DAPAT MONG MALAMAN
- Malaking kawalan sa industriya ng asukal ang biglaang pagsara ng Central Azucarera de Don Pedro, Inc. (CADPI), ayon sa alyansang SUGAR.
- Bukod sa pagkawala ng hanapbuhay, nanganganib din ang ibang lupang taniman sa Batangas.
Kaysa umasa sa pag-aangkat ng asukal, nanawagan ang isang grupo ng mga magtutubo na sagipin ng pamahalaan ang isang nagsarang sugar mill sa Batangas.
Ito’y matapos ipasara ng Roxas Holdings, Inc. ang kanilang sugar mill ng Central Azucarera de Don Pedro, Inc. (CADPI) noong Dis. 15, 2022. Ayon kay Christian Bearo, tagapagsalita ng grupong Sugarfolks Unity for Genuine Agricultural Reform Batangas (SUGAR), isinara ang sugar mill matapos ito’y nalugi.
Sa mga dokumentong mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA), bukod sa mahinang makinarya sa CADPI – na tinaguriang pangalawang pinaka-malaking gawaan ng asukal sa Luzon – bumaba din ang productivity sa bukid at kumaunti ang bilang ng mga tagaputol ng mga sugarcane.
Ngunit, sa panayam ni Bearo sa Tanglaw, bagama’t nakakaranas na ng mga problema ang trabahador noong nakaraang dalawang taon ay “nakayanan namang ilohin lahat ng tubo ng 4,835 na planter ng tubo.”
Sa biglang pagsara ng CADPI, inaalok ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang 2,000 sa 4,229 na manggagawa ng P80 milyon noong Peb. 8. Nang hindi natanggap ng mga trabahador ang nasabing kabayaran, nagwelga ang Batangas Labor Union at Professional Technical Workers Union, ang unyon na kasama ang mga manggagawa ng CADPI.
Suportahan ang atin
Itinuturo ng pambansang pamahalaan ang pag-angkat ng asukal bilang hakbang upang bumaba ang presyo ng produkto sa bansa. Ito ang dahilan kung bakit balak ng SRA na mag-import ng higit 450,000 metric tons ng asukal noong Enero 19.
Ngunit maaring mawalan ng lupa at hanapbuhay ang mga manggagawang-bukid at iba pang kaugnay na sektor. Kaya lamang noong Pebrero ng nakaraang taon, tinutulan ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) at iba pang maggagapak ng asukal ang plano ng SRA na mag-import ng 200,000 metric tons ng refined at “bottlers’ standard” na asukal. Ito’y matapos mapinsala ang industriya sa Bagyong Odette.
Halos ganito din ang sitwasyon sa mga dating manggagawa ng CADPI. Pahayag ng SUGAR noong Peb. 6, ilan sa mga apektado ay mga drayber at manggagawang-bukid, kasama ang 125 na galing sa milling department ng CADPI. Dagdag nila, sa Ingles, na higit 4,584 na nagtatanim ng sugarcane ay malulugi.
Ayon sa grupo, ang natitirang sugar mill sa Batangas na Universal Robina Corporation – Sugar and Renewables ay may kakayanan lamang na iproseso ang higit 4,500 metric tons ng tubo, kumpara sa kakayanan ng CADPI na mahigit 12,000 metric tons.
“Ang pagbubukas talaga ng CADPI ang solusyon,” paliwanag ni Baero. “Sa ngayon kasi kaya hindi magapak ang tubo at kaya walang trabaho ang mga maggagapak ay dahil nabubulunan ang URC.”
Dagdag niya, hindi rin magiging epekibo ang balak ng pamahalaan ng lalawigan ng Batangas na ipadala ang mga sugarcane sa Central Azucarera de Tarlac (CAT). Sa quota ng 200 na trak kada araw, higit 4,000 tonelada ng sugarcane ang ipapadala galing Batangas, at higit P2,000 kada tonelada ang bayad.
“Kaya sa minimum ay [P27 milyon] ang magagastos ng pamahalaan [ng Batangas]. Madagdagan pa ito kung sakaling mag-extend. Bakit hindi na lamang ito gamitin upang sabsidyohan ng gobyerno ang operasyon ng CADPI?”
Hindi lamang tubo ang dinadala ang mga trak, ani Bearo. “Mayroong kargang mga [lahar] o buhangin na ibabagsak sa [Batangas], kumbaga ay backload lamang nila ang tubo.”
Dahil dito, matatagalan ang pagpapadala ng mga sugarcane sa gilingan. Ito ay ayon daw sa isang dayalogo sa Batangas Provincial Capitol, kasama ang mga tagatanim, mga maggagapak, at sina Gov. Hermilando “Dodo” Mandanas at Vice Gov. Mark Leviste ngayong Miyerkules.
Malaking kawalan
Sa pagsara ng CADPI, nanganganib din na gamitin ng iba’t ibang pribadong kumpanya ang mga lupang tubuhan para sa kanilang mga proyekto. Ayon kay Bearo, ang sa mga dahilan dito ay ang pagdeklara ng Nasugbu, kung nasaan ang ibang taniman, bilang isang “eco-tourism” zone noong 1975.
Kasama dito ang mga quarry at substation ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa bayan ng Tuy, ang tinagurian ni Bearo bilang “pinakamalawak na tubuhan sa Nasugbu”.
Nabanggit din ni Bearo ang Cavite-Tagaytay-Batangas Expressway (CTBEX). Ang CTBEX ay pinopondohan ng San Miguel Corporation (SMC), na napapasama sa iba’t ibang land-grabbing na kaso tulad sa Bulacan Aerotropolis. Ani Bearo, “dadaan sa Hacienda Roxas kung nasaan ang mga plantasyon ng mga [pamilyang Roxas, na nagmamay-ari ng CADPI].”
Nananawagan si Bearo na muling buksan ang CADPI at tugunan ang mga pangagailangan ng mga manggagawa ng gilingan. Kasama dito ang “[pag-interbensyon ng goyberno […] ayuda para sa mga manggagawa, manggagawang bukid, plantador, drayber, [at] wage subsidy sa mga manggagawa at magbubukid na nawalan ng trabaho.”
Sa ngayon ay hinihintay pa rin ng Tanglaw ang mga sagot ng SMC at NGCP ukol sa kanilang mga proyekto sa Batangas. ■



