DAPAT MONG MALAMAN
- Ang sinapit ng mga taga-UPLB sa ilalim ni Fernando Sanchez ay patunay na hindi siya ang nararapat na maupong UP President.
- Ang kahingian ng ating panahon ay isang matatag at maaasahang lider. Nakikita ito ng Tanglaw kay Fidel Nemenzo.

Editoryal ng Tanglaw
Ang editoryal na ito ay isinulat ng aming Editorial Board na naglalayong ilahad ang opinyon ng pahayagan sa mga napapanahong isyu.

Malaki ang magiging gampanin ng ika-22 na Pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas (UP), lalo na’t nahaharap ang unibersidad sa mga kawing-kawing na mga suliranin. Mula sa hirap na dinaranas nating lahat sa transisyon patungong face-to-face classes, sa nakikitang mapait na epekto ng ₱2 bilyong kaltas sa badyet ng UP, o ang sunod-sunod na pag-atake sa mga kalayaang tinatamasa ng unibersidad, magiging malawak ang epekto ng magiging desisyon ng Board of Regents (BOR) sa Disyembre 9.
Mistulang malayo sa atin dito sa Los Baños ang magaganap na mahalagang pagpupulong sa Diliman. Marahil ay nasanay na tayo na sa ating unibersidad ay mas malaki na ang puwang para sa mga mag-aaral na makipag-ugnayan sa kasalukuyang administrasyon ng UPLB. Ngunit, walang magagawa ang mga namumuno dito sa Laguna kung walang kaparehong pagpapahalaga sa kapakanan ng nakararami ang susunod na UP President.
Makikita sa kasaysayan ng pagpili sa mauupong pangulo na malaki ang epekto ng pagkakabuo sa BOR. Tig-iisa lamang ng kinatawan ang mga mag-aaral, kaguruan, kawani, at mga alumni. Ang natitirang pito naman ay binubuo ng mga opisyal ng pamahalaan at tatlong napili ng Malacañang. Maliban pa rito, ang huling apat na naging pangulo ay humawak muna ng mga matataas na posisyon sa loob ng UP bago maging UP President.
Kung ito ang mga salik na pagbabatayan, masasabing dalawang kandidato lamang ang matunog na pagpipilian sa magiging tagong pagpupulong ng BOR sa Biyernes. Ito ang mga kandidatong may karanasan na sa mga mahahalagang posisyon sa unibersidad, at masasabing kilala rin sa mga miyembro ng BOR. Sa unang tingin, hindi makikita ang magkalayo nilang paniniwala sa pamumuno, ngunit pihadong magkakaroon ng magkaibang tunguhin ang unibersidad sa pag-upo ng isa sa kanila.

(Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter)
Tama na, Sanchez
Isa sa mga kumakandidato ay ang dating UPLB Chancellor na si Fernando Sanchez Jr. Marami na ang naisulat tungkol sa anim na taong pamumuno ni Sanchez, mula sa paglobo ng mga kaso ng mga apela sa Maximum Residency Rule (MRR) at readmission, o ang hindi nito pagkibo sa mga pag-atake at red-tagging sa mga aktibistang mag-aaral. Paano niya nasisikmura na tumakbo sa posisyong ito, sa kabila ng kasuklam-suklam niyang pamumuno?
Isang isyung mahalaga sa mga taga-UPLB ang patuloy na pagprotekta sa academic freedom. Ang ating kasaysayan bilang bulwagan ng militansya at aktibismo ay kasalukuyang nahaharap sa mga matinding pag-atake. Ngunit matapos ang tatlong taon, ngayon lamang nilinaw ni Sanchez ang kontrobersyal na National Service Training Program (NSTP) session noong 2019 kung saan lantarang red-tagging ang ginawa ng mga puwersa ng estado laban sa mga progresibong grupo. Sa lumalalang pag-atake sa ilalim ng isang administrasyong Marcos-Duterte, siguradong hindi kailangan ng UP ng isang lider na tikom ang bibig sa mga ganitong insidente.
Sobra pa sa sapat ang nakakapanlumong sinapit ng mga taga-UPLB sa ilalim ni Sanchez, bilang patunay na hindi siya ang nararapat na maupong UP President.
Maaari rin namang sabihin na hindi masusukat ang pamumuno ng isang tao hanggang hindi pa ito nasasalang sa posisyon. Sa ganitong siste, maaaring pagbatayan ang mga naging sagot ni Sanchez sa mga public forum sa mga tumatakbong UP President, gaya ng ‘Fast Talk’ segment sa isinagawang student-led forum noong Nob. 25.
Dito, makikitang pabor si Sanchez sa pagtanggal ng freshmen recruitment ban at sa tuluyang pagbasura ng Student Academic Information System (SAIS). Mahirap paniwalaan na ito ang kaparehong Sanchez na, habang siya ang UPLB Chancellor, ay strikto namang ipinatupad ang nasabing ban sa pagsali ng mga freshmen sa organisasyon at hindi kumibong palitan ang SAIS sa kabila ng kabagalan nito.
Sobra pa sa sapat ang nakakapanlumong sinapit ng mga taga-UPLB sa ilalim ni Sanchez, bilang patunay na hindi siya ang nararapat na maupong UP President. Dahil dito, nakikiisa ang Tanglaw sa mga panawagang hindi na dapat mabigyan pa ng isa pang pagkakataon si Sanchez na mamuno. Ang kawalan niya ng pagpapahalaga sa hinaing ng mga mag-aaral, mga kawani, at ng kaguruan ay hindi na dapat maranasan pa ng buong unibersidad.

