DAPAT MONG MALAMAN

  • Isa sa mga sumama sa pagkilos ang grupo ng mga namamasada ng tricycle sa Calamba, na nakaltasan ang kinikita dahil sa City Ordinance 743.
  • Ipinarating rin ang mga panawagang mahalaga sa sangkaestudyantehan, gaya ng pagtutol sa mandatory ROTC.


Kasama ng istoryang ito ang mga ulat ni Tanglaw reporter Neil Andrew Tallayo at Marco Rapsing mula sa lungsod ng Calamba.


Panawagan para tugunan ang lumalalang krisis sa ekonomiya ang isa sa mga naging pokus sa panrehiyong pagkilos, kasabay ng ika-159 na anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio.

Pinangunahan ng mga lider-estudyante at iba’t ibang sektor ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan ang pag-organisa sa mobilisasyon sa Calamba Crossing noong Nob. 30.

Kasabay ng sigaw na “sahod itaas, presyo ibaba,” dala rin ng mga sangkaestudyantehan ang kanilang mga panawagan upang ipaglaban ang karapatang pang-akademiko at pagtutol sa mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC). 

Binigyang-diin rin ang mga kaso ng violence against women and children (VAWC), at ang pagkontra sa patuloy na relasyon ng Pilipinas sa mga bansang Kanluranin.

Iba’t ibang mga panawagan ang bitbit ng mga dumalo sa pagkilos sa Calamba Crossing. (Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter)

“Napakalihis ng ginagawa ng ROTC para sa mga estudyante. May mga nabibiktima, may namamatay, may isyu ng rape at harassment na nagaganap dito,” saad ni Lance Queppet, isang estudyanteng dumalo sa pagtitipon sa kanyang masalimuot na kwento tungkol sa ROTC. 

Kaugnay sa paggunita ng araw ni Bonifacio, sinabi pa ni Queppet na bukod sa paglaya ng Pilipinas laban sa imperyalismo, pinaglalaban din niya ang mas mataas na sahod sa manggagawa at pagbabalik ng lupain para sa mga magsasaka.

Para naman kay “Zyrra” ng Gabriela Youth Laguna, may kasabay ang tradisyunal nang panawagan ng kaniyang grupo na labanan ang karahasan at pang-aabuso sa mga kababaihan. 

“Grabe talaga ang pag-usbong ng krisis natin sa ekonomiya at dito sa Calamba, mataas ng presyo ng bilihin. Ang ating panawagan ay itaas ang sahod ng ating manggagawa at mga Pilipino at pababain ang presyo ng bilihin natin.”

Isa sa mga ipinagdiwang sa araw ni Bonifacio ay ang pagpapatuloy ng kaniyang diwang rebolusyonaryo. (Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter)

Hinaing ng iba pang mga sektor

Ang sektor ng transportasyon ang isa sa mga pinakanaapektuhan ng pandemya. Kasabay nito ang tinatawag ng mga namamasada ng tricycle na “dagdag pasakit” sa City Ordinance 743, na minadali umanong ipinapatupad ng lokal na pamahalaan ng Calamba. 

Layon ng ordinansang bawasan ang bigat sa bulsa ng komyuter sa pamamagitan ng pagbabawas ng pamasahe. Sa base fare na P15, dalawang piso lamang ang idadagdag sa bawat susunod na kilometro.

Ayon kay Rolando Mingo, pangulo ng Calamba-Bayan-Aplaya TODA, patuloy ang kanilang pakikipagdayalogo sa sangguniang lungsod upang amyedahan ang ordinansa. Aniya, malaking tulong kung sakaling limang piso ang madagdag sa bawat kilometrahe.

“Kung kami [ngayon] ay nago-gross ng P700, ile-less mo ang gasolina, pagkain, matitirhan na lang kami ng P350,” paliwanag ni Mingo. Kung sakaling maging limang piso ang madagdag sa base fare, papatak ng P140 ang maaaring madagdag sa isang namamasada at makakasabay na umano sila sa minimum wage ng rehiyon na umaabot hanggang P435.

Ipinaliwanag ni Rolando Mingo, tagapangulo ng isang alyansa ng mga tricycle drivers, ang sitwasyon ng kaniyang mga kagrupo.
(Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter)

Bukod sa pasahe, kanila rin daing ang fuel subsidy na hindi pa rin natatanggap. Saad ni Mark Anthony Esguerra, pangulo ng TODA Dragonwest, walang ayudang ibinigay matapos nilang ihanda ang iba’t ibang dokumento para dito na nakakabawas pa sa oras ng pasada.

“Matagal na namin inaasahan yan pero wala pa ring dumadating sa’min. Kung ilan man iyan ibigay na nila at least may makukuha kami sa sinasabi nilang ayuda. Ilang dekada na yan pero wala pa rin,” aniya. 

Ito ang dahilan kung bakit umanib ang mga namamasada sa malawak na pagkilos, ani Mingo. “Ang magagawa ng hanay ninyo, ng hanay ng mga estudyante, dahil kayo rin naman ay pasahero rin namin… Maipalaganap [sana] ang mga karaingan at kahilingan para sa mabilisan at agarang mabago ‘yung pamasahe.”  ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya