DAPAT MONG MALAMAN

  • Ikinuwento ng tatlong mga nakapanayam ng Tanglaw ang naging pagsisimula nila at ang pinanggagalingan nila ng inspirasyon upang magpatuloy sa larangan ng pagkanta.
  • Kanila ring inilahad ang nakikita nilang koneksyon ng Devcom sa kanilang mga talento.

Isinulat ang istoryang ito ni Tanglaw reporter Janelle Macandog.


[Updated 7:30 p.m.] Isang bagay ang maging kilala dahil sa pagkakaroon ng likas na talento sa musika at pag-awit. Ibang bagay na kapag hinimig ang musika at tinipa ang gitara para lumubog at paglingkuran ang masa.

Hinuhulma ang mga mag-aaral ng Devcom na gamitin ang kanilang boses upang palakasin ang tinig ng mga nasa laylayan tungo sa pag-unlad. Sa sariling pamamaraan ng tatlong mga student artists mula sa ating kolehiyo ay ginagamit nila ang kanilang hilig at galing sa larangang ito upang sulatin ang liriko at himigin ang musika para sa kani-kanilang mga adhikain.


Lynde de los Reyes, Jr.

“I think that’s [the most important thing]. Hindi man kami close, pero yung connection that we have with the song, I think that’s amazing. Kasi it’s a feeling eh. We have this shared experience. It’s not just my song anymore, it’s your song now.”


Musika para kumonekta

Napakinggan ninyo na siguro ang kantang “Ilusyon” pati na rin ang mainit-init pang “Hot Coffee”, ang dalawang kanta mula sa grupong pinangungunahan ng mag-aaral ng Devcom na si Lynde de los Reyes, Jr.

Kinalakihan na ni Lynde ang pagsama sa gigs ng kaniyang ama na isa ring musikero. Noong high school, nagsusulat na rin si Lynde ng mga kanta para sa mga programa at proyekto sa paaralan. Dito pa lamang, kakikitaan na ng senyales na makalipas ang ilang taon ay mag-iiwan ng marka ang pangalang “Lynde” sa musika.

Gayumpaman, ani Lynde, kahit isinusulat na niya ang kantang “Ilusyon” noong 2021, hindi niya ito isinapubliko dahil kulang pa ang kaniyang lakas ng loob na gawin ito.

“May certain spark sa akin na sasabihin ko seseryosohin ko yung pagsusulat ng kanta noong 2020…. Nagsusulat na ako ng mga kanta no’n, pero wala sa akin ‘yung kumbaga confidence na parang ‘De, para sa’kin lang ‘to, hindi ‘to magugustuhan ng mga tao.’ ‘Yun yung nasa isip ko,” kuwento ni Lynde sa Tanglaw.

Mabuti na lamang ay sinunod niya ang payo sa kaniya ng Guico brothers ng tanyag na grupong Ben&Ben, nang minsang bumisita ang mga ito sa UPLB para sa premiere ng “LSS: The Movie” at tinanong niya ang mga ito kung paano mawawala ang takot niyang iparinig sa publiko ang una niyang kanta: “Hangga’t may isang naniniwala sa’yo, i-release mo yan. At kung sakaling wala pang naniniwala sayo, maniwala ka sa sarili mo.”

Dito nagsimulang lalong mag-alab ang kaniyang dedikasyon sa pagsulat ng kanta. Lalo pa, nakita niya ito bilang oportunidad na makiugnay sa mga tao. “I think that’s [the most important thing]. Hindi man kami close, pero yung connection that we have with the song, I think that’s amazing. Kasi it’s a feeling eh. We have this shared experience. It’s not just my song anymore, it’s your song now,” sambit ni Lynde. 

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter

“It’s really a way of connecting with people. Kung ganito yung nararamdaman ko ngayon, I’m sure meron ding gan’to rin yung nararamdaman ngayon and with that gusto ko silang damayan. Gusto kong sabihin sa kanila na ‘hindi ka nag-iisa rito’.”

Kasunod nito, nagbukas rin ang daan sa marami pang oportunidad hindi lang sa pag-awit at pagsulat ng kanta kundi para gamitin ang mga talentong ito upang mapayabong ang kaniyang karanasan bilang mag-aaral ng Devcom.

Kinuha siya ng Department of Science and Technology bilang tagapaglapat ng musika sa awiting pang-agham na nilikha ng departamento. Patungkol ang kantang ito sa pagsusulong ng kapangyarihan ng siyensiya bilang “sandata ng pag-unlad.” Gayundin, hinihikayat nito ang mga mamamayan na maski sila ay kaya ring maging imbentor. 

Sa ganito nagagamit ni Lynde ang kaniyang musika upang ilapit at ikonekta ang agham sa mga karaniwang tao. Kamakailan lamang din nang makabilang siya sa mga napiling Harvard UNICEF Ambassador for Empowering Humanity: The Costs of Conflict and the Power of Peacemaking. 

Ayon kay Lynde, kung mabibigyan siya ng pagkakataon, isa rin sa mga plano niya na lumikha ng episodic Devcom-style tutorials sa porma ng mga awitin na ituturing aniyang “passion project.”


LA Reyes

“We’re trying our best na i-amplify pa yung voices namin and ng tao… Hopefully sa future events namin mag-stick kami sa purpose namin, kung sa’n talaga kami nagsimula which is to be with the people. To be one with the people like in Devcom.”


Musika para sa mamamayan

Kinamulatan na rin ni Loren Aimee Reyes, o mas kilala bilang “LA”, ang pagtugtog at pag-awit. Maaalalang nagtanghal din siya kasama ang kaniyang dating bandang One More Weekend sa Laguna Grand Rally para sa kandidatura ni Leni Robredo noong Abril ng nakaraang taon. Aniya, ito ang nagsilbing inspirasyon niya na lagi’t laging ilaan ang pagtugtog para sa mga tao.

Kaya naman kahit nabuwag ang dati niyang banda, hindi nawala ang adhikaing ito sa pagbuo niya ng panibagong banda na kilala sa pangalang “Ad Astra”. Sa katunayan, nagtanghal ang kanilang banda sa isang busking event para sa mga nasalanta ng Bagyong Paeng noong nakaraang taon.

“Sobrang down ako for that kasi first busking experience ko siya and ang special niya sa akin kasi it was for a cause, and special din siya additionally kasi I was with people who are sharing the same passion as mine,” salaysay ni LA. 

“Habang nakikita ko sila na kumakanta, tumutugtog, parang mas nakaka-inspire pa lalo na gumawa pa ng mas maraming initiatives na connected sa music para makatulong sa ibang tao. It was really a moving moment kasi first time ko nga siya and it was for a cause. Very heartwarming experience siya para sa akin.”

Kuha mula kay LA Reyes

Ayon kay LA, nagpaplano pa rin silang sundan ang naturang busking event kung saan plano nilang makatulong sa mas maraming pamilya, lalo na’t batid niya ring mangangailangan ng mas malaking tulong ang mga ito dulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“With what we’ve done, lalo na yung sa rally tas ‘yung sa busking for a cause, makikita mo do’n na people-centered s’ya. And we’re trying our best na i-amplify pa yung voices namin and ng tao na parang we’re doing something that would be for the betterment of everyone. And we try to make sure na walang anyone na nale-left behind,” dagdag ni LA.

Nakakatuwang isipin na kasabay ng hangarin ng kaniyang banda na pumailanlang tungo sa kanilang mga pangarap, hindi nila nakakalimutan ang mga naiiwanan sa lipunan. Sa sariling pamamaraan ni LA, naging totoo sila sa prinsipyo ng Devcom na kumilos para sa mga mamamayan.

“Hopefully sa future events namin mag-stick kami sa purpose namin, kung sa’n talaga kami nagsimula which is to be with the people. To be one with the people like in Devcom,” pagtatapos ni LA.


Ysabela Calica

“‘Yung viewpoint ko sa art ko it’s not just about entertaining people anymore… I’m not just an artist who wants to sing and keep you entertained. I’m an artist who wants to use my voice for good, someone who wants to use my talent with purpose.”


Musika bilang kabigkis ng Devcom

Sorpresa naman sa kaniyang pamilya nang tahakin ni Ysabela Calica ang mundo ng musika, gayong hindi siya nanggaling sa pamilya ng mga performer. Sa isang banda, ang sorpresang ito sa kaniyang pamilya ay naging regalo rin ni Ysabela sa kaniyang komunidad bilang isang mang-aawit para sa bayan.

Bata pa lamang, hilig na rin ni Ysabela ang pagkanta. Upang mahasa pa siya rito, kinumbinse umano niya ang kaniyang nanay na magkaroon ng pormal na training sa pamamagitan ng pagpasok sa music school. Gayumpaman, kinailangan niyang pihitin ang kaniyang landas ngayong kolehiyo.

“I didn’t stop pero parang hindi ‘yun ‘yung ginawa kong center ng mundo ko. So nag-segue ako dito sa Devcom. Kasi as much as I want to follow my passion, sometimes it’s expensive nga,” paglalahad ni Ysabela. 

“So ginagawa ko pa rin pero ginawa kong hyperfixation ‘yung ginagawa ko sa Devcom. But I never stopped. And then nung nasa Devcom na ako, parang ginagawa ko ‘yung mga fundamentals pa lang, it was very fulfilling in the same way that my music was to me growing up. I’m just very glad na nagagawa ko pa rin ‘yung music ko and pantay ‘yung halaga nila sa’kin.”

Lalo pang nag-alab ang kaniyang dedikasyon sa musika nang sumali siya sa UPLB Choral Ensemble, dahil dito aniya nagbigkis-bigkis ang kaniyang pagiging mag-aaral sa UP at sa Devcom, at ang pagiging tagapagtanghal niya ng musika.

“Kasi nag-workshop kami and then there’s this one piece called ‘Why We Sing.’ Tapos may isang line do’n: ‘Music builds a bridge that can tear down a wall. Music is a language that can speak to one and all’ …  And ’yun ramdam na ramdam ko ‘yung parang nag-fusion s’ya. [Sabi ko], ‘Okay, this is what I want to do and ito ‘yung foundation, ‘yung Devcom foundation’,” sambit ni Ysabela.

Kuha mula sa UP Community Broadcasters’ Society

Dagdag pa ni Ysabela, hindi niya nakita na mayroong linyang naghihiwalay sa musika at sa Devcom, sapagkat kagaya kung paano niya ginagamit ang kaniyang boses sa mabuting layunin sa ating larangan ay ganoon niya rin ginagamit ang kaniyang talento sa musika.

Kaya naman, hangad niyang patuloy niyang magamit ang kaniyang boses sa pagtatanghal man sa entablado ng musika o sa pamamahayag, basta’t parating para sa paglilingkod sa masa.  

“‘Yung viewpoint ko sa art ko it’s not just about entertaining people anymore, nagka-purpose din lalo. I’m not just an artist who wants to sing and keep you entertained. I’m an artist who wants to use my voice for good, someone who wants to use my talent with purpose.”     

Ilan lamang sina Lynde, LA, at Ysabela sa mga estudyante ng Devcom na inilalaan ang talento para sa layuning mas matimbang kaysa sa taginting ng kasikatan. Musika ang nag-aangat sa kanila sa entablado ng kanilang mga pangarap at musika rin ang humahalina sa kanila upang lumubog sa masa tangan ang mantrang lagi’t lagi, para sa bayan.

Ang kanilang mga kuwento ay paanyaya hindi lamang sa mga mag-aaral ng Devcom, kundi sa lahat ng mga alagad ng sining na pagsumikapang pandayin ang kanilang talento sa pamamagitan ng patuloy na paglikha. Paglaon, lilikha rin ang sining ng daan tungo sa makabuluhang paglilingkod sa masa kasabay ng pagtupad nila sa kanilang mga pangarap. ■


Iniwasto sa istoryang ito ang taon kung kailan isinulat ni Lynde ang “Ilusyon” at ang pagsali ni Ysabela sa UPLB Choral Ensemble.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya