ka Percy ay atake sa midya at sa ating demokrasya.”
“They silenced you because they are cowards. Many will now look up to your brave example of critical citizenship. Freedom is paid for in blood,” sabi ng beteranong kolumnista na si Antonio Montalvan II.



