
[Updated 10:23 a.m.]
Kinapos ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons kontra Ateneo de Manila University Blue Eagles sa iskor na 65-55 sa Game 2 ng ‘Battle of Katipunan’ finals ng UAAP Season 85 men’s basketball tournament nitong Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.
Magkakaroon ng winner-take-all Game 3 na gaganapin sa kaparehong venue sa darating na Lunes, Disyembre 19.
Matapos ang pagkapanalo sa Game 1, hindi naging madali sa defending champions ang kanilang naging muling paghaharap matapos kontrolin ng Blue Eagles ang tempo ng buong laro.
Kaugnay nito, ito ang naitalang pinakamababang scoring output ng Fighting Maroons sa ilalim ng pangunguna ni coach Goldwin Monteverde.
Nanguna para sa opensa ng UP si Carl Tamayo na kumolekta ng 15 points at tatlong rebounds habang nagtala naman si JD Cagulangan ng 11 points, apat na rebounds, at dalawang assists ngunit hindi naging sapat para makuha ang panalo.
Nagdagdag naman sina Terrence Fortea at Harold Alarcon ng siyam at limang puntos, ayon sa pagkakasunod.
Pagsubok ng UP
Sa pagsisimula ng fourth quarter, isang malaking dagok ang hinarap ng UP dahil sa isang left-knee injury na sinapit ni Zavier Lucero matapos ang tangkang pag-atake sa depensa ni Chris Koon. Dahil dito, hindi na rin siya nakabalik pa sa paglalaro at nakapagtala lamang ng anim na puntos at 11 rebounds.
Hindi naman naging maganda ang gising ni Malick Diouf, isa sa mga key player ng Fighting Maroons, matapos lamang nitong umiskor ng dalawang puntos kalakip ang 11 rebounds. Hindi rin nakaporma si James Spencer matapos maging scoreless sa naging pagtatagpo.
Sa isang bidyo na in-upload ng Puso Pilipinas, ipinakita kung paano inuudyok ni CJ Cansino ang buong koponan na manatiling matatag at buo ang loob sa serye ng laban.
“Wag niyong ipakitang tapos na. Ba’t ganyan ang mga mukha nyo, akala n’yo wala pa tayong game 3. May Game 3 pa tayo. Iangat n’yo mukha n’yo,” bulalas ni Cansino na nakapahinga ngayong season habang patuloy na sumasailalim sa isang right-surgery.
Sa kabilang banda, kinilala na Season 85 Most Valuable Player at Mythical 5 member si Diouf ng UP. Parte rin ng Mythical 5 team si Tamayo, kasabay ang paghirang sa kanya bilang Swag Player of the Season.
ATENEO 65 – Kouame 19, Ballungay 15, Padrigao 11, Daves 6, Chiu 6, Ildefonso 3, Gomez 2, Lazaro 2, Koon 1, Quitevis 0, Andrade 0.
UP 55 – Tamayo 15, Cagulangan 11, Fortea 9, Lucero 6, Alarcon 5, Abadiano 4, Diouf 2, Galinato 2, Spencer 1, Gonzales 0, Calimag 0, Lina 0.
Quarter scores: 19-20, 33-41, 44-57, 55-65
Abangan ang analysis.




You must be logged in to post a comment.