DAPAT MONG MALAMAN
- Hindi matututo ng disiplina ang kabataan sa niraratsadang MROTC, ayon kay John Peter Angelo Garcia ng YAPJUST.
- Dagdag naman ni Gerard Palma ng Kabataan Partylist Timog Katagalugan, ang dapat tugunan ng pamahalaan ay ang budget cut at iba pang suliraning edukasyon.
Sa pagpapatuloy ng protesta kontra Mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC), ipinaliwanag ng mga progresibong grupo sa UPLB ang dala nilang pangamba sa panukala at ang posibleng maging epekto nito sa kalayaang timatamasa ng mga sektor sa loob ng unibersidad.
Kasabay ito ng pagkakaapruba sa pangatlo at huling reading ng House of Representatives ang House Bill 6687 (HB) noong Dis. 15, 2022. Sa ilalim ng National Citizens Service Training Program (NCSTP) Act, kailangan dumaan ang mga undergraduate na estudyante sa military training ng dalawang taon.
Samantala, magkakaroon naman ng “optional” na apat na taon para sa ROTC para sa mas advanced na military training. Ninanais ng programa na magkaroon ng mga miyembro sa reserve force ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng National Service Reserve Corps (NSRC).
Para kay John Peter Angelo Garcia, tagapagsalita ng Youth Advocates for Peace with Justice (YAPJUST), “bogus ang pangakong disiplina ng mandatory ROTC.” Saad niya sa Tanglaw: “Blind disobedience at hindi nationalism ang idudulot ng MROTC, lalo na’t ang mga magtuturo nito ay red-taggers at walang respeto sa academic freedom. Ilalapit din nito ang mga kabataan sa kultura ng karahasan at korapsyon na meron ang militar.”
Dagdag ni Garcia, ito ang mga dahilan kung bakit ginawa na lang optional ang ROTC noong 2002. Noong 2001, pinatay ng kanyang mga kapwang cadet ni Mark Welson Chua pagkatapos niyang ilantad ang korapsyon na nagaganap sa ROTC program ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST).

Panganib sa academic freedom
Sinusugan naman ito ni Gerald Palma, miyembro ng Kabataan Partylist Timog Katagalugan. “Ang MROTC ay maaaring gawing oportunidad ng pulis at militar upang makapasok ng mga paaralan. Nakakakabahala ito dahil maaring ilabag ang ating academic freedom, na dapat pinaninindigan sa bawat akademikong institusyon.”
Ang pag-aalala ni Palma ay nakaugat sa naging aksyon ng estado sa mga nakalipas na taon. Sa UP pa lamang, nakakaranas ng iba’t ibang pag-atake ang mga progresibo at iba pang sektor bago at pagkatapos ipawalang bisa ang kasunduan ng Unibersidad at ng Department of National Defense (DND) noong 2021. Binuo noong 1989 na nagbabawal na pumasok ang mga pulis at militar nang walang wastong koordinasyon sa administrasyon ng Unibersidad.
Noong Peb. 6, inaresto si Melania Flores, isang propesor sa UP Diliman at dating pangulo ng All UP Academic Employees Union (AUPAEU) National, sa kanyang sariling bahay sa loob ng campus. Binasura ng Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) ang kaso ni Flores na umano’y hindi pagbabayad ng Social Security System (SSS) ng kanyang kasambahay sa sumunod na buwan.
Noong Peb. 22 naman, nired-tag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang All UP Workers’ Union – Manila Chapter sa isang forum sa National Institute of Molecular Biology and Biotechnology (BIOTECH-UPLB). Inakusahan ng unyon mismo ang direktor ng BIOTECH-UPLB na si Dr. Marilyn Brown sa umano’y pag-imbita sa NTF-ELCAC sa pamantasan.
Kinondena ni Palma ang kinakailangang P61.2 bilyong budget para sa pag-implementa ng MROTC, at binibigay-diin ang pangangailangan ng mga estudyante ng suporta sa pagbabalik ng face-to-face (F2F) classes . Bukod sa UP, nakaranas ng higit 79.97%, 63.47%, at 21.80% na budget cut ang mga state universities ng Marinduque, Romblon, at Batangas (ayon sa pagkakabanggit).
Binaggit din niya ang pinakabagong Basic Education Report (BER) ng Department of Education (DepEd), na kung saan iniulat na 104,536 mula sa 327,851 na school buildings sa buong Pilipinas ay in “good condition” (hindi gigibain o nangangailangan ng repair, sa oras ng pag-uulat).
“Sa halip na tugunan ang mga budget cut at ang pangangailangan ng infrastructure para sa sistemang edukasyon, ang mga tulad ni Sen. [Ronald] “Bato” dela Rosa ay pinipilit ang paraan na hindi lamang kumukuha ng pondo para sa ating sistemang edukasyon kundi para rin sa kritikal na pag-iisip ng mga estudyante,” aniya
Dagdag naman ni Garcia ng YAPJUST: “Ginagamit kasi noon ng AFP ang NSTP classes sa campus para maglunsad ng red-tagging seminars. Ngayon na maaari itong maulit at mas lumala dulot ng MROTC, lalo nating kailangan ang tiyak na implementasyon ng UPLB Safe Haven Resolution.”

Ipaglaban ang Safe Haven Resolution
Ang Safe Haven Resolution sa UPLB ay isang dokumento na nagnanais panatilihin ang kaligtasan at kalayaang pang-akademiko ng mga sangkaestudyantehan at faculty ng unibersidad. Kasama din dito ang mga komunidad na nasa loob ng mga campus. May bisa ngayon ang resolusyon sa UPLB matapos ito aprubahan ng University Committee (UC) noong Mar. 29, 2021.
Paliwanag ni Palma sa Ingles, hindi lamang siya makapagpahayag at makapag-aral ng walang tako dahil sa resolusyon. Para sa kanya, naging posible ito dahil “giniit ng sangkaestudyantehan ang pangangailangan ng UPLB maging isang ‘safe haven,’ lalo na sa kung saan ang seguridad ng mga sangkap ng UPLB ay nakompromiso.”
“Kalayaang pang-akademiko at kaligtasan ng UPLB community ang nakataya rito,” sabi ni Garcia. Dagdag pa niya, maaring gamitin din ng ibang akademikong institusyon ang Safe Haven Resolution, at magsisimula ito sa mga “malawakang [diskusyon] na magmumulat sa mga kapwa estudyante natin, [mga dayalogo] para igiit ito sa mga university administration, at [mga] kampanya para pagbuklurin ang buong komunidad laban sa pasismo.”
Bilang pagtatapos, nanawagan si Garcia na huwag pabayaan na matuloy ang pagpasok ng mga pulis at militar sa mga akademikong pamantasan. “Bantayan natin ang pagpapaigting sa Safe Haven Resolution, hanggang maging institusyonal ito sa buong UP system at sa iba pang academic institutions.” ■
Addendum (Mar. 27, 2023): Miyembro si Gerard Palma ng Kabataan Partylist Timog Katagalugan.




You must be logged in to post a comment.