TL;DR:
  • Giit ng mga kritiko, ang pagbisita ni Pangulong Marcos ay isang paraan upang ipagtakpan ang mga pinsala na naidulot ng mga polisiya ng kaniyang amang diktador sa sektor ng agrikultura.
  • Binatikos rin ang kawalang-plano ni Marcos, na kasalukuyang Agriculture Secretary, sa kawing-kawing na problemang kinahaharap ng mga magsasaka.

Sinalubong ng protesta mula sa sangkaestudyantehan ng UPLB ang biglaang pagbisita ni Pangulong Marcos Jr. sa International Rice Research Institute (IRRI) kahapon, Nob. 29.

Ayon sa mga ulat, ang pagbisita ni Marcos – ang kasalukuyang Agriculture Secretary – ay parte umano ng hakbang ng pamahalaan upang mapalaganap ang food security. Makikita rin sa mga larawang kuha sa pagbisita ni Marcos Jr. ang mistulang paggaya nito sa isang larawan ng kaniyang ama, ang diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. sa IRRI noong 1966.

Ngunit para kay CAFS Representative to the University Student Council (USC) Kyle Barber, ito lamang ay isang paraan upang baluktutin ang kasaysayan. 

“So what this all means for Marcos Jr’s visit is reinforcing the myths of his dictator father’s legacy on Philippine agriculture. A legacy soiled by the blood of hundreds of peasants killed under his regime,” saad ni Barber. 

Hanggang sa kasalukuyan, hindi naging malinaw ang mga detalye ng kabuuang pagbisita ni Marcos sa Los Baños. Hindi tumugon ang IRRI sa mga tanong ng Tanglaw.

Paliwanag pa ni Barber, nakakainsulto ang pagbisita ni Marcos dahil sa kanyang umano’y kakulangan sa kwalipikasyon upang tugunan ang mga suliraning agrikultural. 

Makikita daw ito sa kaniyang pangako na P20 ang magiging presyo kada kilo ng bigas, sa harap ng pagmamahal ng langis, at ang tuloy-tuloy na mga atake sa mga magsasaka.

Aniya: “Upon entering our respective degree programs in agriculture … We are made to understand that food production is incredibly complex and requires experience and expertise to handle. Marcos, Jr. has neither of those. He doesn’t even have the competency to lead the country!”

Kabilang sa mga sumama sa kilos-protesta ang grupo ng mga mangagawa mula sa STARTER-PISTON.
(Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter)

Komersyalisadong agrikultura

Itinatag noong 1960, nangunguna ang IRRI sa pananaliksik sa agham sa likod ng rice industry. Subalit, matagal nang inilalarawan ng mga progresibong grupo ang IRRI bilang isang institusyon na hindi umano nakikiisa sa interes ng mga magsasaka.

“… IRRI has a controversial background, often at odds with mass groups who bear genuine grievances towards the accessibility and ethics of their technologies,” paliwanag ni Barber.

Tulad ni Barber, inalala at kinundena din ng grupong Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura (MASIPAG) ang sinasabing nabigong mga programang agrikultural sa panahon ng Martial Law. 

Ayon sa national coordinator ng alyansa na si Alfie Pulumbarit, giniba ng ilan sa mga programa ng nakatatandang Marcos ang estado ng agrikultura sa Pilipinas: ang paggawa ng high yielding variety (HYVs) mula sa IRRI para sa MASAGANA 99, at ang paggamit ng kemikal na pesticide noong panahon ng Green Revolution.

“Clearly, IRRI and Marcos’ Sr.’s attempt to ‘modernize’ our rice production at that time failed, and it was at the expense of our Filipino farmers and the country’s food security,” paliwanag ni Pulumbarit sa isang pahayag ng MASIPAG.

Bagamat hell week, napuno ang bukana ng Carabao Park ng mga dumalo sa pagkilos laban sa pagbisita ni Marcos sa IRRI.
(Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter)

Hindi sagot sa kawalan ng pagkain

Para naman kay Paolo Abiera, isang miyembro ng National Network of Agrarian Reform Advocates (NNARA) – Youth sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB), ang pagbisita ni Marcos ay pakikisama sa IRRI, na tinawag niyang “imperyalistang institusyon na sumasandig lang sa interes ng ibang bansa at hindi ng masang Pilipino.” 

“Mauuwi lamang ito ng patuloy na paghihirap sa mga lokal na magsasaka dahil sa paglalabas ng mga teknolohiyang pang-agrikultura na hindi angkop sa sosyo-ekonomikong kalagayan ng mga magsasaka sa bansa,” paliwanag ni Abiera sa Tanglaw.

“Hindi ito ang sagot sa food insecurity, mas lalo lamang lalala ang disparity sa sektor ng agrikultura, ang kailangan ay tunay na reporma sa lupa.”

Dahil dito, panawagan ni Pulumbarit ay ipasara ang IRRI. “[Food scarcity and hunger] will only get worse, not unless we shut down IRRI and convince our duty bearers to genuinely support our local farmers and agriculture,” ani Pulumbarit. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya