DAPAT MONG MALAMAN
- Ito ay matapos mahatulan ang mamamahayag na si Frank Cimatu dahil lamang sa isang Facebook post.
- Banta sa malayang pamamahayag ang patuloy na paggamit ng mga libel laws laban sa mga peryodista, saad ng NUJP.
- Isang panukalang batas ang isinumite ni Sen. Risa Hontiveros, upang matigil na ang paggamit ng kasong libel laban sa mga mamamahayag.
Tinuligsa ng mga mamamahayag ang naging hatol sa kasong cyberlibel na isinampa laban sa mamamahayag na si Frank Cimatu.
Hinatulan ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 93 ngayong araw, Dis. 13, ang Rappler contributor, dahil sa isang Facebook post nito noong 2017 na inireklamo ng dating Agriculture Secretary Manny Piñol.
Ayon sa korte, may intensyon pa rin ang post na siraan ang dating kalihim bagama’t hindi nabanggit ang pangalan ni Piñol: “A cursory reading of the Facebook post would show the intention of the writer, herein accused Cimatu, to injure the reputation, credit, and virtue of Piñol and expose him to public hatred, discredit, contempt and ridicule.”
Hinatulan si Cimatu ng pagkakakulong na hindi lalagpas sa limang taon, limang buwan at 11 araw at pinagbabayad rin kay Piñol ng ₱300,000.
Pagsuporta mula sa mga kawani ng midya
Nagpahayag naman ng pagsuporta sa planong pag-apela ni Cimatu sa desisyon ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), kasabay ang pagtuligsa nito sa paggamit ng kasong libel upang patahimikin ang mga kasapi ng midya.
“NUJP maintains that the right to free expression and press freedom is paramount especially when exercised in relation to public officials. A powerful politician such as Piñol crying foul over a Facebook post of a community journalist is ironic in a supposed democratic country,” saad ng organisasyon.
Sa isa ring pahayag, naglabas naman ng hinaing sa patuloy na pag-atake sa hanay ng media ang AlterMidya Network. “Weaponizing libel promotes impunity and censorship, breeding a scenario where people expressing opinions are adjudged ‘criminal’,” ayon naman sa news organization.
Dagdag pa ni Nobel Peace Prize laureate Maria Ressa, ito ay halimbawa ng pagpapatahimik sa mga mamamahayag, gamit ang mga batas na kagaya ng cyber libel. Maging si Ressa ay naging biktima rin at nahatulan sa patong-patong na kaso ng cyber libel, ngunit siya ay kasalukuyang nakapiyansa.
Panukalang decriminalization
Sa kaugnay na balita, nagsumite ngayong araw si Senador Risa Hontiveros ng panukalang “Decriminalization of Libel Act”. Ayon sa senador, lagi na umanong ginagamit ang cyber libel upang patahimikin ang mga mamamahayag.
“Our libel laws have been weaponized to stifle very basic fundamental rights. These laws have been used to constantly attack many of our freedoms, but particularly the freedom of the press. We need to decriminalize libel if we are to truly defend press freedom,” pahayag ni Hontiveros.
Ayon sa ulat ng Rappler noong Hulyo mula sa isang Freedom of Information (FOI) request sa Department of Justice (DOJ), tatlong mamamahayag ang nahatulan na ng kasong cyber libel. ■



