DAPAT MONG MALAMAN
- Layunin ng bagong katha ng batikang Devcom professor na ipaalala ang naganap noong Pebrero 1986.
- Inalala rin ni Dr. Maslog ang naging tagumpay at kabiguan ng unang EDSA People Power.
Isinulat ang istoryang ito ni Tanglaw reporter Marcus Liam Saladino.
Habang papalapit na ang ika-37 anibersaryo ng EDSA People Power, inilunsad ni Dr. Crispin Maslog ang kaniyang librong “Remember People Power 1986” sa Student Union Building noong ika-15 ng Pebrero.
Layunin ng aklat na ipakilala at ipaalala sa mga Pilipino ang malawakang kilos-protesta na nagtapos sa dalawang dekadang pamumuno ng diktador na si Ferdinand E. Marcos Sr.
Pinabulaanan ni Maslog ang disimpormasyon sa social media na tanging mga taga-Maynila lamang umano ang lumahok sa EDSA. Ibinahagi niya ang kanyang karanasan na dumagsa sila ng kanyang mga kasamahan sa unibersidad upang protektahan ang mga kasapi ng militar na nagrebelde sa pamahalaan.
Naniniwala si Maslog na parehong tagumpay at kabiguan ang EDSA. Isa itong tagumpay dahil walang dugong dumanak upang patalsikin sa Malacañang ang rehimeng Marcos. Subalit, nalulungkot siya dahil tila itong naging kabiguan nang pinayagan ni dating Pangulong Corazon Aquino na makabalik sila sa Pilipinas noong 1991.
“It kicked out a dictator for 14 years without killing people or shedding blood. Saan ka nakakita ng rebolusyon na walang namatay [at] nasaktan? Ang problema lang, ang mga military, nagkaroon ng interest… Walang magawa si Tita Cory but to negotiate with them,” ani Maslog.
Sa pagdating ng mga Marcos sa bansa mula Hawaii, unti-unting nakabalik sa kapangyarihan ang kanilang pamilya. Sa pambansang halalan nitong 2022, nabawi ng mga Marcos ang Malacañang nang maging pangulo ang anak ng diktador na si Ferdinand Marcos Jr.
Pinaalala ni Maslog na kung patuloy na kukupas sa alaala ng mga Pilipino ang kahalagahan ng unang EDSA People Power, hindi malayong uulit ang makasaysayang pagpapatalsik sa isang lider na naghahari-harian at nagnanakaw sa kaban ng bayan.
Sandamakmak na larawan na kuha noong People Power ’86 mula sa iba’t ibang indibidwal na kasapi ng makasaysayang kaganapan ng bansa ang nilalaman ng libro. Ayon kay Maslog, “I decided to make it with more photos kasi nga ang attention ng younger generation is very short. Two to five minutes lang daw ang [kanilang] attention span. Therefore, kapag pictures, madaling ma-internalized.”
Ang Tanglaw ay isang media partner ng Kaya Natin Youth – Los Baños sa aktibidad na ito. Ang libro ay nagkakahalagang P250 na mabibili sa link na ito. Ang bahagi ng kikitain ay gagamitin ng KNY-LB at Professionals Uplifting the Neighborhoods of Los Baños Alliance (PUNLA) upang labanan ang lumaganap na disimpormasyon at historical distortion. ■



