Kinondena ng mga mamamahayag ang isa na namang insidente ng pag-atake sa isang brodkaster sa lloilo kahapon, Okt. 7.

Sa isang statement ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Iloilo chapter, ipinaabot nito ang pagkabahala sa pambubugbog sa Radio Mindanao Network (RMN) Iloilo blocktime host na si Florencio “Flo” Hervias”.

“The daylight attack against Hervias, right in front of the radio station, shows how assaults against Filipino media workers have become more brazen,” ayon sa grupo.

Papasakay pa lamang sa kaniyang motorsiklo si Hervias nang bigla siyang inatake ng tatlong hindi pa nakikilalang lalaki. Nagtamo siya ng sugat sa bibig at malapit sa kanyang mata.

Naglabas rin ng pahayag si Iloilo City Mayor Jerry Treñas, na sinabing walang puwang sa isang sibilisadong lipunan ang pag-atake kay Hervias.

“Persons who perpetuate these kinds of actions should be condemned by all. I call on our PNP to immediately hunt down these perpetrators,” saad ni Treñas.

Hindi pa tukoy ang tunay na motibo sa pag-atake sa broadkaster, ang ikalawang kaugnay na insidente sa loob lamang ng isang linggo. Matatandaan na pinaslang ang batikang komentarista at matinding kritiko ni Pangulong Marcos na si Percival ‘Percy Lapid’ Mabasa noong Lunes, Okt. 3.

Wala pang personal na pahayag si Marcos sa mga nangyayaring insidente, bagamat nagpaabot ang Malacañang ng ‘pagkabahala’ nito sa isang statement noong Martes, Okt. 4.

Nadismaya rin ang mga kamag-anak ni Mabasa sa naging talumpati ni Marcos sa harap ng mga mamamahayag noong Okt. 5 sa isang pagtitipon na inorganisa ng Manila Overseas Press Club, kung saan hindi nito binanggit nang direkta ang pamamaslang.

“Napakaganda sanang pagkakataon para sa kanya na mag-lay down ng policy ukol sa media … Ito ‘yung kaso na ipinapahiram ng buong mundo ang kanilang boses ng pagsuporta at pagkondena na rin,” ani ng kapatid ng brodkaster na si Roy Mabasa.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya