DAPAT MONG MALAMAN

  • Kinuwestiyon ng mga nakapanayam ng Tanglaw ang biglaang pagsagot ni Sanchez sa mga isyung kinaharap ng iba’t ibang mga sektor sa unibersidad.
  • Naapektuhan ang personal na pamumuhay ng mga lider-estudyante, na naging unang sandigan ng mga mag-aaral sa kawalan ng aksyon ni Sanchez.
  • Idinetalye rin ang naging pamamaraan ng pamumuno ng dating Chancellor sa mga kaguruan.


LATHALAIN: Balikan ang unang bahagi ng ulat na ito, na nagdedetalye sa personal na naramdaman ng mga nakapanayam sa naging pamumuno ni Sanchez.


Isa sa mga pagpipilian sa pagiging ika-22 na Pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas ang dating UPLB Chancellor na si Fernando Sanchez Jr. Lumitaw sa kaniyang termino ang iba’t ibang mga isyung apektado ang mga sektor ng unibersidad.

Sa pahayag na inilabas ng UPLB University Student Council (USC) ukol sa kandidatura ni Sanchez, nagbunga lamang ng paghihirap at pasakit ang pamumuno ni Sanchez. Kabilang sa mga hakbang na ito ay ang pagdami ng kaso ng Maximum Residency Rule (MRR) at readmission, ang karanasan ng mga mag-aaral sa Student Academic Information System (SAIS), at iba pang pagpapawalang bahala nito sa representasyon ng sangkaestudyantehan sa unibersidad

Para sa mga nakasaksi ng hagupit ng ganitong mga polisiya, hindi maiiwasang maapektuhan ang samu’t saring aspeto ng kanilang buhay. Ito ang lumabas sa panayam ng Tanglaw sa dalawang lider-estudyante at isang propesor, na nagbigay ng kanilang mga karanasan sa ilalim ni Sanchez.

“That’s very unfortunate that he denies. That’s very unfortunate and disappointing kasi sino ang sinungaling? Sino ang nagsasabi ng totoo?”

Dating UPLB USC Chair Charmane Maranan

Sino ang sinungaling?

Nangungunang isyu noong panahon ni Sanchez ang mga MRR at readmission cases. Umabot umano sa 600 na apela ang hindi naaprubahan at ibinasura ng administrasyon ayon sa tala ng USC noong 2018. Pinabulaanan ni Sanchez kamakailan ang datos na ito, na ipinagtaka ng mga nakapanayam ng Tanglaw. Subalit, hindi pa rin maikakaila na kaakibat ng mga kasong ito ang mga makatuwiran at personal na dahilan ng mga estudyante. 

“Palagi nilang sinasabi na nire-review nila ‘yan pagkatapos ng dialogue, pero darating na lang sa amin ang desisyon na ‘yung lahat ng mga appeals ay disapproved kahit yung mga estudyante sa dialogues ay umiiyak na at nagmamakaawa, wala pa rin ‘yon sa kanya,” pagbabahagi ni Camille Villanueva, dating chairperson ng CDC-SC.

Sa kuhang ito noong 2020, nakikipagdayalogo ang mga miyembero ng UPLB USC kay UP President Danilo Concepcion ukol sa maraming kaso ng MRR at readmission sa UPLB. (Kuha mula sa UPLB USC)

Para naman kay Assistant Professor Criz Lanzaderas,  Filipino Department Coordinator ng UP Rural High School, wala talagang naging linaw sa kaso ng mga MRR at readmission. Hindi naman umano lilitaw muli ang mga isyu na ito kung nasagot na sana sa ilalim ng panunungkulan ni Sanchez.

“It’s too late for me. Wala na yung mga students, na ni-reject yung application, graduates na ‘yung iba. Wala nang silbi ‘yung clarification na ito, kasi too late, hindi na ito yung tamang panahon para i-clarify ‘yung kanyang side,” pahayag ng guro. 

Ang dating USC Chairperson Charmane Maranan ay naging biktima rin ng hindi pag-apruba ng kaniyang extension of residency sa ilalim ng termino ni Sanchez. Aniya, hindi tuloy makita kung sino ang nagasasabi ng totoo sa isyu.

“That’s very unfortunate that he denies. That’s very unfortunate and disappointing kasi sino ang sinungaling? Sino ang nagsasabi ng totoo?” tanong ni Maranan kay Sanchez na mariing itinatanggi ang pagkakaroon ng 600 kaso ng MRR at readmission sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

“…So ako, pagpasok ko sa campus no’n naiisip ko na bakit ganito kahirap? May SystemOne naman before bakit hindi na lang iyon ang idinevelop?”

Dating CDC-SC Chair Camille Villanueva

Epekto sa personal na buhay

Aminado ang lider-estudyante na bumaba ang kaniyang kumpiyansa sa sarili matapos ang naging hatol, lalo na noong itugon sa kaniya noon na kinakailangan na niyang humanap at lumipat ng ibang pamantasan. 

“Luckily, I was able to find other things to keep me busy during those times na hindi ako makapag-register. But I don’t think some students were as lucky as me because it would cause you a downward spiral if you do not have a good support system,” aniya.

Naiproseso at napaaprubahan lamang ang palugit na hiling ni Maranan nang magtransisyon na sa panibagong administrasyon.

Sa kaniyang tugon sa isang student-led forum, pabor si dating Chancellor Sanchez na buwagin na ang mabagal na SAIS. Balikwas ito sa naging hakbang niya noong siya ay namumuno pa sa UPLB. (Tanglaw screenshot)

Takot at pagkabahala naman ang nararamdaman ni Villanueva ng CDC-SC sa tuwing sasapit ang registration period. Sa ilalim ni Sanchez, ang Student Academic Information System (SAIS). ang naging primaryang sistema ng enrollment sa UPLB simula noong 2016. 

Bilang pamalit sa SystemOne, isang portal na ginawa ng mga taga-UPLB mismo, matagal nang binabatikos ang SAIS na mas mabagal at mas magastos kung saan P752 miyon ang itinalagang budget ng UP para rito.  Hindi maganda ang pagtanggap ng mga estudyante sa ipinalit na sistema dahil sa mabagal at napakahirap na prosesong ikinaharap ng mga estudyante sa unang paglulunsad nito.

“Ang primary concern ko mula noon ay registration issues kasi yun din yung kasagsagan ng implementation ng SAIS. So ako, pagpasok ko sa campus no’n naiisip ko na bakit ganito kahirap? May SystemOne naman before bakit hindi na lang iyon ang idinevelop,” pagtataka ni Villanueva.

“Walang legacy policy si Sanchez, sa kanyang panunungkulan for the past six years.”

Assistant Professor Cris Lanzaderas

Kawalan ng pakialam 

Kadikit din ng UPLB ang UP Rural High School (RHS), bilang ito ay isang state university high school sa hursidiksyon ng College of Arts and Science. Inilahad ni Lanzaderas ang mistulang pagsasawalang-bahala at kawalan ng matatag na polisiya sa UPRHS sa ilalim ni Sanchez.

“Lagi kaming parang afterthought na lang ng mga academic policy sa school or university, or mas nagiging suggestion nila palagi ay mag isip kayo on your own, sundin niyo si [Department of Education],” paliwanag ng propesor.

Isang kaso ang tumatak kay Lanzaderas, na naglalarawan sa pagpasok ng mga puwersa ng estado na may hindi malinaw at makatuwirang hangarin. Taong 2019 nang ilang pulisya ang nakita at naharang ng mga samahan ng guro kasama si Lanzaderas, at nang itanong kung ano ang dahilan ng pagpasok sa UPRHS, kanila umanong iniinspeksyon kung may drugs at ‘tambay’ sa loob ng paaralan. 

Pagsasalaysay pa nito, pinatawag ni Sanchez ang grupo ng mga gurong humarang sa mga pulis at naglabas ng pahayag ang samahan ng mga guro sa Los Baños kung bakit may nakapasok na pulisya sa paaralan. Hindi umano naging maganda ang pagtanggap ni Sanchez sa kanilang pahayag. 

“Trabaho namin bilang union na maglabas ng mga gano’ng uri ng pagkukumpirma sa mga gano’ng actions. Pero tinanggap ito ni Sanchez bilang isang negative na bagay sa kanyang administrasyon,” pagtingin ni Lanzaderas sa naging sitwasyon. 

“Parang namantiyahan ang kanyang panunungkulan. Parang reflective ‘yun sa administrator, hindi ka marunong tumanggap ng negative comments about your administration.”

Kung tatanungin si Lanzaderas, walang programa o hakbang si Sanchez na maituturing nitong pamana sa buong komunidad. “Walang legacy policy si Sanchez, sa kanyang panunungkulan for the past six years… wala talaga siyang iniwan na isang legacy policy na may positive impact sa kanyang mga constituents specifically sa aming mga faculty.”

Bukod sa hindi maka-estudyanteng mga polisiya, isa sa malaking pangamba ni Maranan kung sakaling manalo si Sanchez ang posibilidad na mawalan ng paninindigan ang UP sa mga isyung panlipunan.

“The university could not or would not make stands on critical issues in society. Very important ngayon ang role ng University of the Philippines System in shaping political opinion especially in this unprecedented times.” ■


Ang photo illustration na ginamit sa istoryang ito ay inihanda ni De Anne Pilapil, mula sa mga litratong kuha sa No More Chances Sanchez.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya