Ang istoryang ito ay isinulat ni Jan Carlo Basilio.


Init na dala ng pagbugso ng mga tao, ingay na hatid ng mga tugtugin at mensahe mula sa mga nasa entablado, pati ang imahe ng isang malawak na espasyong sandaliang pinuno ng mga kulay at iba’t ibang atraksyon, ilan lamang ang mga bagay na ito na bumuo sa UPLB Feb Fair 2023.

Iba-iba man ang rason ng mga tao sa kanilang pakikilahok, maaalalang kaakibat ng isang linggong selebrasyong ito ang kasaysayan ng pakikibaka at sama-samang pagkilos. 

Hindi maikakaila na marami rin ang mga nagsipunta dahil sa iba’t ibang seleksyon ng pagkain at paninda. Tunghayan ang kuwento ng mga negosyante na naghain sa atin at nakiisa sa isang masaya, makulay, at makabuluhang linggo ng Pebrero kung saan itinampok ang kalagayan ng mga Pilipino. 

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter

Cherry on the top

Sa aking pagmamasid sa linya ng mga food stalls, nabatid ko ang isang stall na pinipilahan ng mga estudyante. Sa aking paglapit, dito ko na nakilala si Cherry Lou Valdez, 39 taong gulang, isa sa mga magkakasosyo sa Queen’s Kitchen. Mula korona hanggang kaldero, ibinahagi niya ang kaniyang matamis na kuwento.

“Nanalo ako bilang Mrs. Laguna Tourism…And then yung mga friends ko naman na sumusupport sa akin, kasama ko din, team ko din sa pageant . Actually we are six dito. Kasosyo ko rin yung anak ko dito kasi may nagpasa sa kaniya ng share” pagbabahagi ni Valdez.

“‘Yung mga friends noong pandemic diba usually tumatambay sa bahay kasi walang ibang pinagkakaabalahan kung hindi mag-tambay ganyan…so alam mo na ‘yun, mga gimmick gimmick” dagdag niya. 

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter

Dito na nga raw nila napag-isipan na magtayo ng isang negosyo. At dahil sa pandemya, mataas ang demand ng online delivery. Ibinahagi ni Valdez na nagsimula lamang sila sa kapital na 1,400 piso. Matapos ang kanilang pitong buwang operasyon, nakaipon na rin sila ng halagang 100,000 piso, na siyang ginamit sa kanilang pagtatayo ng isang physical store sa Sitio Ibaba, Maahas, Los Baños.

Ibinahagi ni Valdez na dinarayo sila dahil sa kanilang mga mura at masasarap na rice meals. Mura ang kanilang pagkain dahil, aniya, iniisip nila ang kapakanan mga estudyante. 

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter

“Walang halong keme”

Dama pa rin ang simoy ng Pasko kahit sa Pebrero, ito ang hatid ng bibingka business ni Rochelle Estacio, 20 taong gulang. Mainit-init at masarap na produkto ang hatid ng Paskong Bibingka. Ayon sa kanya, noong una ay linggu-linggo silang umaangkat ng produkto galing sa Luciana at dinadala nila ang mga ito sa Bay. Kaya naman malaking bagay nang turuan sila ng paggawa ng bibingka. 

“One time tinuruan po kami nung kinukuhanan po namin kung paano po siya gawin…para kami na po mismo yung gagawa. Hindi na kami aakayat doon. Bale sa amin na talaga ‘yan” salaysay ni Estacio

Ayon kay Estacio, taong 2018 nang nagsimula silang humango ng bibingka. Makalipas ang isang taon, natutunan na nilang magluto ng sarili nilang bibingka. Dagdag pa ni Estacio, malaking kawalan ang mga aktibidad tulad ng February Fair sa kanilang negosyo dahil sumasali lamang sila sa mga bazaar. Nawalan din sila ng pisikal na stall nang sumapit ang pandemya kaya naman sa online platform lang sila humahagilap ng mga mamimili. 

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter

“Ngayon naman po okay naman. Parang nangangapa kasi ngayon pa lang kami [nagsisimula] ng talagang tuloy-tuloy ng pagluluto” dagdag niya.

Nakikilala, aniya, ang kanilang bibingka dahil sa kanilang promosyon sa Facebook at nakaraang pagsali sa Bañamos festival at pakikilahok sa mga bazaar. 

“Parang kilala nila kasi sumasali kami sa mga bazaar nga po. So pag nakikita nila to, so parang napapabili sila. Kasi sa totoo lang po, walang halong keme, kahit sa amin ‘yan, masarap naman po kasi talaga siya” paglalahad ni Estacio. 

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter

Pangarap at pakikiisa

Sa aking patuloy na paglilibot sa parke, nasilayan ko ang isang tent na nagkakaloob ng mga handicraft at kape. Dito ko nakilala ang Christian Help Center Philippines at ang representative nitong si Clarina Pe, 48 taong gulang. 

