DAPAT MONG MALAMAN

  • Para sa mga mamamayan ng Los Baños, dala ng Feb Fair ang pagkakataong makapagpahinga matapos ang dalawang taong puno ng problema at paghihirap.
  • Kasabay nito, tumatak sa mga dumalo ang mga panawagang tampok ng iba’t ibang sektor sa Southern Tagalog na likas nang kasama sa taunang pagtitipon.

Matapos ang dalawang taong pagtigil dahil sa pandemya, muling nabuksan ang mga espasyo ng unibersidad para sa taumbayan sa pagbabalik ng taunang February Fair. Napuno ang linggo ng kasiyahang dala ng musika at halakhakan, at pinainit ang gabi ng pagtanggap ng karamihan ng mga kalahok sa pagdiriwang. Mas umalab rin ang init mula sa puso at boses ng iba’t ibang mga sektor sa Timog Katagalugan nang itampok ang kanilang mga panawagan at protesta. 

Sa panunumbalik ng pagdiriwang sa pamantasan, ibinahagi ng mga dumalo sa pamamagitan ng mga panayam sa Tanglaw ang kanilang mga kuwentong Feb Fair. Mailalarawan sa mga salaysay ng mga dumalo ang pagbibigay ng Feb Fair ng espasyo para sa mga bitbit na panawagan, o maging sa pagpapahinga at sa mga bagong pakikinggang banda.

Kuha ni Kzuzvan Casabal, Tanglaw reporter

Kasama sa pagsasaya

Isa sa mga nakisaya sa Feb Fair ngayong taon si Stephanie Fernandez, isang residente ng Brgy. Malinta. Kasama ni Stephanie ang kaniyang dalawang anak at asawa. Nang mamataan ng Tanglaw, naglalaro at nagsasalu-salo ang pamilya habang nakikinig sa mga nagtatanghal sa entablado. 

Para kay Stephanie, ang mga food stalls talaga ang kaniyang inaabangan at kinagigiliwan sa pagtitipon. Masaya siyang nakikita na nakakapaglaro ang mga bata sa malawak na Freedom Park. Dagdag pa niya, pampatanggal ng stress ang isa sa mga kahalagahan ng ganitong ganap para sa kaniya at para rin sa komunidad ng Los Baños.

“Para sa akin, para ma-stress free naman yung tao dito sa’tin kasi syempre ilang taon din tayong nalubog sa bahay, maraming problema. Kailangan natin ‘to bilang peace of mind. Para mabawas-bawasan ‘yung problema sa buhay,” pagbabahagi ni Stephanie sa Tanglaw

Kuha ni Kzuzvan Casabal, Tanglaw reporter

Hindi naman makakalimutan ni Myk Medtamak, isang mag-aaral mula sa College of Engineering and Agro-Industrial Technology (CEAT) ang unang pagdalo nila sa Feb Fair. 

“Maka-ubos pera” kung ilarawan ni Benjamin ang Feb Fair dahil sa dami ng mga katakam-takam na pagkain at produktong nilalako ng iba’t ibang food at merchandise stalls. “First time ko rin and ‘di ko ineexpect na ganito pala siya kalaki. Overwhelming siya pero fun,” paglalarawan ni Myk sa kaganapan. 

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter

Pangatlong beses namang pagbisita ito ni Shaene Curiba mula sa Laguna State Polytechnic University. Kasama niyang nakikisaya ang kaniyang mga kaibigan. “Masaya naman po at nakakatuwa kasi madaming tao tapos nakakaenjoy yung mga banda,” pagbabahagi ni Shaene. Hindi rin niya lubos akalain ang dagsa ng mga taong dumalo.

Unang beses naman maranasan ni Benjamin Garcia, na kasama ni Myk at kapwa niyang taga-CEAT, ang mga rides sa Feb Fair dahil hindi siya palasakay sa mga ganito – kagaya ng tinaguriang “Mickeybee” na talaga namang kinagiliwan sa social media dahil sa pinaghalong dalawang sikat na pambatang karakter. 

Kuha ni Kzuzvan Casabal, Tanglaw reporter

Hindi rin maitago sa mga nakapanayam ng Tanglaw ang saya na dala ng musika sa Feb Fair. Ilan sa mga bandang dumalaw sa Los Baños ay ang Autotelic, Any Name’s Okay, Moonstar88, at Cup of Joe. Ilang solo artists din ang pinakinggan tulad nila Syd Hartha at Martti Franca. 

Bumida rin sa entablado ang Laguna-based band na Kolaris at ang LYNDE, isang grupo na pinangungunahan ng Devcom student na si Lynde de los Reyes. Sa ikalawang araw ng Feb Fair, napuno ang gabi ng pagtatanghal mula sa mga kilalang drag queens gaya ni Turing at Lady Gagita.

“Nagbigay talaga sila ng time mag-prepare and perform at nagapabibo talaga sila ng mga tao,”  pagbabahagi ni Myk bilang kaniyang inaabangan ang pagtugtog ng Moonstar88 noong ikatlong araw ng Feb Fair.

KAUGNAY NA ISTORYA

  • Pagsulong ng dekalidad na edukasyon, pagpapanday sa kalayaang magpahayag sa pamamagitan ng sining, at pagsugpo sa mga krisis at sosyo-ekonomikal na kalagayan ng bansa ang sumentro sa mga adbokasiya ng Alab UPLB sa unang araw ng UPLB Feb Fair 2023. Basahin

Kasama sa pakikibaka

Kasabay ng pagdiriwang at kasiyahan mula sa mga pagkain, booths, rides, at nakakaaliw na mga tugtugin, ang ugat pa rin ng Feb Fair ay protesta at ang pagbibigay ng plataporma sa mga panawagan ng mga mag-aaral at iba’t ibang mga sektor.

Ang tema ngayong taon ay “Bigkisan: Pagkakaisa para sa Tunay na Kalayaan, Kapayapaan, at Katarungan”, na nagbibigay-diin sa kolektibong pagkilos sa harap ng lumalalang pag-atake sa karapatan ng mga mamamayan.

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter

Pagbibigay halimbawa ni Shaene ang pakikibaka at testimonya ng kababaihan at LGBTQ+ community members sa entablado noong ikalawang araw, na may malaking epekto sa kamalayan ng mga dumalo. Hindi rin maipagkakaila ni Shaene ang malayang pagtanggap ng mga organisador ng Feb Fair sa mga ito bilang kaisa sa laban para sa gender inclusivity. “Dito ay ramdam na malaya tayo sa diskriminasyon, na lahat tayo dito pantay-pantay.” 

Hangarin naman ni Myk ang karagdagang atensyon sa mga ipinaglalabang panawagan sa Feb Fair, lalung-lalo na sa mainstream at social media kung saan may oportunidad na makapagbigay ng kamalayan sa mga tao tungkol sa mga problemang kinahaharap sa lipunan. “May time rin para mag-unite ang mga students and people sa ating community—and to enjoy the event din,” aniya. ■

Kuha ni Kzuzvan Casabal, Tanglaw reporter


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya