DAPAT MONG MALAMAN

  • Sa mga panayam, idinetalye ng dalawang lider-estudyante at isang propesor ang pamumuno ni dating UPLB Chancellor Fernando Sanchez Jr.
  • Kabilang sa napansin nila ay ang pagiging hindi maaasahang lider at ang ‘top-down’ approach nito sa pamumuno. Hindi umano nabibigyang bigat ang konsultasyon sa mga sektor ng unibersidad.
  • Samu’t sari naman ang naging reaksyon nila sa desisyon ni Sanchez na tumakbo sa pagkapangulo ng UP.

LATHALAIN: Sa ikalawang bahagi ng istoryang ito, alamin ang iba’t ibang mga isyung kinaharap ng mga mag-aaral at kaguruan sa ilalim ni Sanchez.


Sari-saring karanasan man ang pinagdaanan, lumikha naman ng kolektibong pananaw ang iba’t ibang sektor ng UPLB sa ilalim ng administrasyon ng dating Chancellor Fernando Sanchez Jr. 

Ngayong tumatakbo si Sanchez para sa pinakamataas na posisyon sa unibersidad, sinariwa ang kaniyang pamamalakad sa pamamagitan ng mga panayam sa Tanglaw ng dalawang lider-estudyante at ng isang propesor.

Sumalamin ang kanilang mga karanasan sa naging paghihirap at paglaban ng mga mag-aaral, kaguruan, at kawani ng UPLB upang isulong ang karapatan para sa isang administrasyon na prayoridad ang kanilang pangangailangan. 

Para kay dating CDC-SC Chair Camille Villanueva, hindi alam ng mga lider-estudyante kung sino ang kanilang lalapitan. (Kuha mula sa UPLB CDC-SC)

Malaking pinag-iba

Isa sa mga nanguna sa pagsulong ng interes ng mga mag-aaral sa ilalim ng administrasyon ni Sanchez ang mga lider-estudyante. Sa mga nakapanayam ng Tanglaw, idinetalye nilang hindi naging madali ang kanilang pakikipaglaban lalo na’t isa rin silang mag-aaral ng pamantasan.

“As a council member at that time, it was dreading kasi karamihan sa mga student concern na natatanggap namin ay dahil lang sa anti-student policies ng term ni Sanchez,” saad ni Camille Villanueva, dating CDC Student Council (CDC SC) Chairperson noong 2020. 

Malaking dahilan ng karanasan niya ay ang pagsasawalang-bahala ng administrasyong Sanchez. “Hindi rin namin alam kung kanino lalapit kasi sila ang highest decision-making body sa campus. Siya ang pinakaleader natin, pero ‘di natin siya maasahan sa mga concern at issues na kinakaharap natin as students.” 

Ikinumpara pa niya ito sa kasalukuyang administrasyon ni Chancellor Jose Camacho Jr.  “Thinking about it now, naabutan ko rin kasi yung term ng bagong chancellor … Nakikita ko na mayroong clear distinction kung alin ‘yung pinakikinggan at alin ‘yung hindi. Ibang-iba yung sistema noon nung admin at student leaders that time at ngayon.”

Karamihan ng oras ni Villanueva noong siya ay isa pang estudyante ay napunta sa trabaho sa konseho. Aniya, kinakailangan nilang tugunan kaagad ang mga pangangailangan ng estudyante dahil sila ang una nitong malalapitan.

Bilang isang lider-estudyante sa ilalim ni Sanchez, tinawag ni dating UPLB USC Chairperson Charmane Maranan na ‘chaotic’ ang naging pamumuno ng dating Chancellor. (Kuha mula sa UPLB CAS-SC)

Personal na paghihirap

Para naman kay dating UPLB USC Chairperson Charmane Maranan, isang salita ang kaniyang ginamit upang mailarawan ang naging pamumuno ni Sanchez. “It was chaotic. Chaotic in the sense that there were so many issues that were plaguing the students.”

“Swerte” pa nga raw ang naunang chairperson dahil nagkaroon ito ng oportunidad na makadayalogo kasama ang dating Chancellor. “His administration was very unwilling. It was so hard to get a hold of him and his administration personally.”

Naranasan ni Maranan ng paghihirap na nakakaapekto sa kanyang akademiko at personal na kalagayan. Aniya, hindi ibig sabihin ng kanilang pangunguna sa pakikibaka ay ang pirme nilang katatagan ng loob. 

“You would have to think of your constituents, and you would think of a reason on how to address their concerns, and raise them to the concerned offices, and maybe address it speedily,” kuwento ni Maranan.

“It would take a toll on you emotionally and physically, na parang minsan hindi ko rin alam kung ano isasagot mga estudyante. Na parang ang sama ko ring tao if I would give them false hopes, given na wala rin naman kasiguraduhan ‘yung mga sagot sa tanong nila.”

Para kay Assistant Professor Cris Lanzaderas, kataka-taka na ngayon lamang nagpapaliwanag si Sanchez sa mga isyung may kinalaman sa kaniyang naging termino, gaya ng kaniyang pagharap sa isang student-led forum noong Nob. 25.

Iniwan sa ere

Hindi lamang ang mga estudyante ang lubos na naghirap sa ilalim ni Sanchez. Tumatak kay Assistant Professor Cris Lanzaderas ang pangunahing kakulangan nito sa sektor ng kaguruan: ang kawalan ng konkretong dayalogo at konsultasyon. Aniya, lubos na nahirapan ang mga guro sa biglaang paglipat sa remote online learning noong 2020, nang pumutok ang pandemya. 

“Wala kaming solidong pinanghahawakan na polisiya kung paano kami magsisimula as faculty, basta ang sinasabi samin ay mag-shift kayo sa online without the proper support infrastructure. Parang iniwan talaga kami sa ere kung paano namin gagawin yung klase,” salaysay ni Lanzaderas. 

Dagdag pa niya, laging humihiling ng konsultasyon ang mga guro ngunit hindi ito pinagbigyan ni Sanchez. Noong magsagawa naman ng UPLB University Council (UC) meeting ukol sa transisyon sa remote learning, hindi rin nasagot ang mga hinaing at katanungan ng mga guro dahil sa mabilisang tinapos na ito ni Sanchez sa rason na ‘lunch break’ na raw

Sa karanasan ni Lanzaderas, nagkaroon ng tinatawag niyang “top-down” na sistema sa ilalim ni Sanchez kung saan baba lamang nang baba ng polisiya ang administrasyon nang walang nagaganap na konsultasyon. 

“Maglalabas ng memorandum policies through his different vice chancellors, specifically yung Vice Chancellor for Academic Affairs noon. Siyempre, dahil top-down, hindi ito nagiging consultative, hindi ito nagre-reflect talaga sa needs of the constituents particularly the faculty and the students.”

“…I’m disappointed about the fact that he had the guts to run for UP President knowing that his track record in UPLB should speak for himself. He very well knows that the students of UPLB suffered under his administration.”

Charm Maranan, dating UPLB USC chair

Iba’t ibang reaksyon

Gulat ang naramdaman ni Lanzaderas noong nalaman niyang nominado ang dating Chancellor na si Sanchez sa pagkapresidente sa UP. Giit niya na maraming isyu si Sanchez na hindi nabigyan ng liwanag lalo na noong panunungkulan niya sa UPLB, kaya kung mapapansin ay sunod-sunod ang pahayag nito sa social media ngayon.

“I think it’s too late dahil iba na ang chancellor … Ang nararamdaman ko ay naghuhugas siya ng kanyang labada. Dati, nanghihingi kami sa kanya ng answers sa iba’t ibang mga issues tapos ngayon niya lang sasagutin,” opinyon ng propesor.

Ayon kay dating CDC-SC Chair Villanueva, “loathe” ang salitang pinakaakmang maglalarawan sa kaniyang nararamdaman nang malaman niyang kumakandidato si Sanchez bilang UP President. Hindi niya inakala na lubos pang naghahangad si Sanchez sa pinakamataas na puwesto, sa kabila ng track record nito bilang Chancellor. 

Para naman kay Maranan, hindi na siya nagulat sa pagtakbo ni Sanchez para sa mas mataas na posisyon. “But I’m disappointed about the fact that he had the guts to run for UP President knowing that his track record in UPLB should speak for himself. He very well knows that the students of UPLB suffered under his administration.”

Sa susunod na mauupong UP President, pinaalala ni Villanueva ang isa sa pinakaunang itinuturo sa mga mag-aaral ng development communication: ang paglubog sa komunidad na pagsisilbihan nito. “Sa Devcom, we put premium on the community. ‘Yung pinaka-buzzword natin is ‘yung mga marginalized sector na sila yung priority natin. Applying that on how to defend student rights, ay dapat iprioritize nila ang pangangailangan natin,” aniya.

Ayon kay Maranan, kung hindi tumindig at lumaban ang mga lider-estudyante ng nakaraan, maari na ay nasa lugmok na kalagayan pa rin ang unibersidad. Para sa kaniya, repleksyon ito ng lakas at giting ng sangkaestudyantehan sa kolektibong pagkilos. “Sana ay ‘wag magsawang lumaban at ipagpatuloy ‘yung mga nasimulang tagumpay sa mga higit pang tagumpay.”  ■


Ang photo illustration na ginamit sa istoryang ito ay inihanda ni De Anne Pilapil, mula sa mga litratong kuha sa No More Chances Sanchez.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya