TL;DR
  • Inalala ng mga mag-aaral ang naging kontrobersiyal na pamumuno ni Sanchez noong siya ay UPLB Chancellor pa lamang.
  • Saad ng mga lider-estudyante, pinapatunayan ng track record ni Sanchez ang hindi nito kahandaan sa tinatakbuhang posisyon.

Isinulat ang istoryang ito ng Tanglaw reporters na sina Shaina Masangkay at Reuben Pio Martinez.


Ipinangako ni Dr. Fernando Sanchez Jr. sa isang public forum ng mga tumatakbo para sa pagkapangulo ng UP ang umano’y isang ‘mas inklusibong unibersidad’, sa kabila ng samu’t saring pagkondena sa kaniyang kandidatura ng mga dati niyang nasasakupan dito sa Los Baños.

Sa naganap na pulong sa UP Diliman noong Biyernes, Nob. 11, ibinahagi ni Sanchez ang kanyang mga plano para sa unibersidad, kabilang na ang umano’y pangangalaga sa mga mag-aaral. kaguruan, at mga kawani mula sa bawat constituent unit.

“My vision for UP is synergy in diversity: UP as catalysts for Inclusive National Development. An inclusive national university that delivers timely and relevant public service, and provides an enabling environment for its constituents,” ani Sanchez sa naganap na forum.

Upang maisakatuparan ito, nais umano ni Sanchez na magpatayo ng mga sapat at angkop na mga espasyo na malayang magagamit ng mga estudyante, kasabay ng pagsasaayos ng mga klasrum at pagpapalakas ng internet sa kampus. Binigyang-diin din ni Sanchez ang umano’y pangangalaga sa kaligtasan at karapatan ng estudyante, guro, REPS, at administrative staff ng unibersidad. 

“UP is not just a university. It is an environment where the best and brightest minds come to learn, interact, and pursue one’s personal and professional goals,” paliwanag pa nito. “I am committed to upholding UP’s duty to care for its constituents and protect their rights and welfare. My administration is open to dialogue with all sectors of the university.”

Kasabay ng mga ipinamalas na pangako ni Sanchez, inulan naman ng batikos mula sa mga taga-UPLB ang kaniyang pagtakbo sa posisyon. Nagdaos ng kilos-protesta sa kaparehong araw ng public forum ang ilang mga lider-estudyante sa Carabao Park, upang kundenahin ang pagtakbo ni Sanchez at muling itampok ang mga naganap na kontrobersiya sa kanyang anim na taon ng pamumuno.

Saad niya sa forum, hindi niya pahihintulutan ang anumang klase ng pangreredtag sa mga estudyante at guro. Taliwas sa pahayag na ito, matatandaang “nanahimik” ang dating chancellor nang i-red-tag ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang mga progresibong indibidwal at grupo sa isang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) forum noong 2019 sa loob mismo ng campus.

Naglabas man siya ng pahayag ukol sa isang sumunod na insidente ng red-tagging mula sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ng mga lider-estudyante at aktibista sa isang video noong Mayo 2020, wala umanong kongrektong aksyong naganap mula kay Sanchez upang itigil ang pang-re-redtag ng nasabing ahensya. 

Sa isang panayam sa Tanglaw, ibinahagi ni Justin Salayog ng University Student Council (USC) ang “pagsasawalang kibo” noon ni Sanchez sa mga isyu ng pang-re-redtag sa mga mag-aaral at progresibong organisasyon sa loob at labas ng kampus.

“Bilang nakaranas ng pamamahala ng administrasyong Sanchez, alam naman natin na kasinungalingan ang sinasabi ni Mr. Sanchez. Freshie pa lang ako, ramdam na ang pagsasawalang kibo ni Sanchez sa pang-re-redtag sa mga kapwa ko mag-aaral at mga progresibong organisasyon sa pamantasan,” paliwanag ni Salayog.

“Malinaw na walang katotohanan ang mga pinagsasabi nitong si Sanchez at manipestasyon ito na hindi karapat-dapat na maging UP President si Sanchez, lalo na sa panahon ngayon kung saan kabi-kabila ang mga panreredtag ng estado at ng NTF-ELCAC,” dagdag pa nito.

