DAPAT MONG MALAMAN
- Maraming rason sa paggamit ng maraming SIM card ng mga Pilipino, gaya ng kalidad ng network service at ang pangangailangan para sa pribasiya.
- Nahaharap ang lahat sa mas malawak na surveillance mula sa estado, kabilang ang mga mag-aaral at ang mga kawani ng midya.
Ang istoryang ito ay isinulat ng Tanglaw reporters na sina Marco Rapsing at Liam Saladino.
Pangamba sa pribasiya at sa lumalalang paniniktik ng estado ang nagbabadyang kaharapin ng mamamayang Pilipino sa pagsisimula ng pagpapatupad ng RA 11934 o ang SIM Card Registration Act noong Martes, Dis. 27.
“Tinututulan natin s’ya kasi ‘yung mismong pagre-register ng mga SIM card, ‘yung pagtatali ng identity natin doon sa SIM card, ay nakakalabag sa ating karapatan sa privacy,” pahayag ni Computer Professionals’ Union (CPU) Secretary General Kim Cantillas sa naganap na Twitter Space na pinangunahan ng Agham Nasyunal noong Okt. 7.
Dagdag pa ni Cantillas, ang paggamit ng lagpas sa isang SIM card ng bawat Pilipino ay maiuugat sa mahinang signal ng network sa isang lugar at sa kagustuhang paghiwalayin ang personal at pantrabaho na cellphone number.
Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Marcos Jr. ang batas noong ika-10 ng Oktubre sa taon na ito. Kinakailangang magparehistro sa inyong public telecommunications entities (PTE) o awtomatikong made-deactivate ang inyong mga SIM cards sa loob ng 180 araw o anim na buwan.
Tanging ang Department of Information and Communication Technology (DICT) lamang ang may kapangyarihan upang pahabain ang SIM registration na hindi lalagpas sa 120 araw. Sa kasalukuyang, tinatayang hanggang Abril 2023 maaring magparehistro ng SIM ang mga mamamayan.

Malilimitahang kalayaan
Tinutulan rin ni UP Internet Freedom Network (UP IFN) Acting President Giancarlo Morrondoz ang naturang batas. Sa panayam ng Tanglaw sa kanya noong Okt. 27, binigyang diin nito ang banta sa seguridad ng masa dahil sa mga kalakip nitong “identifiers” na magpapabilis ng kanilang pagkakakilanlan.
“Nakalagay yung names natin, address natin, yung date of birth tsaka sex, very… mga identifiers na ‘to, madali ka na lang i-pin point kung sino ka, so just that alone, mag-aalala ka na sa security mo,” ani Morrondoz.
Ayon kay Morrondoz, ang realidad ng batas ay magbubunsod ng pagkalito at magdudulot ng abala sa mga mamamayan. Malaking suliranin rin ito para sa mga komunidad na walang government-issued IDs na kailangan sa pagrerehistro, o para sa mga SIM card users na wala pa sa 18 anyos.
“Nakalagay yung names natin, address natin, yung date of birth tsaka sex, very… mga identifiers na ‘to, madali ka na lang i-pin point kung sino ka, so just that alone, mag-aalala ka na sa security mo.”
Gian Morrondoz, UP Internet Freedom Network
Maliban pa rito, isyu rin ang pagiging konektado ng taong nagrehistro sa lahat ng kanilang gagawin na may kinalaman sa rehistradong SIM card, labag man sa batas o hindi. Mas delikado umano ito para sa taong nagrehistro gamit ang kanilang valid ID, dahil sila ang masasangkot sa anumang paglabag na magawa ng isang SIM card user na konektado sa kanya.
“Paano pa ‘yung mga communities na wala dito sa siyudad, e ‘di ang mangyayari sa kanila mayroong isang taong may government ID tapos lahat naka-connect sa kanya.”
Dagdag pa ni Morrondoz, isa itong porma ng “blanket surveillance” kung saan ang masa ang pinakaapektado. Aniya: “It’s a scapegoat para i-ano nila yung surveillance. Pinapakita nila na may outside threat para na ini-scapegoat ang estado, para magpasok ng authoritarian laws.”
Nariyan rin ang problema sa pagtatago ng mga makokolektang datos. Sa Indonesia, kung saan ipinapatupad rin ang SIM registration law, naganap ang isang malawakang data breach noong nakaraang Agosto. Tinatayang 1.3 bilyong registered data ang na-leak matapos mahack ang database ng kanilang Ministry of Communication and IT.

Epekto sa mag-aaral, kawani ng media
Inisa-isa rin ni Morrondoz ang banta ng nasabing batas para sa mga mag-aaral at media practitioners. Aniya, nalilimitahan ng SIM Card Registration ang mga estudyante na maipahayag ang kanilang mga saloobin sa mga isyung kinikilala pa rin bilang taboo sa Pilipinas, gayundin ang pagsikip ng malayang espasyo upang makapag-usap tungkol sa mga gawaing pampaaralan.
“Nakaka-limit talaga yung SIM Card Registration Act, yung surveillance in general academic freedom nating mga estudyante,” saad ni Morrondoz.
Para sa mga mamamahayag, hindi lamang sa lansangan nagiging delikado ang banta ng batas ngunit pati na rin sa kanilang tahanan dahil sa mabilis na paghagilap ng kanilang personal na impormasyon. Ginawang halimbawa ni Morrondoz ang kaso ng GMA-7 reporter JP Soriano at ng pinaslang na komentarista na si Percy Lapid sa talamak na pamumulis ng awtoridad kamakailan lamang.
“It doesn’t make sense… ‘Di man nila sinasabi, meron talaga silang listahan ng mga tao, alam nila ‘yung mga location ng mga taong ito,” obserbasyon ni Morrondoz. ■




You must be logged in to post a comment.