Isinulat ito ni Marco Rapsing, kasama ang mga ulat nina Jan Carlo Basilio, Reuben Pio Martinez, Neil Andrew Tallayo at Marius Cristan Pader. Ang lahat ng litrato ay kuha ni Dan Alexander Abas.


CEBU CITY – Iba’t ibang mga karaingan ng mga konseho ng mga mag-aaral na humantong sa isang kilos-protesta ang sumentro sa unang araw ng General Assembly of Student Councils (GASC) kahapon.

Sa pangunguna ng UP Cebu University Student Council (UPC USC), nagtipon sa harap pamantasan ang mga lider-estudyante, kasama sina Student Regent Siegfred Severino, KASAMA sa UP (KSUP) Chairperson Andrew Ronquillo, at ang Executive Vice President ng Kabataan Partylist Renee Co.

Kabilang sa mga bitbit na panawagan ang pagbasura sa National Community Service Training (NCST) Bill, na umano’y mas pinabango lamang na Mandatory Reserve Officers Training Corps (MROTC), kasama ang pagpapatigil sa tahasang militarisasyon, red-tagging at pag-atake sa sangkaestudyantehan at kasapi ng mga publikasyon. 

“Kung akala ng Marcos-Duterte administration ay matatakot tayo sa pangha-harass nila, d’yan sila nagkakamali. Dahil hangga’t may inhustisya, may mamamayang mag-aalsa,” saad ng UPC USC.

Ilan pa sa mga ipinaglalaban ng konseho ay ang karapatan ng mga manggagawa, ligtas na balik-eskwela, at ang pagkaltas ng budget sa mga serbisyong kalusugan at panlipunan.

Matapos ang naganap na kilos-protesta ay bumalik sa A.S. Hall ang mga kasapi ng konseho upang isa-isang ilatag kanilang mga unit reports para sa nagdaang semestre. Dito nila tinalakay ang kanilang mga nakamit, sinalaysay ang mga isyung kinaharap, at nagkaroon ng pagkakataong magpalitan ng kuro-kuro at karanasan.

Nagpahayag ng kanilang lokal na sitwasyon ang isang college council sa UP Manila matapos ang isang unit report. (Kuha ni Dan Alexander Abas)

Lokal na isyu

Mapapansin sa bawat ulat ng mga konseho na naging sentro ng kani-kanilang mga ulat ang kanilang pagkalampag para sa ligtas na balik eskwela at ang kaakibat nitong pakikipagdayalogo sa administrasyon. Kasama rin dito ang mga aktibidad na unti-unti nang nagbabalik sa face-to-face setup, at ang panibagong mga programang handog ng bawat konseho sa kanilang mga nasasakupan. 

Binigyang-diin din ang pagiging maka-estudyante at pagtulong sa krisis pang-akademiko na kinakaharap ng mga ito, kasabay ng mahirap na transisyon patungong face-to-face classes. Kagaya ng “Atin ang SU” campaign sa UPLB, kung saan nagsilbing 24/7 learning hub ang Student Union Building, may mga kaparehong hakbang na isinagawa ang mga konseho sa UP Mindanao at UP Diliman.

Hindi rin lingid sa usapin ang mga problemang pangrehiyon na mismong nararanasan ng mga lider-estudyante sa iba’t ibang UP campuses. Ang mga ulat mula sa mga USC ng UP Baguio, UP Los Banos at UP Mindanao ay hinggil sa malalang paniniktik ng estado at red-tagging na talamak sa campus., Nahaharap rin sa karahasan mula sa mga puwersa ng estado ang mga konseho mula sa Visayas at Mindanao.

Sa isang makasaysayang tagpo, inilahad naman ng UP Open University USC sa kanilang kauna-unahang pagdalo sa GASC ang kawalan ng akmang suporta sa pagbuo nito ng student council, at mga hindi maka-estudyanteng polisiya na kanilang itinuro sa pagiging distance-learning based ng UPOU.

Problemang pangkalusugan at suporta para sa maayos na pasilidad at kagamitang medikal ang daing ng UP Manila USC at ang alyansa ng mga konseho sa UP Manila School of Health Sciences. 

Nagbigay ng ulat si Kabataan Partylist Executive Vice President Renee Co tungkol sa pambansang sitwasyon.
(Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter)

Pinabangong Mandatory ROTC

Bago ang mga unit reports, nagbigay muna ang dating Student Regent Co ng isang ulat tungkol sa pambansang sitwasyon sa nakalipas na anim na buwan.

Usapin tungkol sa food security, malalang korapsyon, pagpapatuloy ng imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Duterte at ang niraratsasang Charter Change ang mga unang nabanggit ni Co.

Dumako naman ang kaniyang ulat sa kasalukuyang lagay ng NCST Bill, at ang pasakit na maidudulot nito sa mga estudyante sa aspetong pisikal, mental at pinansya. 

“Ito yung pinakamalala … ’yung mga university, p’wede silang magpataw ng training fee na pwedeng tumaas up to 50% ng presyo [ng] matrikula,” paliwanag ni Co sa posibleng pagiging pasakit sa bulsa sakaling mapasa ang panukala.

Pinaalala rin niya na may iba pang paraan upang mas maipahayag ang nasyonalismo ng hindi kailangan ng mandato ng ROTC sa anumang anyo. Aniya, patuloy lamang nitong tatanggalin ang oportunidad ng mga mag-aaral na makapaglingkod sa ating bayan sa paraang nais nila.

“At the end of the day, it is still MROTC … Hindi naman nireresolba ng MROTC ang krisis ng edukasyon,” saad ni Co.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya