DAPAT MONG MALAMAN
- Nais isabatas ng bagong-piling UP President ang isang kasunduang hawig sa UP-DND Accord.
- Nangako rin ito ng mas masinsinang konsultasyon sa iba’t ibang mga sektor.

Humarap si Atty. Angelo Jimenez sa mga sektor ng unibersidad sa isang hybrid na dayalogo, kasunod ng kaniyang pangakong konsultasyon noong siya ang mapili bilang ika-22 na Pangulo ng UP.
Kalakhan ng mga tugon ni Jimenez ay kahanay ng nauna niyang pananaw na dapat tingnan ang mga problema ng UP sa pamamagitan ng pagtingin sa sistema ng pamumuno.
“I am located at the systems level, not at the [constituent universities’] level… Most of the things are concern ng CU level,” paliwanag ni Jimenez.
Sinabi ni Jimenez na pabor siya sa pagasabatas ng isang kasunduang hawig sa nilalaman ng UP-DND Accord, ngunit ayaw niyang itali ang pangalan nito sa mga ahensya ng pamahalaan.
“How much categorical can I get? Maganda sana na hindi siya basta basta i-abrogate… I am a supporter in the institutionalization of [the accord], but ayoko sa DND, DILG,” aniya.
Direkta naman ang pagtutol ni Jimenez sa mandatory ROTC, at nangako siyang titingnan ang hinaing ng campus press at iba pang mga sektor bago maupo sa puwesto.
Hinimok naman niya ang mga dumalo na tingnan ang ‘nuances’ ng kaniyang pagpapaliwanag ng magiging programa niya bilang Pangulo. “Please, tulungan naman tayo. We can grasp nuance,” hiling ni Jimenez. ■




You must be logged in to post a comment.