DAPAT MONG MALAMAN

  • Naging lunsaran ang pagtitipon sa EDSA ng mga panawagan ng iba’t ibang mga sektor.
  • Huwad ang pagbibigay ng ‘hand of reconciliation’ ni Pangulong Marcos kung hindi nito kikilalanin at bibigyang hustisya ang mga abuso ng kanyang ama.

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter

MANILA — Sa unang pagkakataon sa pamumuno ng isa na namang Marcos, hindi nagpatinag ang taumbayan mula sa iba’t ibang sektor upang lalong palawigin ang kanilang mga panawagan sa ginanap na komemorasyon ng ika-37 anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolt.

Inilarawan bilang isang mapayapang pag-aalsa, ang linya ng kapulisan sa naging komemorasyon noong Peb. 25 ay nagmistulang repleksyon ng sitwasyon noong EDSA I—isang manipestasyong malapit sa realidad kung saan sinalubong ng nagkakaisang mamamayan ang mga armadong puwersa ng estado.

Hindi na bago ang ganitong sitwasyon sa mga isinasagawang pagkilos ng mga mamamayan. Sa katunayan, isang araw bago ang anibersaryo ng EDSA I ay nagdaos ng Black Friday protest ang UPLB kung saan may namataang naninitik na kapulisan na sinabayan pa ng sirena ng kanilang mga patrol cars ang naganap na protesta.

“May karapatan ang mga bata, kasama ‘yan sa training niyo. Mga perwisyo [ang kapulisan],” giit ng isang manlalahok sa kabila ng isang human barricade na ginawa ng mga pulis, sabay ng kanilang pagsapaw sa tawag ng sambayanan.

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter

Sa kabila nito, naging lunsaran ang pagtitipon sa EDSA upang maging daan sa pagsasaboses ng panawagan, mula sa mga manggagawa, sangkaestudyantehan, simbahan, at kabataan. Dinayo ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang antas at lupon ang paggunita sa makasaysayang tagpo.

“Mahalagang makita ng mga kababayan na inutil si Marcos Jr.,” diin ni Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Tangan ng KMP ang panawagang nakakabit sa sektor ng agrikultura, kabilang ang tunay na reporma sa lupa at pagpapatibay sa lokal na produksyon ng pagkain sa halip na iasa ito sa importasyon.

Aniya, hindi sagot ang importasyon sa krisis sa pagkain na nararanasan ng bansa ngayon, kaugnay nito ang mungkahi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na i-liberalisa ang sektor ng agrikultura sa bansa upang mas mapadali ang importasyon ng binhi at pagkain sa oras ng kakulangan.

Kasabay nito, hinamon din ni Ramos ang pagtawag sa pagbaba ni Marcos Jr. bilang Department of Agriculture (DA) Secretary. “Dahil hindi lang siya walang alam, walang malasakit, bingi sa panawagan ng mga magsasaka, mas gusto pang dumalo sa F1 sa Singapore, maglibot sa buong bansa kaysa sa harapin ang problema ng magsasaka at taumbayan.”

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter

Panawagan ng mga jeepney drivers

Bukod sa mga panawagan sa isyung pang-agrikultura, isa ring apektado si Eduardo Abrazaldo, isang jeepney driver na ang pangunahing alalahanin ay ang nagbabadyang jeepney phase out ng mga tradisyonal na jeep upang magbigay daan sa modernisasyon ng mga naturang sasakyan.

Sa katunayan, hindi lamang ang mataas na presyo ng transisyon mula sa tradisyonal papunta sa modernisadong jeep ang kinakaharap na suliranin ng mga drivers ngayon. Ayon kay Abrazaldo, humihina na rin ang kaniyang kita, sabay pa ng nagtataasang presyo ng gasolina at mga produkto.

“Dati kumita ako ng dalawang libo, ngayon wala na. Mga P500 na lang, pinakamataas na ‘yung P500 […] hindi sapat, laking kakulangan lalo na’t nangungupahan ka ng bahay, tubig, kuryente,” kwento ni Abrazaldo.

Ang mga isyung kinakaharap ng mga manggagawa ay isa lamang sa simula ng panglahatang suliranin. Ani nga ni Ramos, “Ang issue namin [magsasaka], ay issue nating lahat.”

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter

Hamon ng kabataan

Isa ang mga kabataan sa lubos na naaapektuhan sa kakulangan ng aksyon ng gobyerno sa mga namamalaging isyung hindi nabibigyan ng prayoridad. Ayon kay Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel, nais ni Marcos Jr. na magpakita ng isang imaheng may “paggalang” sa karapatang pantao ng mga mamamayan, ngunit ito’y nananatiling isang palaisipan.

“Hindi pa natin masasabi na mayroon nang significant na pagbabago doon sa paano ‘yung kaniyang approach sa karapatan ng taumbayan. ‘Yung laganap na red-tagging, vilification, ‘yung pag-demonize sa dissenters, hindi naman ‘yan ni-reverse ng Marcos administration.” aniya.

Isa sa mga halimbawa nito ay ang patuloy na pagraratsada ng kasalukuyang pamahalaan sa pagbabalik ng Mandatory Reserved Officers Training Corps (MROTC) na minsan nang ibinasura dahil sa mga kaso ng panga-abusong lumaganap noon katulad ng pagpatay sa University of Santo Tomas (UST) student na si Mark Welson Chua na hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng hustisya.

“Misplaced ang priorities ng Marcos Jr. administration,” ani Manuel, dahil ang P61.2 bilyong budget na nakalaan sa pagpanukala ng MROTC ay maaari nang magamit sa mas mahalagang mga proyekto tulad ng pagpapatayo ng mas maraming silid, dagdag sahod sa mga guro, at pagpapabuti sa kalidad ng edukasyon sa bansa.

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter

“For them, ‘yung pagmamahal sa bayan ay pananahimik. Pero ‘yung kabataan, we show our love for our country by speaking up kung may injustice. Kung may mga demands ang mga oppressed sectors na dapat pakinggan. Pero hindi ‘yon ‘yung pagtingin ng adminsitrasyon […] Ang trato lang niya sa mga kabataan ay dapat maging source lang ng docile, semi-skilled, at low-paid labor,” kwento ni Manuel.

Samantalang bukod sa hinaing ng sangkaestudyantehan ay nananawagan din ang lupon ng mga guro. Mariin kinundena ni Noe Santillan, Vice President for Faculty ng All UP Academic Employees Union – UP Cebu (AUPAEU-Cebu) ang isinagawang oryentasyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa National Institute of Molecular Biology and Biotechnology (BIOTECH-UPLB).

Aniya, maraming mga taga-UP ang pinapahamak ng NTF-ELCAC, hindi lamang mga estudyante kundi pati mga guro at propesor na rin. “Kung pahihintulutan mo na may ganiyang activity sa campus, paano mo ito mare-reconcile—ang university at ang NTF-ELCAC?”

Pinapili rin niya si Dr. Marilyn Brown, direktor ng BIOTECH-UPLB, kung saan ito papanig dahil hindi raw ito “either-or”. “[So] kung hindi ka mag-take a stand sa mandato ng academic institution, kung dito ka papanig sa paraan ng pasismo at sa militarist method, nararapat lamang na doon ka na mag-serve sa military institution at hindi na sa academic institution.”

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter

Nagkakaisang himig

Kolektibong mga panawagan at hamon ang dala ng lahat ng sektor, magkakaiba man sa kanilang sentro ay iisang layunin ang kanilang sinusulong—ang humingi ng pananagutan sa administrasyong Marcos-Duterte, at bigyang pansin ang mga tunay na suliranin ng bansa.

Paghingi ng hustisya rin ang isa sa panawagang dala ng mga grupo sa kilos protesta kung saan kinilala ang mga nasawi sa ilalim ng pamumuno ng tambalang Marcos-Duterte, kabilang ang prominenteng Lumad teacher na si Chad Booc pati ang iba pang mga pinaslang at patuloy na nawawala.

Sa kabila ng pagkilala ng pamilyang Marcos sa nagdaang rebolusyon ay patuloy pa rin itong kinukwestyon ng mga tao. Ayon kay Liberal Party President Edcel Lagman, sa kabila ng pagkakasundong inalok ni Marcos Jr. ay dapat pa rin silang umamin sa mga kalapastanganang naganap sa panahon ng batas militar. “Truth and atonement are conditions precedent to reconciliation,” aniya.

Bukod pa rito, inudyok din ng mga lumahok na magkaisa ang mamamayang Pilipino upang makamit ang tunay na pagbabago. “Kumilos, sumulong, at magtagumpay. Mabuhay ang mga mamamayang lumalaban para sa tunay na pagbabago at para sa kalayaan ng bayan,” panawagan naman ni Ramos. ■

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter

■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya