DAPAT MONG MALAMAN
- Pumasa sa plenaryo ang isang resolusyong isinulat ng CDC Student Council patungkol sa isang gender-inclusive UP.
- Makasaysayan ang ika-54 na GASC dahil ito ang unang beses na kinilala ang konseho mula sa UP Open University.
Kasama ng istoryang ito ang mga ulat nina Ian Raphael Lopez, Neil Andrew Tallayo, Reuben Martinez, Marius Cristan Pader, Jan Carlo Basilio, Mar Jhun Daniel, at Raleign Pia Camarillo. Ang lahat ng litrato ay kuha ni Dan Alexander Abas.

CEBU CITY — Labing-anim na resolusyong gagabay sa mga kampanya at aktibidad ng mga student councils sa buong UP System ang naipasa sa ginanap na ika-54 na General Assembly of Student Councils (GASC).
Isang gender-inclusive UP ang minimithing makamit ng College of Development Communication (CDC) Student Council sa isinulat nitong resolusyon. Ayon kay CDC SC Chairperson Shey Levita, ang pagkilala sa sexual orientation, gender identity, gender expression and sex characteristics (SOGIESC) ay isang karapatang pantao.
Binanggit din niya kasama ang kinatawan ng UP Visayas College of Arts and Sciences Student Council (CAS SC) na hindi pa rin tuluyang ligtas na espasyo ang pamantasan para sa lahat ng kasarian. “Mahalagang makilala natin ang SOGIE-SC dahil isa itong karapatang pantao. Hindi pa rin natin maigigiit na parang hindi ipa rin tuluyang ligtas na espasyo ang pamatansan natin sa karahasan,” ayon sa mga nagpanukala.
Kasabay nito ang pagbanggit sa iilang negatibong naranasan ng mga estudyante tulad ng domestic abuse noong online class, mga karahasan sa loob ng unibersidad, pangangantyaw at pagpatay sa mga kababaihan at sa mga miyembro ng LGBTQ+ community, na minsan pa’y kagagawan ng mga staff ng paaralan o iilang mga estudyanteng hinahayaan lamang ng kanilang mga organisasyon.
Dagdag pa rito ang umano’y mga gawaing nakikita ang ugaling misogynist, homophobic at transphobic ng ilang mag-aaral at manggagawa sa loob ng pamantasan.
Kasabay nito, ipinanawagan ng mga sumulat ng resolusyong panawagang ipasa na ang SOGIE Equality Bill sa Senado. Kasalukuyang hinaharang ng mga konserbatibong mambabatas ang panukala sa Kongreso.

Resolusyon sa iba’t ibang isyu
Ilan pa sa mga resolusyong nakalusot sa sesyon ay pagpapalawig ng Safe Haven Resolution na inilatag ng UPLB University Student Council, resolusyon para sa pagpapalakas ng panawagan sa solusyon sa krisis na dulot ng pagtaas ng presyo ng langis at ang pagtutol sa hindi makataong transport system ng bansa na pinangunahan ng UPLB College of Engineering and Agro-industrial Technology Student Council (CEAT SC) at College of Human Ecology Student Council (CHE SC).
Para sa pagpapaigting ng panawagang ibasura ng SIM Card Registration Act naman ang inihain na resolusyon kasama ang College of Arts and Letter (CAS) Student Council; ang pagtutol sa Maharlika Investment Fund na kasamang isinulat ng College of Forestry and Natural Resources (CFNR) Student Council at College of Economics and Management (CEM) Student Council; ang panawagan para ihinto ang mga pag-atake sa karapatang pantao at pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan mula sa UPLB USC at UPLB CAS SC; at ang isang resolusyon tungkol sa lumalalang development aggression sa kanayunan.
Tungkol naman sa mga sumusunod ang natitirang mga pasadong resolusyon:
- Pagtutol sa militarisasyon ng mga unibersidad at pagprotekta sa kalayaang pang-akademiko;
- Pagpapalaya sa mga bilanggong politikal;
- Pagbibigay ng suporta sa mga humanities and social sciences programs ng unibersidad, at sa mga serbisyo para sa mga mag-aaral na may special needs;
- Pagkontra sa umuugong na National Citizens Training Program (NCSTP);
- Panawagan para sa nakabubuhay na sahod at pagprotekta sa karapatan ng mga manggagawa;
- Para sa full face-to-face classes sa UP at sa kinakailangang mga serbisyo at pondo para sa transisyon; at
- Paniningil sa pamahalaan para sa tunay na makabansang foreign policy.
Hindi naman lumusot ang resolusyon tungkol sa pagbibigay ng karampatang suporta para sa mga debate societies sa UP System. Hindi rin inaprubahan sa plenaryo ang resolusyon tungkol sa panawagang itigil na ang Return Service Agreement (RSA) sa UP Manila, bunsod na rin ng pagtutol mula sa UP Manila School of Health Sciences (UPM SHS). Ang tatlong resolusyong ito ay pag-uusapan sa susunod na GASC sa Hulyo o Agosto. Basahin ang kaugnay na ulat.

Unang sabak ng UPOU
Ipinagbunyi naman ng buong GASC ang kauna-unahang pagdalo ng UP Open University Student Council. Sa kanilang unit report, idinetalye nila ang mga suliraning kinahaharap ng mga mag-aaral at ang pagtugon ng konseho rito, gaya ng matagal na paglalabas ng grado sa kanilang campus na umaabot pa ng tatlo hanggang anim na taon.
Binanggit rin nila ang mental health subsidy na binuksan lamang ng UP administration para sa tatlong estudyante sa UPOU, mula sa humigi’t kumulang anim na libong populasyon nila.
Ilan sa mga napagtagumpayan nila ay ang “Tara na OU Initiative” ay isa sa mga programa ng kanilang konseho sa hinaharap na naglalayong magkaroon pa ng mas magandang ugnayan ng mga estudyante. Kasama rito ang kanilang hybrid oath taking ceremony at ang matagumpay na paglahok sa Bantay BOR system-wide mobilization sa UP Diliman.
Ang UPOU USC ang nanguna sa pagsulat ng resolusyon para sa pagbasura ng SIM Card Registration Act. Kasabay nito, inamyendahan rin ang Codified Rules for the Selection of the Student Regent upang mabigyan ang UPOU ng dalawang boto sa pagpili ng susunod na rehente ng mga mag-aaral.
Ipinanawagan rin ng UPOU USC sa kanilang mga mag-aaral, na karamihan ay mga graduate students, na samahan sila sa mga aktibidad at pakikibaka. “Don’t be indifferent. Be with us, struggle with us because you know how it feels like to be beside an empty chair.” ■
Pagwawasto: Pinalitan ang pangalan ni UPOU USC Chair Isaiah Crisanto sa isang photo caption. Inayos rin ang pangalan ng UP Visayas College of Arts and Sciences Student Council. Paumanhin.
Editor’s Note: Bilang pagprotekta sa seguridad ng mga konseho, hindi sinasabi ang pangalan ng mga indibidwal na nagsasalita sa deliberasyon. Bagkus, sila ay kinikilala sa pamamagitan ng konsehong kanilang kinabibilangan.




You must be logged in to post a comment.