DAPAT MONG MALAMAN

  • Para sa UP, consistency ang naging sikreto sa pag-alaga nila ng kalamangan sa buong laro.
  • Mahalaga ang laro sa Miyerkules, Dis. 14, sa magiging takbo ng best-of-three Finals series.


Isinulat ang istoryang ito ni Tanglaw reporter Jan Paolo Pasco mula sa Mall of Asia Arena.


MANILA — Bagama’t nabawian sila sa huling paghaharap noong regular season, hindi hinayaan ng defending champions na maulit muli para sa kanilang kampanya para sa ikalawang sunod na kampeonato.

Isang panalo na lang at muli na namang maghahari ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons matapos talunin ang Ateneo de Manila University (AdMU) Blue Eagles, 72-66, sa Game 1 ng ‘Battle of Katipunan’ rematch ng UAAP Season 85 men’s basketball finals nitong Linggo sa Mall of Asia Arena.

Pilit mang hinahabol at dumikit ang laro hanggang sa huling yugto ng laban, tagumpay na napigilan ng Fighting Maroons ang tangkang pagdagit ng Blue Eagles sa panalo. Naging mainit ang kanilang opensa at depensa para selyuhan ang krusyal na panalo sa best-of-three finals series.

Kuha ng UAAP Season 85 Media Team

Pinangunahan ni Zavier Lucero ang UP matapos tumikada ng 14 points, 11 rebounds, two assists, at two blocks sa loob ng 33 minuto. Umiskor naman si JD Cagulangan ng 12 puntos, kasama ang eight rebounds, five assists, and two steals.

Bumida rin para sa Fighting Maroons si Harold Alarcon matapos kumamada ng 11 puntos, kalakip ang crucial shots na binitawan sa fourth quarter upang umalagwa sa dikdikang laban.  Kumana rin ng nine points at 10 rebounds ang presumptive season MVP Malick Diouf. 

Nag-ambag naman ng eight points si Cyril Gonzales para sa opensa ng UP, habang nagdagdag din si Carl Tamayo ng seven points, sa kabila ng iniindang ankle injury na kaniyang natamo sa laban nila kontra National University sa nakaraang semifinals.

Kuha ng UAAP Season 85 Media Team

Tuloy-tuloy lang

Ayon kay UP coach Goldwin Monteverde, depensa at ‘consistency’ sa pag-alaga ng kanilang lamang sa buong takbo ng laro ang naging dahilan ng pagkapanalo ng UP.

“Defensively we started well. ‘Yung movement ng bola was there. I like the way the team was looking for the open man. They had their run kanina but atleast na-sustain naman namin yung lead nung fourth,” ayon kay  Monteverde.

Sa kabilang banda, nanguna si Forthsky Padrigao sa Ateneo matapos gumawa ng 16 points sa loob lamang ng 22 minuto habang nagposte naman si reigning MVP Ange Kouame ng double-double performance na 15-points at 10 rebounds sa pagkatalo.

Ito ang ikatlong beses nilang paghaharap sa UAAP finals sa huling apat na season. Matatandaang nagkampeon ang Fighting Maroons sa kanilang huling sagupaan noong nakaraang Season 84, matapos nitong wakasan ang tatlong taong pamamayani ng Blue Eagles at tatlong dekadang pagkauhaw sa kampeonato.

Tatangkain ng UP na muli na namang maangkin ang titulo sa darating na Game 2 habang susubukan naman ng Ateneo na ipwersa ang winner-take-all match para sa muling pagdagit sa naagaw na korona.

Magaganap ang Game 2 ng UAAP Finals sa Smart Araneta Coliseum sa darating na Miyerkules, December 14. ■


Scoreboard

UP 72 — Lucero 14, Cagulangan 12, Alarcon 11, Diouf 9, Gonzales 8, Tamayo 7, Galinato 6, Spencer 5, Fortea 0, Abadiano 0.

Ateneo 66 — Padrigao 16, Kouame 15, Ildefonso 10, Andrade 10, Koon 9, Lazaro 3, Chiu 2, Gomez 1, Ballungay 0, Daves 0, Quitevis 0, Lao 0.

Quarter scores: 28-19, 42-35, 54-50, 72-66


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya