TL;DR:
- Para sa mga mandadasal sa palibot ng Magellan’s Cross, kulang ang kita para sa samut saring dasal.
- Naging sandigan ng ilang mananampalataya ang Santo Niño de Cebu para sa personal at mga panlipunan nitong mga problema.

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter
CEBU CITY — Kasabay ng tunog ng kampana at mga kantang pangmisa, hindi lamang mga deboto at turista ang dumadagsa sa pag-apak ko sa pamosong Magellan’s Cross.
Lantad din ang sandamukal na pula, dilaw at puting mga kandilang inilalako ng mga mandadasal sa Cebu. Mapasampung piso o isang daan, aabot umano sa Panginoon ang bigat na iyong dala sa pagtapak sa pasyalan.
Ganito ang araw-araw na sistema sa isa sa mga pinakarelihiyosong dambana sa Cebu City. Katabi ang Basilica Minore del Santo Niño de Cebu, mahalagang bahagi ng kasaysayan ng bansa ang dala-dala ng krus ni Magellan.

Sa gitna ng ingay ng lugar mapapakinggan ang mahihinang dasal ng karamihan. Pumukaw ng aking pansin ang mga mandadasal, gaya ni Cristina Ailia na aniya dalawang taon nang naglalako ng dasal. May sarili pang I.D. na bitbit para sa kanilang pagkakakilanlan.
Matipid sumagot si Cristina kahit nakapalagayang loob ko na. Aniya, pinakamalakas tuwing araw ng Linggo ang kanilang benta, na halos umaabot ng lagpas dalawang libo. Sa pang-buwanan, pinakamarami ang sa buwan ng Marso hanggang Hulyo.
Ngunit giit n’ya, ang dalawang libong ito ay hindi buong nakakauwi sa kanilang hapag. Malaki rin kasi ang gagastusin para sa mga binibiling kandila mula sa kanilang supplier sa ibang lugar, na kanila ring inaangkat pa tuwing umaga dahil dagdag niya, hindi simbahan ang sumusuporta sa kanilang hanapbuhay.
Dahil dito, ang aniyang pinaghirapang dapat sana’y sahod sa pagiging daan para mas mapadali ang pakikipagdalayogo sa Diyos ay mababawasan pa.

Para sa mga nagpapadasal
Nakilala ko rin ang mag-inang Divina at Abigail Cagas, na nanggaling pa mula sa Davao Del Sur. Si Abigail ay isang estudyante sa isang pamantasan sa Cebu at nililibot n’ya ang kaniyang ina sa iilang araw na pamamalagi nito sa lugar.
“We want to really have a good life,” ganito inilarawan ni Abigail ang sipi ng kanilang katatapos pa lang na padasal.
Makikita man ang paunti-unting luha sa gilid ng mata, binanggit sa akin ng mag-ina na bitbit din nila ang panalangin ng kaligtasan at matagumpay na operasyon para sa sister-in-law ni Divina na sumasailalim sa isang operasyon sa mata.

Matatagpi rin ang pagsandig ng debotong kagaya nila sa problema: “Mostly about financial reason,” halaw sa aming pag-uusap na impit dahil sa pagkakaiba namin ng kinalakhang wika.
Mula sa pananaw ng pananampalataya, ang pag-ahon ay panibagong sandigan ng pag-asa na sana’y hindi magapi. Ngunit sa isang bansang puno ng problema at sistemang lubusang mapang-api, tanging himala ang magsasalba sa mga taong nawawalan na ng pag-asa..
Ito ang masisilayan sa mga mandadasal na nagtitiis sa tirik ng araw at sa kakarampot na kita upang makapaglako, o sa mga debotong nagpapadasal sa loob ng Magellan’s Cross tangan ang tali-taling mga kandila.
“I am really curious about this Santo Niño…how life would be good [like] we really wanted [it] to be,” ulit na sinambit ni Abigail.
Mga problemang pinansyal, kalusugan, edukasyon, at maayos na buhay na ipinagpapasa-Diyos na lang, dahil hindi matugunan ang kanilang mga daing at pagal ng luha. Sa mundong walang malapitan, kailangan nilang manalig. ■





You must be logged in to post a comment.