Naglabas rin ng pahayag ang UPLB University Freshmen Council (UFC) noong Martes, Nob. 15, upang makiisa sa koro ng pagtutol sa kandidatura ni Sanchez. “Patuloy na tinatamasa ng lahat ng mga estudyante sa unibersidad, bago man o hindi, ang epekto ng mga polisiya at palpak na programang ipinatupad ni Sanchez sa panahon ng kanyang termino,” paliwanag ng UFC.

Malaki ang gampanin ng magiging susunod na UP President, sa kabila ng iba’t ibang mga problemang kinakaharap ng unibersidad. (Kuha para sa Tanglaw)

Hindi maka-estudyante

Ukol naman sa suliranin ng paglobo ng mga kaso ng Maximum Residency Rule (MRR) extension at readmission sa UPLB, sinabi ni Sanchez sa forum noong Biyernes na sumusunod lamang siya sa patakaran ng University Code. Ito rin ang kaniyang naging tugon sa bawat pagkakataon na kahaharapin niya ang mga mag-aaral sa isyung ito, kagaya ng isang pulong na isinagawa sa REDREC Auditorium noong Pebrero 2020.

Noong 2018, umabot sa mahigit 600 na kaso ng MRR/re-ad sa ilalim ng kanyang pamumuno bilang Chancellor. Imbis na agarang sagutin ang hinaing ng mga estudyante, naglabas pa si Sanchez ng isang memorandum noong Pebrero 2020 na pinagbawalang pumasok sa klase ang mga mag-aaral na gumugulong pa ang appeal process.

Ayon naman sa koalisyong No More Chances, Sanchez, na binubuo ng mga mag-aaral at organisasyon mula sa UPLB, inamin umano ng dating Chancellor sa isang dayalogo na umaasa lamang siya sa kutob sa pagproseso ng mga MRR/re-ad appeals, hindi gaya sa ibang mga constituent units ng UP.

“In 2017, Sanchez admitted in a dialogue that he had ‘no guidelines’ in deciding whether to approve MRR-readmission cases, but would resort to ‘gut feel’,” paliwanag ng alyansa sa isang statement. “Lest we forget, [Sanchez’s] rule over University of the Philippines (UP) Los Baños was nothing short of cruel, oppressive, and negligent for the student body. Now, he aspires to be UP President.”

Hindi gaya sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, pihikan kung ipagamit ang Student Union Building noong panahon ni Sanchez. (Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter)

Sa dalawang termino ni Sanchez, na nagsimula noong 2014 at nagtapos noong 2020, nagkaroon ng pagpaplanong ipaayos ang Student Union (SU) Building nang walang sapat na konsultasyon sa mga estudyante. Sa orihinal na plano, matatanggal ang opisina ng mga student institutions gaya ng UPLB USC sa ikalawang palapag ng gusali upang mapalitan ng commercial establishments.

Gayundin, sa ilalim ng kanyang termino, ipinatupad ni Sanchez ang 10 p.m. curfew kung saan pinagbabawalan na ang mga mag-aaral sa loob ng SU Building. Sinampahan pa ng kaso sa Student Disciplinary Tribunal ang mga lider-estudyante na sumubok na maglagi sa nasabing gusali.

Naibalita din noong 2020 na minadali niya ang ika-143 na pagpulong ng UPLB University Council (UC). Ang pagpupulong na ito na dinaluhan ng mga mag-aaral at ng mga kaguruan ay magiging daan sana upang pag-usapan ang kahandaan ng unibersidad at linawin ang mga malalabong polisiya ukol sa remote learning. 

Sa isang pahayag mula sa All UP Academic Employees Union-Los Baños (AUPAEU-LB), ipinaliwanag nito ang kanilang disgusto sa ginawa ni Sanchez sa nasabing pulong. “ … To our unpleasant surprise, Chancellor Sanchez decided to adjourn the meeting abruptly, without so much as recognizing that there were still raised hands who wanted to be heard.”

Ayon sa mga ulat, ipinatigil ni Sanchez ang  pagpupulong dahil umano’y “lunch time” na. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya