DAPAT MONG MALAMAN

  • Pinagsama ang magkahiwalay na resolusyon patungkol sa pagbibigay-suporta sa mga debate groups at varsity athletes ng unibersidad.
  • Naging malalim ang diskurso patungkol sa panawagang itigil ang Return Service Agreement, at napagdesisyunan ng mga konseho na kailangan ng mas maraming konsultasyon patungkol rito.

Kasama ng istoryang ito ang mga ulat nina Marco Rapsing, Neil Andrew Tallayo, Reuben Martinez, Marius Cristan Pader, Jan Carlo Basilio, Mar Jhun Daniel, at Raleign Pia Camarillo. Ang lahat ng litrato ay kuha ni Dan Alexander Abas.


CEBU CITY — Tatlong resolusyon sa loob ng UP System ang hindi pumasa sa plenaryo sa pagtatapos ng ika-54 na General Assembly of Student Councils (GASC). 

Sa mga diskurso sa bawat resolusyon pinag-usapan ng ilang mga student councils ang kanilang mga hindi pagkakaunawaan sa mga masalimuot na isyu, ngunit kakabit naman nito ang pagresolbang bubutbutin ito bago ang susunod na GASC sa Hulyo o Agosto.

Bagamat bihira, may tsansang hindi maipasa ang mga resolusyon dahil nakakakita ng pagkukulang o may pagtutol sa nilalaman nito. Mahalaga itong mabutbot dahil dadalhin ng mga konseho ang nilalaman ng mga resolusyon para sa kanilang mga kampanya at aktibidad.

“Mararapat talaga ang napapanahong pagsusuri sa ating mga bitbit na kampanya para maangkla ito sa materyal na kondisyon natin bilang mga estudyante,” pagpapaalala ng UP Manila College of Arts and Sciences Student Council (CAS SC). 

Nagtagal ang ika-54 na GASC ng tatlong araw sa UP Cebu.

Suporta sa debaters, athletes

Una rito ang resolusyong bigyan ng karampatang suporta ang mga debate groups sa UP System. Kasama ang The Parliament, ang debate society sa UPLB, mayroon pang walong ibang grupo sa buong unibersidad na lumalaban sa mga debate competitions.

“It’s a platform to sharpen their skills in public speaking, but also to enable [them] to interrogate issues in society. Therefore, it should be our mandate to support this platform that promotes critical engagement,” saad ng UP Visayas University Student Council, isa sa mga sumulat ng resolusyon.

Idinetalye ng maraming mga konseho – na mga debaters rin sa kani-kanilang mga campus – ang mga problemang kinahaharap ng mga debate groups, gaya ng kawalan ng pondo sa pagpapadala ng mga delegado o ang kakapusan sa mga espasyo kung saan sila maaaring magsanay.

Bagamat sang-ayon naman ang mga konseho sa nilalaman ng resolusyon, nagkaroon ng panawagan sa gitna ng deliberasyon na pagsamahin ang resolusyong ito sa kahiwalay na panukalang nananawagan rin ng suporta para naman sa mga varsity athletes ng unibersidad.

Sa mga unmoderated caucus nagkaroon ng pagkakataon ang mga konsehong linawin ang mga masalimuot na parte ng resolusyon.

Ayon sa UP Manila CAS SC, hindi pa kapantay ng pagkilalang ibinibigay sa varsity athletes ang pagkilala para naman sa mga debate groups. Magkahiwalay rin umano ang mga pangangailangan ng debate groups at ng mga varsity teams at kailangang magkahiwalay ang mga resolusyon upang magkaroon ng “leeway” na matugunan ang kanya-kanyang mga isyu. 

Para rin sa UP Manila College of Nursing Student Council (NSC), dapat munang maipasa ang resolusyong ito upang mailakad ng mga debate groups ang kaparehong pagkilala na kagaya ng iginagawad sa mga varsity athletes.

“I hope that this resolution pushes through with more specific provisions in terms of the varsity status,” saad ng isang miyembro ng UP Tacloban debate team sa kaniyang privilege speech.

Para naman sa mga konsehong nagtutulak na pagsamahin ang mga resolusyon para sa debate groups at varsity athletes, magiging resulta nito ang isang mas malawak na resolusyon kung saan maisasama rin ang pangangailangan ng iba pang mga nagdadala ng karangalan sa unibersidad na labas sa dalawang ito.

“Kaisa sa panawagan, karapatan ng bawat estudyante na mabigyan ng funding at ‘di dapat mag-stop sa debate groups kundi sa lahat ng competing groups na ma-recognize na varsity status,” ayon naman sa UP Cebu USC.

“May iba’t ibang konteksto, whether athletic or non-athletic, ano man ang ginagawa mo na nire-represent ang UP System, karapatan mo na ma-recognize,” dagdag pa ng UP Diliman USC.

Natapos ang diskusyon nang paalalahanan ang mga konseho sa mabibigat na mga resolusyong pag-uusapan sa huling araw ng GASC. Matapos ang isang unmoderated caucus bago matapos ang sesyon noong Pebrero 3, pumasa sa plenaryo noong Pebrero 4 ang isang mosyon na pagsamahin ang dalawang resolusyon at pag-usapan ito sa susunod na GASC.

Sa dulo ng sesyon, bitbit ng mga konseho ang pinagsamang mga kampanya at panawagan.

Stop RSA?

Sa huling araw ng GASC ay naging masalimuot rin ang deliberasyon sa resolusyong inihain ng mga student councils mula sa “white” o medical colleges ng UP Manila, maliban sa College of Medicine Student Council. Layunin nitong amyendahan ang isang resolusyon mula sa ika-48 na GASC noong Hulyo 2019, na nananawagang itigil ang return service agreement (RSA) sa UP Manila at sa kakabit na mga School of Health Sciences (SHS) sa Koronadal, Palo, Baler, at Tarlac.

Sa ilalim ng RSA, kinakailangang magtrabaho ng mga nagtapos mula sa mga medical colleges sa UP Manila ng kalahati ng panahong ginugol naman nila sa pag-aaral. Kapag nabali ang kontratang ito, magbabayad ang mag-aaral ng aabot sa doble ng halaga ng pagpapaaral sa kaniya.

Ayon sa mga nagpanukala, isang neoliberal at komersyalisadong anyo ng edukasyon ang pinapanatili ng RSA, at isa itong tapal na solusyon sa paglisan ng mga medical professionals mula sa Pilipinas. “Nililimitahan nito ang options ng mga mag-aaral at kinukulong ang mga ito sa isang kontrata na sa una pa lamang ay hindi na naging malinaw,” ayon sa UP Manila NSC. 

Bagamat matagal nang bitbit ng UP Manila student councils ang panawagang itigil na ang RSA, ito naman ang nakikitang sandigan ng mga student councils ng UP Manila SHS upang mabuhay ang kanilang mga kolehiyo.

Itinatag noong 1976 ang UPM SHS at kilala sila sa kanilang “ladderized curriculum”, kung saan dadaan ang mga mag-aaral nito sa pag-aaral ng midwifery, nurse, nurse practitioner, at Doctor of Medicine. Kakabit din nito ang service leave o ang pagpunta sa mga komunidad para maisagawa ang kanilang natutunan.

Sentro sa operasyon ng UPM SHS ang suporta ng mga lokal na pamahalaan, mula sa pagpili ng mga makakapasok sa mga kolehiyo, hanggang sa pinansyal na pangangailangan upang mapag-aral ang mga ito.

Sa isang privilege speech, idinetalye ng patnugot ng UPM SHS Medikritiko na si Danah Valdoz ang sitwasyon ng mga UPM SHS colleges.

Magkaibang pananaw

Emosyonal na ipinaliwanag ng UPM SHS Tarlac Student Council ang kahalagahan sa kanila ng RSA. Ayon sa konseho, ang panawagan nila ay repasuhin lamang ang RSA dahil matitigil ang kanilang operasyon kapag natigil ang RSA. 

“Ang very essence ng SHS ay para walang gastusin ang university sa pagtayo ng infrastructure. Every year … the SHS units are being granted 10 million … Gusto mo ba tanggalin yun? You will kill all the SHS units. I’m telling you, if you stop this, you will kill us,” ayon sa UPM SHS Tarlac SC.

Pagdidiin pa nila sa kalagitnaan ng deliberasyon: “Hindi namin iniinvalidate ang Ermita, ngunit base sa nasabi sa resolusyon, makikita natin na hindi applicable at hindi inirerepresenta ang boses ng mga mag-aaral sa SHS.”

Tugon naman ng UPM USC, kinikilala nilang hindi na madaling maibabasura ang RSA dahil na rin sa sitwasyon ng UPM SHS. Bilang pagkilala sa sitwasyong ito, dala umano ng “Stop RSA” campaign ang panawagang tanggalin lamang ang penalty clause o ang pagbabayad ng ginastos sa pag-aaral ng mga estudyanteng magdedesisyong baliin ang kontrata.

Nagkaroon rin ng unmoderated caucus sa pagitan ng UP Manila student councils at sa mga konseho ng UPM SHS.

Sa kabila nito, bitbit umano nila ang problema ng kalayaan sa edukasyong pinipigilan ng RSA. Dagdag pa ng UPM NSC, hindi dapat pilitin ang mga graduates na magtrabaho sa Pilipinas, lalo na’t nahaharap sila sa mababang pasahod at kawalan ng benepisyo. “Ang ipinaglalaban ng UPM ay education is a right and hindi dapat tayo fino-force sa country. It should come naturally.”

Suhestiyon ni Student Regent Siegfred Severino na tanggalin na lamang ang pangalan ng UPM SHS mula sa resolusyon dahil sa mga pangamba nito at sa pagkakaiba ng RSA sa kanila. Pumasa sa plenaryo ang mosyong ito.

Matapos ito, sumentro ang deliberasyon sa umano’y kawalan ng konsultasyon sa mga konseho sa UPM SHS sa pagsusulat ng resolusyon. “Kung talagang nire-recognize ang differences between SHS and Malate, dapat noong una pa lamang ay na-include na kami sa pag-draft ng resolution or dapat hinayaan kami na gumawa for our own resolution. Ayaw talaga namin ma-include.”

Ito naman ay inamin rin ng mga kolehiyo sa UPM, at sa pamamagitan ng minutes ng GASC ay isinaad sa papel ang pangakong papaigtingin pa ang konsultasyon sa UPM SHS student councils patungkol sa isyung ito. Matapos ito ay napagkasunduan rin ng mga konseho na pag-usapan ang nasabing resolusyon sa susunod na GASC. ■


Editor’s Note: Bilang pagprotekta sa seguridad ng mga konseho, hindi sinasabi ang pangalan ng mga indibidwal na nagsasalita sa deliberasyon. Bagkus, sila ay kinikilala sa pamamagitan ng konsehong kanilang kinabibilangan.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya