Pagsulong ng dekalidad na edukasyon, pagpapanday sa kalayaang magpahayag sa pamamagitan ng sining, at pagsugpo sa mga krisis at sosyo-ekonomikal na kalagayan ng bansa ang sumentro sa mga adbokasiya ng Alab UPLB sa unang araw ng UPLB Feb Fair 2023 BIGKISAN.
Sa pangunguna ng Samahan ng Kabataan para sa Bayan (SAKBAYAN – UPLB) at Kulturang Ugnayan ng Kabataan Alay sa Bayan (KULAYAN – UPLB), itinampok ang programa ng mga tagapagsalita mula sa mga progresibong grupo dala ang kani-kanilang panawagan, kasabay ang pagpapakitang-husay sa larangan ng sining ng mga nagsipagtanghal.

Alab para sa kalayaang sining
Ibinahagi ni Ida Palo, coordinator ng College Editors Guild of the Philippines – Southern Tagalog (CEGP-ST), ang kahalagahan ng sining sa pagbibigay kaalaman sa mga isyung panlipunan.
Aniya, kapag ang isang krisis panlipunan ay ipinaloob sa isang likha ay nagsisilbi itong kwento ng mga artistang humaharap sa mga suliraning ito.
“Alam natin na may nangyayari. Alam natin na mataas ang presyo ng mga bilihin. Alam natin ang edukasyong krisis na kinakaharap ng kabataan ay lumalala. All of a sudden, kapag ginawa natin siyang likha, akda, ginawa natin siyang tula, kanta, pelikula–nagiging hindi na lang siya isyu ng krisis sa edukasyon, ito ay isang kwento na ng isang kabataang nagpupursigi mag-aral para lang makapagtapos at maitaguyod ang needs ng kanilang pamilya,” kwento ni Palo.

Naging maliwanag ang sinabing ito ni Palo sa mga nagtanghal sa entablado kung saan bawat grupo at indibidwal ay nagpamalas ng kanilang husay at galing sa pag-awit, pagsayaw, at pag-arte habang bitbit ang kani-kanilang mga panawagan sa iba’t ibang isyung kinakaharap ng lipunan.
“Hindi dapat hiwalay ang paglikha ng mga akda sa pagbabalita,” idiniin ni Palo.

Pagtalakay sa krisis sa eduaksyon
Iniugnay ni Noreen Flores mula sa Serve the People Brigade (STPB) ang krisis sa edukasyon at ekonomiya, dalawang pangunahing suliranin na namamalagi sa bansa.
Kaniyang idiniin din na wala sa interes ng masa ang ginagawang prayoridad ng mga pamahalaan sa pilit nitong pagraratsada sa Mandatory Reserved Officers’ Training Corps (MROTC), na lalo lamang nagpapalala sa korupsyon at kultura ng impyunidad sa bansa.

Bukod pa rito ay tinalakay rin ni Jianred Faustino, Secretary-General ng KABATAAN Partylist Southern Tagalog, ang namamalaging kultura ng edukasyon sa mga silid na isang malaking kwestyon sa sistema ng edukasyon sa kasalukuyan.
Aniya, mayroong mga estudyanteng mas pinipiling magbayad sa iba upang gawin ang kanilang mga proyekto, o mangopya na lamang para sukdulang makapasa.
“Bakit mas pinipili natin na pumasa na lang imbis na matuto? […] Sobra-sobrang requirements na hindi natin alam kung paano ipapasa. ‘Yung pinipilit na lang tayong magpasa pero hindi alam kung natututo ba tayo,” giit niya.

Dagdag pa niya na dahil umano sa kawalan ng prayoridad sa budget sa mga state universities and colleges (SUCs), na pilit na ginagamit sa isang sovereign wealth fund o pagi-implementa ng anti-estudyanteng MROTC, ay napipilitang magtanggal ng job orders sa mga guro dahil sa kakulangan ng pampasweldo.
Hinimok ni Faustino ang mga kabataan na huwag magpadaing sa takot at patuloy na lumaban, makiisa, at makipagkaisa sa lahat ng antas ng sektor sa lipunan upang makamit at maitaguyod ang panlipunang pagbabago.
“Kahit kailan [ay] ‘wag nating kakalimutan ang importansya ng pakikipagbigkisan sa iba’t ibang batayang sektor, magsasaka, at manggagawa […] Tayo ang pag-asa ng bayan. Tayo ang tagapagmana ng lipunang Pilipino at nananatili diyan ang hamon sa’tin na pagsilbihan ang sambayanan hanggang sa tagumpay.” #




You must be logged in to post a comment.