DAPAT MONG MALAMAN

  • Bakas sa pinakabagong hatol ng DOJ ang mas pinalalang hamon sa pakikibaka tungo sa hustisya ng mga biktima ng Bloody Sunday. 
  • Lalo pang pag-iibayuhin ng mga progresibong grupo sa ST ang kampanya laban sa patuloy na atake ng mga puwersa ng estado laban sa aktibista.

Nananatiling mailap pa rin ang hustisya para sa mga biktima ng tinaguriang “Bloody Sunday,” sa ikalawang anibersaryo ng organisadong raids ng mga puwersa ng estado noong Marso 7, 2021 na pinuntirya ang mga labor-organizer at lider-aktibista sa Timog Katagalugan.

Nitong Enero 17,  naglabas ng resolusyon ang Department of Justice (DOJ) sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code, upang pormal na ibasura ang murder complaint sa pagpatay sa lider-manggagawa at aktibistang si Emmanuel “Manny” Asuncion. 

Sa hatol na “insufficiency of evidence,” napawalang-sala ang 17 pulisyang dawit sa kaso dahil umano sa kakulangan ng ebidensiya. Ayon sa resolusyon, nabigong tukuyin ng asawa ni Asuncion ang mga pumatay at patunayan ang pangyayari ng krimen.

Si Asuncion, na nagsilbing coordinator ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)-Cavite, ay isa lamang sa siyam na pinatay at anim na inaresto sa mga gawa-gawang kaso sa iba’t ibang bahagi ng Timog Katagalugan. 

Ang operasyon ay tinagurian ding “COPLAN ASVAL” ng mga pwersa ng estado kasama ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na naging kabahagi sa isinagawang pag atake sa mga aktibista. 

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter

Panibagong hamon sa mga biktima

Kasabay sa pagbasura ng DOJ sa kaso ni Asuncion, pinangangambahan ang iba pang gumugulong na kaso para sa mga biktima ng Bloody Sunday. 

Bukod kay Asuncion, iba’t ibang lider at aktibista sa rehiyon ang kasamang pinaslang at dinakip noong umaga ng Marso 7, 2021. Kabilang sa mga napaslang ng kapulisan ang lider-mangingisda na sina Ariel Evangelista at Chai Lemita-Evangelista, housing rights activists na sina Michael Dasigao at Makmak Bacasno, mga magsasaka ng Dumagat na sina Puroy Dela Cruz at Randy Dela Cruz, at banana farmers na sina Edward Esto at Abner Esto. 

Sa kabila ng lumalalang pag-atake at paniniktik ng mga pwersa ng estado sa mga progresibong grupo sa rehiyon, patuloy naman ang pinaigting na protesta at panawagan ng mga grupo sa Timog Katagalugan tuladng Youth Advocates for Peace with Justice – UPLB Chapter (YAPJUST). 

Binigyang-diin ng YAPJUST Chairperson na si John Peter Angelo Garcia na isang sampal mismo sa reputasyon ng DOJ ang pagbasura sa kaso ni Asuncion. 

Bilang tugon sa lumalalang pag-aalsa ng publiko hinggil sa isyu, matatandaang ang kagawaran mismo ang nanguna sa paggawa ng isang special investigation team sa ilalim ng Administrative Order 35. Layon ng order na mas busisiin pa ang indibidwal na kaso ng mga biktima ng Bloody Sunday. 

“Malaki ang posibilidad na mas kumupad din ang tinatakbo ng ibang kaso, na noon pa man ay nangyari na. Pinatutunayan lang ng DOJ na kumikiling pa rin ito sa iilang may kapangyarihan imbes na sa mga tunay na biktima,” saad ni Garcia.

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw reporter

Patuloy na pakikibaka

Sa kabila ng patuloy na pagkikibit-balikat ng DOJ at ng administrasyong Marcos sa isyu, panawagan ng YAPJUST ang pagdinig sa motion for reconsideration sa kaso ni Asuncion kasabay ang patas na paggulong ng imbestigasyon ng iba pang mga napaslang at inaresto.

Ngayong araw, nagkasa rin ang iba’t ibang mga progresibong grupo ng protesta sa harap ng DOJ sa pangunguna ng Defend Southern Tagalog. Ito ay bilang pag-alala sa inhustisya at paglapastangan sa mga biktima ng Bloody Sunday sa ikalawang anibersaryo nito ngayong taon. 

Sa pahayag ng Defend ST, mananatiling solido ang pagtindig ng mga lider at aktibista sa pagkamit ng hustisya para sa mga biktima ng masaker.  “We call on the DOJ to remain true to its mandate and serve justice to those slain and imprisoned,” ani Charm Maranan, tagapagsalita ng grupo. 

Dagdag pa rito ay ang pinaigting na kampanya ng mga progresibong samahan sa Timog Katagalugan kontra sa lumalalang red-tagging sa rehiyon, at ang tahasang pagtutol ng mga ito sa pagratsada ng mandatory ROTC sa gobyerno. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya