• Mga mag-aaral, nangangamba
• Iba’t ibang debris, nagkalat sa campus
• Kuryente, tubig, unti-unting naibalik
• Charging hubs, binuksan sa SU Building

Kalakip rin ng istoryang ito ang mga ulat mula sa mga Tanglaw reporters na sina Marco Rapsing, Neil Tallayo, Marius Pader, at Dan Alexander Abas sa Los Baños. Tumulong sa pakikipanayam sina Tanglaw reporters Liam Saladino at Jan Paolo Pasco. Isinulat ang istoryang ito nina Ian Raphael Lopez at Reuben Pio Martinez.

Isang puno ang nabuwal sa Jose Capinpin Ave. (Sheine Olgado para sa Tanglaw)

[Updated 7:55 p.m.] Pansamantalang pinutol ng bagyong Paeng ang takbo ng buhay ng mga mag-aaral, mga miyembro ng faculty at staff ng UPLB, at ng mga residente sa Los Baños at sa mga karatig nitong lugar.

Sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA) ngayong ika-5 ng hapon, huling namataan ang bagyo 295 kilometro sa kanluran ng Iba, Zambales. Bagamat wala na sa kalupaan ng bansa, inaasahan pa rin ang panaka-nakang ulan sa Southern Tagalog hanggang sa umaga ng Lunes, Okt. 31.

Nang muling sumikat ang araw kanina, tumambad ang pinsalang dala ng bagyo sa iba’t ibang bahagi ng campus. Namataang nililinis ng mga tauhan ng UPLB ang mga nabuwal na puno at naglaglagang mga sanga sa Carabao Park. Isang puno rin ang lumundo sa mga kable ng kuryente sa gilid ng DZLB transmitter.

Ayon sa mga ulat na nakalap at kinumpirma ng Tanglaw reporters, bumabalik na ang suplay ng kuryente sa kalakhan ng Brgy. Batong Malake, at sa UPLB.

Ngunit bago pa ito, dumagsa sa mga gusaling may kuryente ang mga residente upang mapunan ang nasagad na baterya ng kanilang mga cellphone. Sa Robinsons Town Mall sa panulukan ng Lopez Ave. at ng National Highway, sa apat na electrical outlet nagsiksikan ang laksa-laksang mga taga-Los Banos. Kaniya-kaniyang dala ng mga extension cords ang mga tao.

Nagkaroon rin ng pagkakataon ang mga nangangailangan ng tubig na mag-igib sa isang trak na nakaposte sa likod ng Old Admin Building. Maraming mga kabahayan sa labas ng campus ang napatiran ng suplay ng tubig sa kasagsagan ng bagyo. Hanggang dumilim, umiikot ang mga trak ng bumbero upang mapuntahan ang iba pang mga kabahayang wala pa ring suplay.

Para sa mga nakatira sa labas ng campus, bukas sa mga mag-aaral na nangangailangan pa ring mag-charge ang Men’s Residence Hall (MRH), International House, at VetMed Dorm. Maaari ring makiligo sa lobby areas ng MRH at binuksan na rin ang Student Union Building para maging charging at wifi hub para sa mga off-campus students.

Pangamba ng mga taga-UPLB

Halu-halo man ang sitwasyon ng mga mag-aaral na naiwan sa Los Banos, pangamba ang iisa nilang naramdaman. Ang iba ay hindi makalabas mula sa mga UP dorms, samantalang hindi rin makaalis mula sa mga sariling inuupahan ang mga nasa labas ng campus.

Sa panayam ng Tanglaw kay Sheereen Villalon, chairperson ng UPLB Alliance of Dormitory Associations (ADA), nahirapan ang karamihan ng mga naiwang dormers sa pagkain nila noong Sabado ng gabi, Okt. 29.

“Ang pinakaproblema talaga ay good since karamihan sa kanila ay walang stocks. Kaninang dinner ay nag-share na lang sila ng mga resources since hindi sila makakalabas para bumili,” ayon kay Villalon.

Umikot naman mga UP dorms noong Linggo ng hapon si Prof. Jickerson Lado ng Office of the Vice Chancellor for Student Affairs (OVCSA), upang alamin ang pangangailangan ng mga ito.

“Nangangalap tayo ng donation at ‘yung mas urgent ay pagbili ng relief food sa mga dormers,” paliwanag ni Prof. Lado sa Tanglaw

Sa panayam kay Ramil Benitez, isang mag-aaral na umuupa sa bandang El Danda St., nahirapan siya sa kasagsagan ng bagyo. Sa lahat ng kasama niya sa unit, siya lang ang natira sa Los Banos matapos umuwi ng kaniyang mga kasama ngayong long Undas weekend.

“Third floor ako noong building so randam ko talaga ‘yung hampas ng hangin […] Hindi rin ako makalabas ng building to buy some food and water dahil baha sa street namin at may mga sanga ng puno na nagbagsakan,” kuwento nito.

“Mahirap dahil wala akong kasama that time, wala akong makausap at walang kausap,” dagdag pa nito.

Para naman kay Jack dela Cruz, secretary sa International House Residence Hall Association, mabuti na lamang at mayroon siyang naimbak na pagkain upang maitawid ang araw. 

Ngunit naiisip pa rin niya ang kapakanan ng mga kapwa niya mag-aaral. “Although personally, wala akong needs as of the moment, baka kaya ‘yung ibang dormers or students ay mayroon. I hope mayroon ring tutulong sa kanila,” aniya.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya