TL;DR

  • Pinalalim ng mga tagapagsalita ang kaalaman ng mga mag-aaral sa sitwasyon sa Southern Tagalog at UPLB.
  • Sinagot ni Student Regent Sieg Severino at iba pang mga lider-estudyante ang mga katanungan ng mga mag-aaral.
  • Kabilang sa mga napag-usapan ay ang napipintong pagbabalik ng face-to-face classes at ang learning hubs.

Isinulat ang istoryang ito ni Angelo del Prado, kasama ang mga ulat ni Neil Andrew Tallayo.


Umikot sa pagtatanggol ng interes ng mga mag-aaral at ng unibersidad ang naganap na UPLB Student Summit sa NCAS Auditorium kahapon, Nob. 21. 

Tinalakay ang mga isyung kinakaharap ng unibersidad tulad ng budget cut sa UP system, banta ng militarisasyon sa mga state universities and colleges (SUCs), at pagsulong ng mga maka-estudyanteng polisiya sa pagbabalik ng face-to-face classes sa susunod na semestre.

Ang Office of the Student Regent (OSR) sa pangunguna ng Student Regent Siegfred Severino, ang nag organisa ng naturang pagtitipong pinamagatang “SumagUPa: Pagtinding Para Sa Inklusibong Edukasyon”. Kasalukuyang umiikot si Severino sa iba’t ibang mga UP campuses upang alamin ang sitwasyon ng mga mag-aaral at mailahok ito sa mga kampanya ng OSR.

Kasama sina UPLB Student Council (USC) Chairperson Gean Celestial at Kasama sa UP (KSUP) National Chairperson Andrew Ronquillo, nagkaroon ng pagkakataon ang mga mag-aaral upang idulog sa mga panelists ang mga napapanahong isyu at problema ng campus. 

Kasama sa mga sumagot ng mga katanungan ng mga taga-UPLB ay sina Student Regent Siegfred Severino, UPLB Student Council (USC) Chairperson Gean Celestial at Kasama sa UP (KSUP) National Chairperson Andrew Ronquillo.
(Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter)

Ligtas na balik eskwela

Kaugnay ng pagababalik ng face-to-face classes sa susunod na semestre, inihayag ni USC Chairperson Celestial na ang UPLB ay may naitatag nang Ad Hoc committee na bumabalangkas ng mga polisiya para sa pagpapatupad nito. 

Ibinihagi naman ni Severino na hindi na ipapatupad ang umiiral na blended learning modality 1 para sa sunod na semestre. Ngayong linggo ay tinatapos na ng special academic affairs committee ang pagbabalangkas ng mga guidlines. 

“Hindi tayo papakasapay lang na magkakaroon na ng full F2F next semester. Ensure rin natin na fully capacitated ang facilities para maaccomodate ang full F2F,” tiyak niya.

Kabilang sa mga naitanong ay kung kailan magbubukas nang tuluyan ang Student Union Building. Sagot ni USC Chair Gean Celestial, inaasikaso pa ng administrasyon ang wiring upang kayanin ang mga makikisaksak ng mga gadgets.
(Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter)

Learning hubs, inihahanda

Nang tanungin ang USC kung posibleng maging 24/7 ang Student Union Building bilang isa sa learning hubs sa campus, sagot ni Celestial ay malayo pa itong matupad dahil inaayos pa ang mga pasilidad sa gusali.

“Ang pinakaproblema ay ang wiring itself. Hindi pa lahat ng outlet sa SU Bldg ay pwedeng magamit. The UPLB admin has an ongoing effort to procure the equipment na kailangan natin,” aniya.

“It’s a long process to be honest and transparent to students, but we are actively lobbying na by second semester, yung hashtag na #AtinAngSU at mapanindigan ng admin,” dagdag pa ni Celestial. 

Bukod pa rito, tinalakay din ang isyu ng transportasyon at kaligtasan sa CFNR na tiniyak naman ng USC ang patuloy na dialogo kasama ang mga jeepney drivers upang madagdagan ang bumabyaheng jeep sa lugar. 

Kinailangang putulin ang linya ng mga nagtatanong sa dami ng mga nais magkonsulta sa mga lider-estudyante.
(Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter)

Budget cut sa UP, tututulan 

Ang kinakaharap na P2.5 bilyong kaltas sa budget ng UP ay malaki umano ang magiging epekto sa mga pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral at sa napipintong pagbabalik ng face-to-face classes.

Diniin ng Severino na patuloy pa rin ang pakikipag usap sa mga Senador sa mga nalalabing araw ng deliberasyon sa pambansang badyet.

“Kung sakaling mangyari ito, babantayan natin na kayang i-mitigate ng admin ang effect ng budget sa basic student services at i-ensure natin na di maapektuhan at may funds ang university to address these concerns,” tugon ni Severino sa posibilidad na hindi na maibalik ang nasabing kaltas.

Isang lightning rally ang ikinasa ng mga dumalo na pinangunahan ni Student Regent Sieg Severino, na dati ring UPLB USC Chair.
(Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter)

Mga iba pang isyung tinalakay

Sa nalalapit na pagpili ng susunod ng UP president, isang decisive at pro-UP na mamumuno ang katangiang hinahanap ni KSUP Chairperson Ronquillo, na diretsahang sinabing susuportahan ang alyansang No More Chances, Sanchez sa UPLB.

“Ang UP President na gusto natin ay walang iniiwang sektor sa loob ng pamantasan. Dekalidad na edukasyon, patuloy na pagsuporta, nakikiisa sa kampanya para tutulan ang budget cuts, pagtatalaga ng necessary actions to ensure accomodations sa needs ng students for classes,” aniya. 

Inaasahan rin niyang rerespetuhin ng susunod na itatalagang UP President ang kalayaan ng mga konseho at pahayagan ng mga mag-aaral.  Dapat rin umanong may kongkretong aksyon din sila sa pagprotekta at pagsulong ng academic freedom.

Dala ng bagong rehimeng Marcos ang patuloy na banta ng militarisasyon at isyu ng seguridad para sa mga mag-aaral kung kaya’t patuloy ring isusulong ng OSR ang pagkakaroon ng mga resolusyon sa Safe Havens at ang pagtutol sa mandatory ROTC at SIM Card Registration Act. 

Sa katunayan, matapos ang konsultasyon ay nagkaroon ng snake rally mula sa NCAS Auditorium papuntang Carabao Park ang konseho at mga mag-aaral na lumahok. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya