• Buong unibersidad, dapat maging ‘safe space’ na rin – USC
[Updated 2:16 p.m.] Dinayo ng mga mag-aaral ang Student Union (SU) Building, sa unang araw ng muling pagbubukas nito nang 24 oras. Mula Okt. 19 hanggang 23, inaasahang dito magtatrabaho ang daan-daang mga estudyante ngayong tinatawag na ‘hell week’.
Inihayag ni Gio Olivar, Vice Chairperson ng University Student Council, ang kahalagahan ng pagsasagawa muli ng #OccupySU bilang signos na unti-unting umanong nababawi ng sangkaestudyantehan sa mga pasilidad na inilaan para sa kanila. “As from the word itself na ‘Student Union Building,’ it should be dedicated talaga for the students,” ani Olivar.
Dagdag pa niya na dapat maging safe space ang buong unibersidad, lalo na ngayong unti-unting bumabalik ang mga mag-aaral sa Los Baños. “Hindi lang dapat SU ‘yung 24 hours. Syempre ilalaban din natin na ‘yung basic student services na dapat ay mayroon sa mga estudyante ay dapat maging open na rin nang walang limitasyon sa oras.”
Nakakagana mag-aral
Matatandaang noong ika-7 ng Hunyo ay inilunsad muli ang matagal nang kampanyang #OccupySU upang makatulong sa mga mag-aaral na naghahanap ng ligtas at malinis na lugar para makapag-aral nang walang limitasyon sa oras.
Sa ilalim ng dating UPLB Chancellor Fernando Sanchez, nagkaroon ng curfew sa SU Building pagpatak ng ika-10 ng gabi. Strikto itong ipinatupad simula noong 2017 at nagkaroon pa ng mga insidente kung saan pinapatayan pa ng ilaw at sinampahan ng reklamo sa Student Disciplinary Tribunal (SDT) ang mga mag-aaral at student leaders na nanatili roon.
Nagbago ang patakaran sa pag-upo ng kasalukuyang Chancellor Jose Camacho, at nagsimulang buksan ang SU Building nang magdamag lalo na sa mga tinaguriang “hell week”.
Ilang mga mag-aaral naman ang nagbahagi ng kanilang karanasan sa unang pagbubukas ng gusali. “Learning does not end at night. Maganda na may open at available space ang estudyante na mag-aral sa loob ng campus, nang hawak nila ‘yung sarili nilang oras, ani Carlo Alvarez, isang sophomore.
“As someone na nags-stay lang talaga mostly sa dorm para gumawa ng requirements, mas tempting na matulog ka kasi mas malapit ka sa kama,” paliwanag naman ng freshman na si Aliah Ombania. “Dito naman, since nakikita mo sa paligid mo na ‘yung mga tao ay nag-aaral din, medyo nakaka-motivate rin na magtapos ka ng requirements.”









