TL;DR
- Kapakanan ng sangkaestudyantehan ang naging prayoridad sa general plans of action (GPOA) ng mga kandidato.
- Ang mga lumahok na mag-aaral ang umusisa ang tindig ng mga kandidato sa mga isyung pambayan.
- Ang CDC-SC ang kauna-unahan sa UPLB na nagsagawa ng face-to-face MDA simula noong pandemya.
Isinulat ito ng Tanglaw reporters na sina Mar Jhun Daniel at Angelo del Prado. Kalakip ng istoryang ito ang mga ulat ng Tanglaw reporters na sina Marco Rapsing at Jan Paolo Pasco. Ang lahat ng mga litrato ay kuha ng Tanglaw photojournalist na si Marius Cristan Pader.
Matapos ang dalawang taon, muling nagkaroon ng on-ground Miting de Avance (MDA) ang mga kumakandidato sa pagkakonsehal ng CDC Student Council sa Lecture Room 1 kahapon, Nob. 9, kung saan nagkaroon sila ng pagkakataong magpakilala sa sangkaestudyantehan ng Kolehiyo.
Hinarap nina Fred Matthew Calapi (Independent), Jelaine Kate Pagayon (LETS-CDC), at Cherry Platero (LETS-CDC) ang mga mag-aaral at student organizations ng CDC, upang ilahad ang kanilang mga plataporma at katayuan sa iba’t ibang isyung kinakaharap ng Devcom at ng unibersidad. Kaiba sa mga nagdaang pang-akademikong taon, walang kinatawan ngayong special elections ang partidong SAKBAYAN-CDC.
Mababakas sa pagbabalik ng face-to-face MDA ang malaking bilang ng mga dumalong mag-aaral na lumahok sa talakayan. Sa pamamagitan ng kanilang mga katanungan sa open forum, mistulang pinalawak ng mga mag-aaral ang naging diskurso. Dito ay tinanong rin nila ang pananaw ng mga kandidato sa iba’t ibang isyung pambansa at politikal.
“Upon hearing your GPOA presentation, a lot of your plans are leaning to student welfare, guiding students on their academics and even after graduation, pero we also have to acknowledge that a big chunk of our practice is anchored on how much we know about the issues of the community that we are serving,” paliwanag ni Camille Villanueva, dating CDC-SC Chair noong taong 2020 hanggang 2021 at isa sa mga nagsilbing panelist sa MDA.
Pokus sa mga hamon sa edukasyon
Sa pagsisimula ng MDA, sumentro ang presentasyon ng General Plan of Actions (GPOA) ng mga kandidato sa mga isyung bumabagabag sa mga mag-aaral, gaya ng panawagan para sa Ligtas na Balik Eskwela at mga programang nagbibigay prayoridad sa kapakanan ng mga mag-aaral.
Ilan sa mga proyektong bitbit ng LETS-CDC ay ng ‘Advoca-series’, na nagnanais itampok ang mga mag-aaral na may adbokasiya, at ang ‘LETS Connect’, o isang directory para sa mga non-devcom students. Dala naman ng independent na kandidato na si Calapi ang kaniyang mga programa, gaya ng ‘Batch Kumustahan’, na isang ‘light’ na pulong sa magkakapareho ng batch, at isang serye ng mga seminars sa internships at job hunting sa ‘Career Ready CDC’.
Sa kabilang banda, nilalayon ng mga kandidato na mas patibayin pa umano ang koneksyon ng mga mag-aaral sa kolehiyo, sa pamamagitan ng pagbubuo ng mga online student directories para sa kanilang mga Devcom at elective courses.
Idinagdag rin ng parehong kumakandidato ang inklusibong porma sa nasabing mga programa, nang kanilang ilatag ang mga ka-ulam nitong plano para sa mga non-affiliates o mga mag-aaral na kumukuha ng Devcom courses mula sa ibang mga kolehiyo.
Naihalintulad man sa inilabas na Survival Kit ng nagdaang CDC Freshman Council, binigyang-diin ng mga kandidato mula sa LETS-CDC na mas nakatuon ang kanilang ‘Devcom Primer’ para sa mga non-affiliates, transferees, at shiftees sa susunod na semestre.
Nilinaw rin ni Calapi na ang kaniyang ‘Electives Primer’ ay hindi lamang nakapokus sa mga freshies, kundi para rin sa mga uppers na nagnanais pagtibayin pa ang kanilang career paths sa pamamagitan ng mga social science at technical electives.
Ibinandera rin ng mga kandidato ang kanilang mga programang nagsusulong sa ligtas na espasyo sa Kolehiyo, gaya ng mga inklusibong adbokasiyang nagtutulak sa pagsuporta sa mga kababaihan at mga miyembro ng LGBTQIA+ community.

(Marius Cristan Pader, Tanglaw reporter)
Academic ease, ipinanawagan
Isinulong din ng mga kandidato ang mga panawagan ukol sa pagbabalik sa academic ease policies sa unibersidad, kasabay ang umanong napapanahong pangangailangan sa mga ito sa gitna ng pagtransisyon sa full face-to-face classes. Saad ng mga kandidato, mas paiigtingin nila ang kanilang koneksyon sa administrasyon sa pamamagitan ng mga diyalogo at konsultasyon upang mas maisulong ang nagkakaisang interes ng sangkaestudyantehan.
“Ina-acknowledge natin na marami namang programa at panawagan ang bawat kolehiyo para sa patuloy na pag-push sa Ligtas Balik Eskwela. Ina-acknowledge din natin na ang nga existing calls na ‘to, kinakailangan pa lalo nating i-amplify, sapagkat hindi pa rin natin sila nakakamit hanggang sa ngayon,” ayon kay Calapi.
Ngayong nakabalik na ang mga mag-aaral sa campus, mas magkakaroon umano ng “tsansang magsagawa ng face-to-face na mga dayalogo at kilos-protesta kung kakailanganin upang maipanawagan at maisulong po ‘yung five-point student demand,” giit naman ni Pagayon.
Gayundin, binigyang-bigat sa talakayan ang inaasahang epekto ng budget cut sa UP sa gitna ng pahirapang setup nito ngayong blended learning tungo sa full-blown in-person classes sa susunod na semestre. Base sa ipinapanukalang kaltas sa badyet, aabot sa halos P22.3 bilyon ang tatapyasin sa hinihiling ng UP para sa taong 2023.
Kaugnay rin nito ang mga kritikal na isyu sa patuloy na pagsuong ng buong komunindad laban sa pandemya, gaya ng pagpapanawagan ng pakikiisa ng mga mag-aaral ng Kolehiyo sa UPLB Online Health Monitoring System at kaakibat ang iba pang mga pangkalusugang polisiya ng unibersidad.

(Marius Cristan Pader, Tanglaw reporter)
Pananaw sa mga isyu ng lipunan
Sa pamamagitan ng open forum segment ng MDA ay inalam ng mga mag-aaral ang pananaw at opinyon ng mga kandidato sa mga isyung kinakaharap ng unibersidad. Inisa-isa ng mga lumahok ang mga paksang gaya ng ng banta ng militarisasyon sa mga campus, student red-tagging, panukalang budget cuts, at ang nominasyon para sa susunod na UP President.
Nang tinanong ang mga kandidato sa kanilang reaksyon sa kamakailang red-tagging ng isang NSTP class sa UP Baguio, ipinaliwanag nila ito bilang hakbang ng kasalukuyang administrasyon upang supilin ang kalayaan sa ekspresyon ng mga mag-aaral sa iba’t ibang pamantasan.
“Bilang miyembro ng konseho ating ipapanawagan na itigil ang anumang porma ng pagsasabatas ng mandatory ROTC, college man yan o senior high school. At atin din pong ipapanawagan na magtuon sa pagkakaroon ng mas mataas na budget sa ibang NSTP courses, nandyan po ang LTS, CWTS,” giit ni Calapi.
Tinututulan naman ng mga kandidato ang hamon ni Sen. Pia Cayetano kay UP President Danilo Concepcion na maibabalik lamang ang budget kung magkakaroon ng full F2F classes ang unibersidad.
“Tayo po sa CDC ay hindi pabor sa naging challenge ni Pia Cayetano, dahil ang pagbibigay po ng budget sa isang paaralan ay hindi lamang nakabase kung full-blown F2F na ang ipinapatupad sa eskewelahan ito,” saad ni Platero ng LETS-CDC. Kaniya ring isinulong ang pagtugon sa kasalukuyang isyu sa kakulangan ng facilities at transportasyon ng mga mag-aaral.
