DAPAT MONG MALAMAN

  • Ang bayan ng Pola ang isa sa pinakanaapektuhan sa naging oil spill dulot ng paglubog ng MT Princess Empress.
  • Para sa mga komunidad na umaasa lamang sa dagat ng pangkabuhayan, suliranin ang paghahanap ng alternatibong pagkakitaan at pantustos sa araw-araw nilang pangangailangan.

POLA, Or. Mindoro — Matatagpuan ang bayang ito ilang kilometro lamang mula kung saan lumubog ang MT Princess Empress at tumagas ang 800,000 litro ng industrial oil sa karagatan.

Kaya’t malaking unos ang insidenteng ito para sa mga komunidad na tanging umaasa ng kanilang ikabubuhay sa yamang-dagat. 

Kung dati ay buhay ang mga dalampasigan dito sa pagdaong ng mga mangingisda bitbit ang kanilang mga huling yaman dagat, ngayon ay namumutawi ang panlulumo at ang paghahangad na manumbalik sa dati ang kanilang pangunahing kabuhayan.

Habang nakapila upang magpasa ng dokumento at marehistro ang mga naapektuhan mangingisda, inilahad ni Remuel Enriquez, 60, ang kanilang karanasan bago pa man ang insidente. 

“Maganda ang aming kitaan sa dagat, kami ay nakakatikim ng sariwang isda atsaka kahit anong oras pwede kang mangambat at mangawil,” salaysay niya sa Tanglaw. Matapos ang oil spill, kadalasan ay sa ayudang ibinibigay ng pamahalaan sila umaasa para sa pagkain sa araw-araw. 

“Maayos naman, may pang ulam, may pagkakakitaan kami. Sa ngayon, nung pumutok yung oil spill ay ‘di na tayo nakapangisda. Mahirap para sa amin,” pahayag naman ni Roy Armamento, kasamahang mangingisda rin ni Enriquez.

Matapos ang pagpupulong ng kanilang asosasyon, muling tumungo sa kanilang barangay si Arlene Vargas at kanyang kasamahan. Kuha ni Angelo del Prado

Noon at ngayon

Inilarawan naman ni Arlene Vargas, kalihim ng Asosasyon ng Parangan, Misong Farmers and Fisherfolk, ang kahirapan ng buhay nila ngayon. Bilang asawa ng mangingisda at miyembro ng kanilang asosasyon, saksi siya sa mga naging pagbabago buhat nang naganap ng insidente. 

“Pangisda lamang ang tanging hanapbuhay at pinagkukunan ng bawat pamilya, lalo’t higit yung mga may pumapasok na anak. Nung nagkaroon naging mahirap para sa amin, ‘’dun lang kami umaasa,” aniya sa Tanglaw

Sa pagkaantala ng pangingisda, natutong magkayas ng niyog upang makabuo ng mga walis tingting na ibinibenta si Vargas upang matustusan lamang ang pag aaral ng kaniyang mga anak. “Para lang may maipangtustos lang sa aking estudyante…” paglalahad niya sa hirap ng paghahanap ng maipambabayad ng tuition ng kaniyang mga anak.

Maaaring unti-unti nang bumubuti ang kalagayan ng bentahan sa pamilihan ng mga produkto gaya ng isda, ngunit mailap pa rin ang ilang mga mamimili dala ng takot at pangamba sa epekto ng oil spill sa kalusugan nila. 

“Ilang taon na akong nagtitinda. Ngayon ko lang naranasan ito, dumaan noon ang pandemic, nung nakaraan ay hindi ganito.”

Idinetalye ni Rosie Jaqueca, 64, ang malaking kaibahan ng pagtangkilik noon sa yamang dagat, sa sitwasyon ngayon matapos ang oil spill. Dahil bawal pang manghuli, inaangkat pa niya ito sa karatig na lalawigan ng Occidental Mindoro, Batangas, at maging sa Dagupan, Pangasinan. 

Bilang may-ari ng palakaya (fishing boat), mahigit 100 kilo ng isda ang nahuhuli at nabebenta nila noon. “Hindi nauwi sila ng walang huli. Kataastaasan, may nababahagi sa tao at sa nakakatulong sa kanilang pangagailangan, kuwento niya sa Tanglaw habang binabantayan ang tatlong styrofoam na naglalaman ng pusit, bangus, at tilapia.

Mula 100 kilo ay naging 20 kilo na lamang ang kaniyang mga nabebenta, at nakakaltas pa sa kita ang pagbili ng yelo at plastic na pambalot. Dagdag pa niya, kaniya na lamang tinitiis para lamang makausad sa buhay. “Ay ngayon wala. Nakabara sa taas dalawang buwan na. Nakataas ang aming bangka, nasa amin.” 

Pagbebenta lamang ng mga produkto galing sa dagat ang kinalakhan ni Nanay Rosie, kung kaya’t napakalaking dagok nito sa kanilang pamumuhay. “Wala kaming kabuhayan. Ang aming kabuhayan talaga dito sa tabing-dagat sapul. Ilang taon na akong nagtitinda. Ngayon ko lang naranasan ito, dumaan noon ang pandemic, nung nakaraan ay hindi ganito.” ■

Upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng langis sa katubigan malapit sa bayan, naglagay ang pamahalaan ng isang pananggalang na maging ang mga bangka ay hindi makakalabas. Kuha ni Angelo del Prado

■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya