DAPAT MONG MALAMAN
- Agarang kinondena ng GASC ang pagtakbo ni dating UPLB Chancellor Sanchez.
- Nagkaroon ng diskusyon sa pag-endorso ng ilang mga konseho at pahayagan kay Nemenzo.
Kalakip ng istorya na ito ang mga ulat ni Neil Andrew Tallayo.

Habang nalalapit ang UP President selection, nagdaos ng Emergency General Assembly of Student Council (eGASC) ngayong araw, Disyembre 7.
Dito, nagkasundo ang bawat student councils mula sa iba’t ibang constituent units na kundenahin ang pagtakbo ni dating UPLB Chancellor Fernando Sanchez Jr. at suportahan si UP Diliman Chancellor Fidel Nemenzo bilang susunod na UP President.
Isinulong sa eGASC ang resolusyon upang kundenahin ang nominasyon ni Sanchez Jr. Ayon sa UP Los Baños University Student Council (USC), hindi nararapat na maupo si Sanchez sa posisyon dahil sa pagiging “anti-student” nito.
Naging notoryus ang termino ni Sanchez bilang chancellor sa mga hindi maka-estudyanteng polisiya ukol sa maximum residency rule at No Late Registration. Ipinahayag din ng UPLB USC ang kawalang kibo ni Sanchez sa pagtutol sa administrasyong Marcos.
Nagpahayag din ng pagsuporta ang iba pang mga student councils ng ibang campus. “Literal na may banta sa aming seguridad at sa aming buhay. Mahalagang siguraduhin na the next UP president is pro student and pro people. It is not just the students who are showing support for Nemenzo but it is also our administration and our faculty,” saad ng UP Baguio USC.
Palakasin ang pag-endorso kay Nemenzo
Kasunod ng resolusyon kontra kay Sanchez, nagkasundo rin ang lahat ng mga konseho na i-endorso si Fidel Nemenzo bilang susunod na UP President.
“Nemenzo stands as the most outstanding candidate in terms of pro-student campaigns. We challenge him that under his leadership, no member of the community shall be left behind, and our university will be free from militarization,” ayon sa UPB USC.
Ayon sa UP Diliman USC, siniguro ni Nemenzo na paiigtingin ang demands ng mga estudyante.
“Through Nemenzo, nakita namin ang efforts niya na maging open sa consultations. Nakaramdam kami ng positive impact sa mga memorandums na napalabas niya at nakita natin na siya ang naging simula sa pagkakaroon ng safe and secure community ng Diliman,” ani UP National College of Public Administration and Governance (NCPAG) SC.
Diskusyon sa pag-endorso
Ayon sa UPLB USC, wala silang direktang ineendorsong kandidato at mas binibigyang-pansin nila ang pagpapalakas ng panawagang “No more chances, Sanchez.” Ganito rin ang pahayag ng ilan pang mga konseho mula sa ibang campus.
Nagkaroon din ng diskusyon ukol sa magiging plano kung hindi manalo si Nemenzo. Ayon sa UP Diliman USC, nararapat na ipaglaban si Nemenzo hanggang dulo at kalampagin ang Board of Regents (BOR) upang pakinggan ang hinaing ng mga estudyante.
Sa dulo, ipinasa ng mga konseho ang resolusyon at opisyal na iendorso si Nemenzo. Habang papalapit ang pagpili ng BOR sa magiging susunod na UP President sa Biyernes, ilang mga konseho at mga pahayagan sa Diliman, Los Banos, at Baguio ang nag-endorso sa kaniya. ■
EDITORYAL NG TANGLAW: Ang sinapit ng mga taga-UPLB sa ilalim ni Fernando Sanchez ay patunay na hindi siya ang nararapat na maupong UP President.




You must be logged in to post a comment.