DAPAT MONG MALAMAN
- Planong bombahin ng 80th IBPA ang Sitio Lubog sa Brgy. Mascap, Montalban, Rizal bilang parte ng kanilang laban sa NPA.
- Tumungo ang mga boluntaryo ng STPC upang tulngan ang mga “na-trauma,” ngunit sila’y ni-red-tag ng mga elemento ng 80th IBPA.
Kinundena ng UPLB University Student Council (USC) ang “malisyosong pagparatang” ng isang red-tagging page sa isinagawang humanitarian mission kasama ang ilang mga mag-aaral ng UPLB sa Montalban, Rizal.
“Damay sa pahayag ng ‘di umanong ‘[g]overnment organization’ na ito ang tatlo nating kamag-aral sa UPLB, at walang permiso nilang inilathala ang kanilang mga litrato,” saad ng konseho noong Linggo, Abril 9.
Kasama dito sina John Peter Angelo Garcia, tagapangulo ng YAPJUST, Felipa Cheng, isang paralegal ng Karapatan-Rizal, at isang hindi pinangalanang staffer ng UPLB Perspective, ang pahayagan ng mga mag-aaral ng ating unibersidad.
Dagdag pa ng College Editors Guild of the Philippines Southern Tagalog (CEGP-ST), nired-tag din ng Facebook page na pinamagatang “SAMBAYANAN-Rizal” ang Kabataan Partylist-Taytay, at ang iba’t ibang mga pangkat ng Karapatan sa Timog Katagalugan at Tanggol Batangan.
Dahil sa insidente, nanawagan ang UPLB USC na “paigtingin ang pagsulong ng UPLB Safe Haven Resolution para sa seguridad ng mga miyembro ng ating komunidad, at patuloy nating ipagpanawagan sa estado na itigil ang mga atake sa mamamayan.”
Bago ang nangyaring insidente, naharap sa red-tagging at harassment, kasama ang mga kapwa nilang volunteer ng Southern Tagalog Serve the People Corps (STPC), sa kanilang humanitarian mission sa Brgy. Mascap sa Montalban, Rizal noong Abril 7.
Ayon sa STPC, layunin lang nilang magpaabot ng tulong sa mga pamilyang napilitang lumikas dahil sa plano ng 80th Infantry Battalion – Philippine Army (IBPA) na pagbobomba sa Sitio Lubog sa Brgy. Mascap, bilang parte ng kanilang opensiba laban sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa bayan noong Marso 31 hanggang Abril 2.
Sa datos mula sa Karapatan-Rizal, 80 na pamilya ang sapilitang nilikas sa Brgy. Mascap, habang 75 naman ang sa kalapit na Brgy. Puray.
Ngunit sa halip na “makiisa sa mamamayan nired-tag at hinarass pa ang mga volunteer ng mga pwersa ng militar, ayon sa pahayag ng Youth Advocates for Peace with Justice (YAPJUST),
Paliwanag ng YAPJUST, tinulak sila ng indibiduwal na itinago sa pangalang tinatawag na “Fatima” palabas ng barangay hall. Binansagan naman ni Second Lieutenant Richie Pagumpana ng 80th IBPA na mga miyembro ng NPA ang mga boluntaryo. Kasabay nito sila din ay kinuhanan ng video habang pinanood ng iba mga sundalo.
Saad ng YAPJUST sa isang Facebook post, “kahit sa mahal na araw, natatangihan parin ng karapatan ng kapayapaan ang mga mamamayan dahil sa mga atake ng sa human rights workers, mga lider-estudyante, at mga militarisadong komunidad.”
Kasaysayan ng karahasan
Paliwanag pa ng Karapatan-Rizal, dahil sa pangamba ng napipintong pambobomba sa lugar ay napilitang iwan ng mga residente ang kanilang mga pananim, mga alagang hayop, at iba pang ari-arian.
Hindi lamang ito ang pagkakataong nagkaroon ng ganitong insidente sa Montalban. Noong Marso 11, 2023, pinaikot at sapilitang pinapirma ng 80th IBPA at mga ahente ng National Taskforce to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mga “katunayan ng pagkakaisa” sa mga residente ng 1K2 Kasiglahan Village.
Sa mga larawan na ibinahagi ng Karapatan Timog Katagalugan (TK), pinipilit na makilala ang mga lumagda bilang mga “dating sumusuporta” hindi lamang sa NPA, kundi din sa Communist Party of the Philippines (CPP) at National Democratic Front (NDF), at pinapangako na “hindi suportahan” ang mga grupong ito.
Dagdag din ng human rights group, sa 1K2 Kasiglahan Village din pinaslang ng mga awtoridad sina Mark Lee Bacasno at Melvin Dasigao noong Marso 7, 2021 o ang “Bloody Sunday.”
Ang dalawa ay naging miyembro ng San Isidro Kasiglahan, Kapatiran at Damayan para sa Kabuhayan, Katarungan at Kapayapaan (SIKKAD-K3), isang lehitimong grupong maralita na ilang beses nakaranas panre-red-tag at panghaharass.
Dagdag pa ng Karapatan-Rizal ang planong pambobomba sa komunidad ay lumalabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at ng International Humanitarian Law mismo.
Ani ng Karapatan-TK, “hindi kailanman malulutas ang armadong tunggalian sa polisiyang todo-giyera ng pamahalaan, sa panininasib ng mga panagupang pwersa ng Philippine Army sa kanayunan, at malawakang peke/sapilitang pagpapasuko sa mga sibilyan.” Nanawagan din sila na ibalik ang peace talks at tuluyang buwagin ang NTF-ELCAC. ■