Kung hindi siya, sino?
Sa pagtutol na ito ay hindi maiiwasang lumitaw ang katanungang ano ba ang dapat na taglay ng isang taong naghahangad sa posisyong ito. Kailangan ng UP ang isang pangulo na lubog sa kasalukuyang mga problema at may kongkretong plano upang masagot ang mga ito. Mahalaga ring tingnan ang kaniyang track record at pagkatao. Batid naman natin na matatali sa burukrasya at limitasyon ng kaniyang posisyon ang sinumang mauupo, ngunit mahihinuha sa mga nakaraang hakbang ng bawat kandidato kung sino sa kanila ang tumutugma sa interes ng mas nakararami.
Kung ito ang pagbabasehan, maiintindihan ang lumalawak na koro ng suporta para kay UP Diliman Chancellor Fidel Nemenzo. Siguradong magkakaroon ng mga desisyon si Nemenzo na hindi hahanay sa interes ng mga mag-aaral. Sa kaparehong student-led forum, siya lamang ang tumutol sa pagbuo ng isang Vice President for Student Affairs. At kung ikukumpara kay Camacho, may mga pagkakataong pareho namang binagyo ang Maynila at ang Laguna ngunit may pasok pa rin sa Diliman.
Ngunit mula sa kaniyang pagtugon sa kaltas sa ating badyet, hanggang sa sinasabi niyang “social experience of education” na makukuha lamang sa pagbabalik ng face-to-face classes sa undergraduates, si Nemenzo lamang ang nakikita ng maraming taga-UP na babad sa karanasan at problema ng unibersidad at kaya itong sabayan ng aksyon.
Sa dulo ng lahat ng diskusyon at kuro-kuro sa pagpili ng magiging sunod na UP President, maaaring maihalintulad ang ating unibersidad na nahaharap sa isang sangandaan.
Nasabi rin kanina na mahalaga para sa mga taga-UPLB ang isang lider na poprotekta sa kalayaang pang-akademiko, ang prinsipyong sandigan ng pagiging konsensya ng bayan ng UP. Sa isang panayam sa Philippine Collegian, sinigurado ni Nemenzo ang magkatambal na suporta sa mga biktima ng red-tagging at ang pagpapahayag sa mga ito na “hindi namin kayo pababayaan.”
Sa dulo ng lahat ng diskusyon at kuro-kuro sa pagpili ng magiging sunod na UP President, maaaring maihalintulad ang ating unibersidad na nahaharap sa isang sangandaan. Sa isang banda, puwede itong magpapatuloy sa pamumunong hindi babad sa karanasan ng mga kasapi nito, at isang pamumunong pagal ang tinig sa mga lumalalang pag-atake. O maaari namang tumungo ito sa panibagong landas, kung saan prayoridad ang kapakinabangan ng mas nakararami, at mas matapang na haharapin ang mga hamong paparating.
Sa tingin ng Tanglaw, ang kahingian ng ating panahon ay isang matatag at maaasahang lider. Sa lahat ng mga kandidato, amin itong nakikita sa katauhan ni Chancellor Nemenzo. ■




You must be logged in to post a comment.