Hindi maka-estudyante. Walang pakialam. Tone-deaf.
Isang banggit lamang sa pangalan ng dating UPLB Chancellor Fernando Sanchez, ito ang mga salitang namumutawi sa bibig ng mga mag-aaral, kaguruan, at iba pang kasapi ng ating pamantasan.

Sa anim na taon ng kanyang pamumuno, marami itong mga desisyong hindi kapaki-pakinabang sa mga nasasakupan nito. Isa sa mga pinakamalala rito ay noong tinalikuran niya ang mga hiling ng mga mag-aaral na matapos ang kanilang pag-aaral nang lagpas sa inilaan na haba ng panahon, o ang tinatawag na maximum residency.
Sa siste ng MRR/readmission, hindi na papayagang mag-aral ang isang estudyante kapag hindi niya natapos ang kaniyang kurso sa loob ng itinakdang panahon. Halimbawa, sa mga patakaran ng UP, kung hindi natapos ng isang BS Development Communication student ang kaniyang kurso sa loob ng apat na taon, maaari pa niya itong trabahuin sa loob ng dalawa pang karagdagang taon (o ayon sa rules, “1.5 times the normal length of the course”). Kung hindi pa rin ito sapat, maaaring humiling ng readmission ngunit ito ay ibibigay lamang sa mga piling kaso, o ang tinatawag na “meritorious cases”.
Naging dagdag pasanin pa ang istriktong pagpapatupad ni Sanchez sa mga estudyante na nakakaranas ng pinansyal at mental na hamon o nagtatrabaho habang inaasikaso ang kanilang pag-aaral. Matagal na nating iginigiit na dapat libre ang edukasyon at may karapatan ang estudyante na makapagtapos kahit ano man ang sirkumstansya. Sa kabila nito, na hindi man lang siya makausap nang harapan ng mga estudyante na hindi siya pinipilit o hinaharang.
Umabot ito sa sukdulan nang idinaos ang isang forum sa REDREC Auditorium noong Pebrero 2020, upang mapag-usapan sana ang mga isyu patungkol sa MRR/readmission. Ang naging sagot nina Sanchez at ni UP President Danilo Concepcion? “Pag bumabagsak nang napakatagal ay babagsak ang kalidad ng standards ng ating university,” na para bang ginusto naman ng mga nagtipong estudyante na bumagsak sa pag-aaral.
“Sa kaniyang naging panunungkulan sa Los Baños, makikitang hindi ganoong klaseng lider si Sanchez. Sobrang layo.”
Noong sumubok naman ang mga miyembro ng student council na idaan sa kongrektong proposal upang makabalik sa UPLB ang mga may MRR/re-ad cases, sinabi naman nina Sanchez at Concepcion na wala silang kapangyarihan na magdesisyon ng agaran sa mga kasong ito. Mistulang inasinan pa ng administrasyon ang sugat ng mga mag-aaral sa isang memorandum na inilabas noon na hindi pwedeng pumasok sa klase ang mga gumugulong pa ang appeal process.
Kahit man sa gitna ng panganib o sa mga isyu na hinaharap ng mga taga-UPLB, maaring makikita ang kawalan ng pakikiramay ni Sanchez. Nang may inarestong dalawang alumni at isang estudyante na kasama sa Cabuyao 11 noong 2020, walang anumang salita nanggaling sa kanyang bibig. Nang may mga tanong ang mga guro ukol sa mga isyu ng remote learning at iba pang suliranin, niratsada at minadali ni Sanchez ang pagtatapos ng ika-143 na pagpupulong ng UPLB University Council (UC).
Kaya’t noong siya’y tumatakbo para sa kanyang pangatlong termino, agad siyang hinarang ng mga estudyante at guro na matagal nang sawang-sawa sa kanyang pabayang pamumuno. Sa siste ni Sanchez, third time’s the harm. At alam natin na naging matagumpay ang kampanyang ito.
Ngunit dalawang taon na ang nakalipas nang siya’y bumaba mula sa pwesto, ngayon pa lamang nakakabawi ang mga taga-UPLB mula sa anim na taon ng pinsala. At ngayon, siya’y isa sa mga tatakbo bilang sa susunod na pangulo ng UP.
Ang kailangan ng ating unibersidad ay isang lider na kayang harapin ang kanyang siniserbisyo sa anumang sirkumstansya. Isang lider na kayang aminin ang pagkukulang at kayang humugot ng lakas ng loob upang maitama ang mali. Isang lider na kayang harapin ang sabay-sabay na mga problema at pag-atake sa unibersidad, gaya ng walang-habas na red-tagging o sunod-sunod na budget cut. Sa kaniyang naging panunungkulan sa Los Baños, makikitang hindi ganoong klaseng lider si Sanchez. Sobrang layo.
At sa mga tulad ko na taga-UPLB, walang nakakalimot sa aming mapapait na karanasan sa ilalim ng isang lider na walang kakayanan.




You must be logged in to post a comment.