DAPAT MONG MALAMAN
- Hindi inasahan ng marami na ang dating rehente ang mauupo bilang susunod na UP President.
- Para sa marami, kailangang linawin ni Jimenez ang kaniyang mga tindig at magiging plataporma sa kaniyang pagkakaupo.
NEWS ANALYSIS

MANILA — Sa pag-upo ni Atty. Angelo Jimenez bilang ika-22 na UP President, malaki ang kaniyang haharaping hamon: bigyang-linaw ang kaniyang malabong mga tindig at kunin ang tiwala ng komunidad ng UP.
Hati ang reputasyon nito bilang isang lider-estudyante sa UP noong kanyang kabataan at bilang ‘Malacañang Regent’ mula 2016 hanggang 2021. Sa katunayan, hindi masasabing nakahinga nang maluwag at hindi rin nagpuyos sa galit ang karamihan sa desisyon ng Board of Regents (BOR).
Noong inanunsyo ni Student Regent Siegfred Severino ang pagkapili kay Jimenez, bakas sa mga mag-aaral na naghintay sa paanan ng Quezon Hall ang pagkalito sa balita. Mistulang tanong ng lahat: Ano ba ang haharapin sa kandidatong hindi naman namin inasahang magwawagi?

(Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter)
Kontrobersiyal na tindig
Sa buong selection process, bukambibig ni Jimenez ang pagresolba sa mga problema ng UP sa pamamagitan ng pagtingin sa sistema ng pamumuno. “The most important thing was a deep insight on systems perspective … I was also a member of the BOR finance committee, and I know what I do because I am always following the money in that committee,” saad ni Jimenez sa isang panayam ng Philippine Collegian.
Sa kabila ng ipinagmamalaki niyang karanasan at pananaw sa pamumuno, makikitang hindi kahanay ng ilan sa mga tindig ni Jimenez ang sentimyento ng mga sektor sa UP.
Isa sa mga kontrobersiyal na naging hakbang nito ang pag-amin niyang hindi siya pabor sa mass promotion na naganap sa UP nang nagsimula ang pandemya noong 2020. Isa umanong “copout” ang ginawa ng unibersidad at dapat ay tinapos nito ang semestre.
Dahil sa mga ito, lumitaw agad ang mga panawagan kay Jimenez na panghawakan ang isang makamasang pamumuno, kasabay ng mas matinding na pagmamatyag upang ihanay nito ang kaniyang pamumuno sa interes ng komunidad ng UP.
Taliwas rin ang tindig nito sa pagbabalik ng full face-to-face classes at sa pagwaksi ng kontraktwalisasyon sa mga kawani ng unibersidad. Para kay Jimenez, dapat nang tanggapin ng UP ang mga benepisyo ng blended learning, at bukas umano siya sa contractual hiring sa mga pagkakataong salat sa mga kawani ang UP.
Nariyan rin ang hindi matanggal-tanggal na bakas sa pagiging lider-estudyante ni Jimenez, na dating University Student Council chairperson sa Diliman. Siya ang umupong Student Regent noong 1992, sa kabila ng pag-endorso ng mga konseho kay Jose Ilagan ng Los Baños.
Dahil sa mga ito, lumitaw agad ang mga panawagan kay Jimenez na panghawakan ang isang makamasang pamumuno, kasabay ng mas matinding na pagmamatyag upang ihanay nito ang kaniyang pamumuno sa interes ng komunidad ng UP.
“We are with the students in looking at the turnout of this election with watchful eyes… We, Iskolars ng Bayan, will maintain the vigilance and awareness we’ve developed throughout this Presidency selection process,” pahayag ng Office of the Student Regent (OSR).

(Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter)
‘Misunderstood’?
Kung mahaharap sa pinaigting na pagbabantay si Jimenez, paano naman niya kaya ito tatanggapin? Noong Disyembre 7, inulat ng Philippine Collegian na “no” ang kaniyang sagot sa pagsasabatas ng 1989 UP-DND Accord. Aniya, wala na raw saysay ang kasunduan nang magkaroon ng hiwalay na kasunduan noong 1992 sa pagitan ng UP at ng noo’y bagong tatag na Department of Interior and Local Government (DILG).
Ang hindi naipaliwanag ni Jimenez ay magkaiba ang saklaw ng dalawang kasunduan. Nakasentro ang UP-DND Accord sa paglilimita ng puwersa ng militar at ng pulisya sa loob ng unibersidad. Isinagawa lamang ang UP-DILG Accord nang ilipat ang sangay ng kapulisan sa ilalim ng ahensiyang ito. Kung nais ng UP na manatili ang kalayaang pang-akademiko sa loob nito, ang panawagan ng mga progresibo ay dapat panatilihin ang parehong kasunduan.
Ito ang isa sa mga tinanong ng nag-abang kay Jimenez sa paanan ng Quezon Hall. Sinagot niya ito sa nakasanayan niyang pamamaraan: ang pagpapaliwanag ng pagkakaiba ng mandato ng DND at DILG.
Tumagal ang pagsagot nito nang ilang minuto, kaya’t tinanong na si Jimenez ng mga miyembro ng student press kung ano ba ang kaniyang “categorical stance” sa UP-DND Accord.
Imbis na direktang sagot, tila ba’y reklamo sa naging ulat ng Collegian ang natanggap mula sa bagong-piling UP President. “Please do not ask me any more for yes-or-no [questions]. Na-misunderstood ninyo ako because of those yes-or-no questions.” Sadya man o hindi, tinapos agad ang panayam nang malaman ni Jimenez na taga-Collegian pala ang isa sa mga nagtatanong sa kaniya. ■
Layunin ng pormang news analysis na gamitin ang kaalaman ng mga Tanglaw reporters upang ipaliwanag ang mga balita sa pamamagitan ng pagbibigay-konteksto, pagpapakahulugan, at obserbasyon.




You must be logged in to post a comment.