DAPAT MONG MALAMAN
- Inisa-isa ng bawat pahayagan sa UP System ang kanilang kasalukuyang disposisyon.
- Bumuo ng resolusyon ang lupon upang magsilbing gabay sa kanilang kondukto.
- Sa panahon ni Marcos, nahaharap rin sa mas malalang pag-atake sa alternatibong pamamahayag.

CEBU CITY — Tinalakay ng mga student publications mula sa iba’t ibang UP campuses ang kinahaharap nilang mga suliranin sa unang araw ng UP Solidaridad Congress sa UP Cebu ngayong araw.
Ang UP Solidaridad Congress ay isang pagtitipon ng mga publikasyon, kung saan tinitipon ang sitwasyon ng bawat pahayagan at bumubuo ng mga resolusyon upang matugunan ito.
Seguridad, pinansya ng pagbabalita
Maliit na pondo, perang hindi makuha mula sa administrasyon, at hindi mahagilap na pagkukunan ng pinansyal na pangangailangan ang ilan lamang sa mga suliranin sa badyet ng mga student publications na idinetalye sa kani-kanilang unit report.
Kasama rito ang pondo ng The Accounts ng UP VIsayas College of Management (UPV CM) at Pagbutlak ng UP Visayas College of Arts and Sciences (UPV CAS).
Kakulangan naman sa mga miyembro ang sakit sa ulo ng ibang mga student publications. Walang pasabing inactivity ng mga staff, pag-graduate ng malaking numero ng mga miyembro o kakaunting estudyanteng lumalahok sa application process ang kinakaharap nila sa ngayon.
Marami man ang sumali, ito naman ay nagbubunsod ng hilaw na karanasan sa mga bagong miyembro, dahilan para sa mga hakbang gaya ng buwanang Journalism Skills Training (JST) tulad ng Philippine Collegian ng UP Diliman.
Problema naman sa red tagging, state surveillance at pag-atake ng mga pwersa ng estado ang suliranin ng mga student publications mula Visayas at Mindanao.
Ang mga mobilisasyon sa UP Mindanao na pinapalibutan ng mga kapulisan sa magkabilang gate ng pamantasan ang pinangangambahan ng punong patnugot ng Himati, na maaaring magbigay umano ng takot sa mga bagong miyembro ng kanilang publikasyon.
Maling akusasyon, tahasang red-tagging at tangkang pagpunta sa tinitirhan ni UP Baguio (UPB) Outcrop staff Kessha Carreon naman ang naging kaparehong insidente sa Cordillera.

Kinukunan ng litrato ng isang estudyante ang isang delegado ng UP Solidaridad Congress sa UP Cebu, habang ito ay nag-uulat ng mga nangyari sa kanilang publication. (Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter)
Tunguhin ng alyansa sa hinaharap
Matapos ang mga ulat, binuksan sa lupon ang iba’t ibang resolusyon, na naglalayong gabayan ang mga pahayagan sa magiging kondukto nito.
Sinimulan ito ng SINAG mula sa UP Diliman College of Social Sciences and Philosophy at Manila Collegian ng UP Manila sa pagsusumite ng resolusyon para labanan ang campus press freedom violations.
Binigyang diin ng punong patnugot ng SINAG na si Justin Daduya ang malalang pag-atake ng mga trolls sa kanilang publikasyon, na nagreresulta sa maliit na nararating at kakaunting mambabasa ng kanilang mga istorya.
Inihain naman ng UPLB Perspective ang resolusyon upang mas bigyang pansin ng mga publikasyon ang panawagan ng mga manggagawang Pilipino at ang kanilang mga paghihirap.
Mas mas malaki at mabilis na pagpopondo sa mga publikasyon ang nirekomenda ng Outcrop at Tanglaw, ang pahayagan ng mga mag-aaral ng UPLB College of Development Communication.
Salaysay ng dalawang pahayagan, nalilimitahan sila ng kakarampot na pondo at hindi nila maisagawa nang maayos ang kanilang tungkulin bilang tagapaghatid ng balita.

Nakikinig ang mga mamamahayag sa mga kaganapan sa UP Solidaridad Congress sa UP Cebu. (Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter)
Resolusyon laban sa media blackout at censorship ang idinulog ng Tug-ani ng UP Cebu at Himati ng UP Mindanao, kasabay ng patuloy na pag-atake sa alagad ng midya mula pa sa rehimeng Duterte na nagpapatuloy hanggang ngayon.
Suporta sa pagrerebisa sa konstitusyon ng mga pahayagan at paggawa naman nito para sa mga bagong publikasyon ang resolusyong inilatag ng Philippine Collegian at UPLB Perspective.
Panghuli, minungkahi ng Vista ng UP Tacloban, KALASAG ng UP Diliman College of Arts and Sciences at Ang Tagamasid ng UP Manila College of Arts and Sciences ang pagpapalakas ng kampanya upang tutulan ang mga pag-atake ng estado sa pahayagan. Kaugnay ito sa kaso ni Frenchie Mae Cumpio na tatlong taon nang nakakulong matapos ang gawa-gawang kaso.
Lahat ng mga resolusyon na ito ay naaprubahan ng lupon ng mga pahayagan.
Tinalakay din ng dating punong patnugot ng Tug-ani Jubilee Orbiso ang human rights violation sa Central Visayas sa administrasyong Duterte at Marcos. Kasama sa kaniyang diskurso ang militarisasyon, red tagging, at extrajudicial killings sa rehiyon.
Nagtapos ang unang araw ng sesyon sa usaping press freedom sa panahon ng pasismo, sa pangunguna ni College Editors’ Guild of the Philippines.
Binigyang diin sa pagtalakay ang naging mabagsik na pamumuno ng dating Pangulong Duterte, ang kaniyang pag-atake sa alternatibo at kritikal na pagbabalita, at ang nagpapatuloy na ganitong siste panahon ni Pangulong Marcos Jr.




You must be logged in to post a comment.