Sa nalalapit na deliberasyon para sa susunod na UP President, tila’y nagkaisa ang parehong mga kandidato nang mariin nilang kundenahin ang nominasyon ng dating UPLB Chancellor Dr. Fernando C. Sanchez Jr., habang ipinapaliwanag na naging saksi sila sa bagsik ng panunungkulan nitong ‘hindi-makaestudyante’. Matatandaang may bahid ng kontrobersiya ang kanyang panunungkulan sa loob ng dalawang termino.
“Labis po nating tatrabahuhin na hindi na makabalik and dating chancellor ng UPLB na maging UP President, na wala namang ginawa kung hindi maglatag ng anti-student policies, maging absent sa geniune student and national conerns,” pahayag ni Calapi.
Ayon naman kay Pagayon, isang ‘empathic leader’ ang kanilang hinahanap na tutugon sa hinaing ng mga mag aaral, guro, staff and non academic faculty ng unibersidad.
“Wala ng katulad ni Sanchez sa matataas na posisyon sa ating unibersidad, sapagkat nakita naman po natin at naabutan rin naman po namin kahit online batch kami ang mga stringent policies niya sa maximum residence rules at ang kawalan ng pakielam sa mga estudyante at faculty mismo,” dagdag pa ni Pagayon.

(Marius Cristan Pader, Tanglaw reporter)
Pagkilala sa publication at sa buhay Devcom
Bilang konseho na mahahalal sa pamumuno ng isa na namang Marcos, inihayag ng mga kandidato ang kanilang hangarin na labanan ang pagbaluktot ng kasaysayan sa mga paaralan at ang mas pinaigting na pagprotekta sa press freedom matapos ang pagpaslang sa radio commentator na si Percy Lapid. Base sa opisyal na datos, dalawanag mamamahayag na ang pinatay sa ilalim ng bagong administrasyon ni Marcos Jr.
Kapansin-pansin ang magkaibang katayuan ng dalawang panig patungkol sa nakikita nilang papel ng Tanglaw, ang pahayagan ng mga mag-aaral sa Kolehiyo, sa gitna ng napipinto nitong pagbubukas at sa nilalakad nitong pagkilala mula sa administrasyong CDC.
Paliwanag ni Tanglaw editor-in-chief Ian Raphael Lopez, sa pagkilalang ito manggagaling ang pagkakataong magamit ng pahayagan ang publication fees upang makagawa ng “isang diyaryong matutuwa kayong lahat.”
Ayon sa mga kandidato ng LETS-CDC, nararapat lamang na maging “sanggang-dikit” ang relasyon ng pahayagan at konseho, dahil na rin sa tungkulin nitong pagsilbihan ang constituents nito. “Iisa lamang ang ating layunin: ang mag-serve sa ating mga constituents,” paliwanag ni Pagayon habang nagbigay-suporta ito sa ipinapanawagang pagkilala mula sa administrasyon.
Bagaman suportado rin ng independent candidate na si Calapi ang layunin at ang pagkilala ng CDC administration sa pahayagan, mas nakikita niya ang tungkulin ng Tanglaw na magsilbing ‘check and balances’ sa konseho at punahin ang mga pagkukulang at pagkakamali nito.
“I-criticize natin ang konseho kapag tayo ay nagkakamali, at dito ay magkakaroon ng mas mayabong na demokrasya sa mismong kolehiyo natin,” aniya.
Isa sa mga pinakahuling katanungan mula kay CDC-SC Chairperson Shey Levita ay kung paano umano ilalarawan ng mga kumakandidato ang kasalukuyang estado ng development communication sa nagtaguyod nito, si Dr. Nora C. Quebral.
Wika ng mga kandidato sa magkabilang panig, malayo na at malayo pa ang mararating ng pag-aaral at praktis ng Devcom, lalo na’t malaki na ang pinagbago nito mula nang ito ay simulan ni Quebral noong dekada ‘70.
Repleksyon ni Calapi, “Ang nakakalungkot na estado ng Devcom na naiipit tayo sa isang phase na kinakaharap ng ating lipunan na pandemya, at isang learning experience na nagli-limit na maranasan ng mga mag-aaral ang Devcom na gustong pamamaraan ni Dr. Quebral.”
“Ibabahagi ko ang moment na ito na nandito ang mga estudyante ng Devcom at dumadalo sa MDA… Ang mga values natin sa Devcom, ang magkainteres sa lipunan, sinisimulan po natin ‘yan sa pagkakaroon ng pakialam sa mga nangyayari sa ating Kolehiyo,” punto naman ni Pagayon. ■




You must be logged in to post a comment.