“‘Yung NGO is Christian Help Center Philippines. Bale ang focus niya ay disaster assistance, special scholarship, at livelihood programs and jobs…’Yung interventions sa mga livelihood programs nagstart siya nang 2017. So nagstart tayo na pumunta sa Naujan, Oriental Mindoro and then we listen. We try to listen sa community” kuwento ni Pe.

Nagsimula sila sa kanilang interbensyon sa pamamagitan ng pag-aabot ng uniporme sa 15 estudyante ng Alangan tribe. Nabuo ang ugnayan sa pagitan ng kanilang organisasyon at ng nasabing tribo sa pamamagitan ng kanilang pakikinig sa plano at mithiin ng mga katutubo. Dito nila napagtanto na ninanais ng tribo na matutong magsaka ng kape at cacao. 

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter

Sa kasalukuyan ay sinasanay ng kanilang organisasyon ang nakababatang henerasyon ng mga katutubo bilang mga barista. Ikinatutuwa ni Pe ang pagiging bukas nila sa pagkatuto ng bagong kaalaman at patuloy na organikong pamumuhay na ipinakikita sa kanilang pag-iwas sa paggamit ng kemikal sa kanilang mga produkto. 

Isinaad ni Pe na marami pa sanang mga produktong nais na ipakita ang mga katutubo sa mga mamimili kung hindi lamang sa mahinang signal na naging sanhi ng kawalan ng komunikasyon sa mga komunidad. 

Mainit naman ang naging pagtanggap ng mga mamimili nitong Feb Fair sa kanilang mga produkto pati na rin sa mga taong nasa likod nito.

“Natutuwa [ang mga mamimili] kapag nalalaman nila…siyempre mabagal tapos hindi nagsasalita kasi nahihiya pa sila. Ipapaliwanag namin kung sino [yung mga katutubo] tapos natutuwa sila…bumibili sila. Naaaliw sila na nandyan yung mga katutubo mismo” pahayag ni Pe. 

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter

“And ipinagpe-pray natin na…’yung mga taga Mount Halcon, hindi na sila magde-desire bumaba…and it will be, ano, kumbaga sustainable community. Hindi na nila kailangang bumaba para sa city para maging construction worker…kasi malalaki, malalakas sila. Hopefully, hindi na mangyari iyon,” hiling niya. 

Ibinahagi rin niya ang pangarap ni Lyka, isa sa mga katutubong kasa-kasama nila sa kanilang gawain. “Lyka, student pa rin, dinedream niya na makatransfer sa UPLB. Nasa ano siya, San Pablo. Kulang pa raw siya ng units at saka hopefully, sana umabot yung grades…Lagi ko siyang kasama sa field…devcom din kasi yung gusto niya” kuwento ni Pe. 

Pangarap, pagkilos, at pakikiisa

Ayon kay Pe, upang maabot ang ating mga pangarap, hinding hindi dapat mawala ang panalangin, pagkilos, at ang pinakamahalaga, pakikiisa. At sa ating hangaring makamit ang pagbabago at kaunlaran, sikapin nating pakinggan ang bawat istorya.

“Ang pakikiisa, nandoon ‘yun sa community. Kung komunidad, may sama-sama kayong pangarap, posibleng marating [ito]…The first step of love is listening. Madali magsabi ng maraming things pero it’s better for you to experience it firsthand” paglalahad niya.

Nito ko natuklasan na hindi lamang sa buwan ng Pebrero itinatampok ang pag-ibig. Sa pakikinig, natuklasan natin na araw-araw nilang iniibig ang kinabukasan at laging niyayakap ang kani-kanilang mga pangarap. Sa mga kuwento ng pag-ibig sa nagdaang Pebrero, kuwento nila ang pinakahinangaan ko.

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter

Sana maulit muli

Magkakaiba man ang kanilang mga pinanggalingan at istorya, magkakaiba man ang lasa at anyo ng mga pagkaing kanilang inilalako sa merkado, mayroon silang iisang pinanghahawakang hiling: ang makabalik sa susunod na pagdaraos ng UPLB February Fair. 

Mula kay Cherry Lou Valdez, naging masaya ang kanilang karanasan sa nagdaang February Fair. “Uulit kami next year yung tipong ganoon na karanasan” kuwento niya. 

Inaasahan naman ni Pe ang muling pagsali sa pagdiriwang. Mithiin niyang makita na sa susunod naman, ibang pangkat ng mga katutubo ang magkakamit ng panibagong mga kasanayan at karanasan.

“Masaya kami na mapabilang sa UPLB February Fair… looking forward for next year kasi baka hindi na sila, baka ibang batch naman kasi ang target natin ay makaikot yung training, hindi lang sila, yung sila naman ang maging trainors” ayon kay Pe. 

Nagwakas din ang saglit na hapong iyon, at sana ay maulit muli ito. Sana sa mga susunod pang mga taon, patuloy nating marinig ang iba pang mga kuwento at sikaping itampok ang pangarap ng Pilipino. ■

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya