DAPAT MONG MALAMAN
- Ang SOGIE Bill ay hindi eksklusibo lang sa mga miyembro ng LGBTQIA+, kundi pati na rin protektahan ang kapakanan ng mga cis-heterosexuals at lahat ng “people with diverse genders”.
- Makalipas ang dalawang dekada, nakabinbin pa rin sa Kongreso ang SOGIE bill dahil sa pagtutol mula sa mga konserbatibong senador, kongresista, at mga relihiyosong grupo.
[Updated 5:25 a.m.] Para kay Olivia*, isang estudyante ng UPLB at miyembro ng LGBTQIA+ community, mahalaga na maipasa ang Sexual Orientation and Gender Identity or Expression (SOGIE) Equality Bill upang malayang maipahayag ng lahat kung sino sila nang walang takot.
“Hindi naman namin gustong ipagdiwang kami o ilagay sa pedestal. Gusto lang namin matanggap at maturing na katulad ng karamihan. Gusto naming irespeto at ituring na di kaiba. Nais naming hindi matanggal sa trabaho, maidemanda, mahusgahan, magulpi, makitil, at iba pa dahil lamang sa iba ang pinili naming mahalin taliwas sa sinasabi ng mga doktrina,” paglalahad niya sa Tanglaw.
Dagdag pa niya, palaisipan pa rin kung bakit hindi maisabatas ang SOGIE Equality Bill gayong layon naman nito na protektahan ang lahat mula sa diskriminasyon, anuman ang kanilang kasarian.
Para naman kay Aldrin Bula, ang Punong Babaylan ng UP Babaylan, hindi isang batas na kontra sa mga cisgender o mga babae at lalaki ang SOGIE bill. “Under the SOGIE bill, lahat, regardless of your SOGIE, you’re straight or not, you are covered by the law,” aniya.
Sa pamamagitan ng batas na ito, mapapaigting ang karapatan ng mga babae, lalaki, transgender, bisexual, at lahat ng “people with diverse genders” sa kalidad na edukasyon, trabaho, tulong-medikal, at karapatan sa malayang pagpapahayag ng sarili. “Meron din tayong existing policies under sexual harassment. Pagdating sa codes, defined lang ang karanasan ng women so maganda na ma-include din ang sangkabaklaan,” dagdag niya.
Para naman sa mga estudyante ng Devcom, mahalaga na magkaroon ng isang batas na sisiguro sa karapatan ng mga miyembro ng LGBTQIA+ upang magkaroon ng tunay na pagkakapantay-pantay sa bansa.
Ayon kay Aisaac Sarmiento, ang proteksyon mula sa SOGIE bill ay ‘di lamang mula sa mga pang-aabuso kundi pati na rin sa pagprotekta ng “psychological well-being” ng mga miyembro ng LGBTQIA+ at mga kababaihan. “Maaari ring mentally, bilang patuloy ang paglaganap ng discrimination na rooted sa stigma at misconception sa iba’t ibang kasarian, kasama na ang mga cis-heterosexuals,” paliwanag niya.

Bakit ‘natatrapik’ pa rin ito sa Kongreso?
Bagama’t malawak ang suporta ng panukala sa sektor ng kabataan, hindi pa rin ito umuusad sa lehislatura. Unang nagkaroon ng usapin sa legislasyon ng Anti-Discrimination Bill o SOGIE Equality Bill noong inilatag ito sa ika-11 na Kongreso ni dating Akbayan Rep. Loretta Rosales at dating Senador Miriam-Santiago noong taong 2000.
Muli itong inihain sa ika-14 na Kongreso noong 2007 na umabot sa committee level. Ngunit, mailap pa rin ang posibilidad na maipasa ang batas hanggang sa ika-15 at ika-16 na kongreso.
Sa kabila ng mga aksyon tungo sa paglulunsad ng SOGIE Equality bill, maraming konserbatibong grupo at pulitiko ang hindi pa rin sang-ayon sa pagpapasa nito. Isa rin sa mga dahilan kung bakit mabagal ang pagsulong ng SOGIE bill ay dahil sa pagtutol din ng mga relihiyosong grupo.
Kasabay nito, gumugulong pa rin ang posibilidad ng pagkakaroon ng Heterosexual Act o House Bill 5717 sa panguguna ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na itinutulak ang isang kahawig na panukalang gaya ng SOGIE Equality Bill.
Ipinipilit pa rin ng mga konserbatibong pulitiko tulad ni Abante na “tanging lalaki at babae lamang ang kasarian gawa ng Diyos.” Gayundin, naniniwala sina Senate Majority Leader Joel Villanueva na “bottomline” lang nito ay ang pagkakaroon ng same sex marriage sa bansa, gayong wala namang nakasaad sa SOGIE bill tungkol dito.
Hinuha ni Bula, isa ring dahilan kung bakit naantala ang panukala ay ang pagiging sanay ng mga Pilipino sa mga konserbatibong ideya pagdating sa SOGIE. “Hanggang ngayon ang idea pa rin ng isang common Filipino pagdating sa kasarian ay babae-lalaki o male and female. Where as we have intersex people, trans people and they exist and they are valid. It’s just that we are built and educated under a community that establishes and further reaffirms the concept na binary lang ang gender,” saad niya.

Epekto ng hegemonya sa kultura, midya
Para kay Alyssha Felismino, head ng Gender Committee ng CDC Student Council, marami ang naghihirap dahil walang maayos na legislayon sa bansa tulad ng anti-LGBTQIA+ violence gayundin sa isyu ng divorce at abortion. “‘Yung conservative ideals na dinadala ng religion, ‘yun ang dahilan kung bakit hesistant ang legislator na magpush ng ganitong bill. Progressive ideals defy what is traditional.”
Dagdag pa ni Felismino, hindi rin naitatampok sa media ang pagpapataas ng tamang kamalayan tungkol sa SOGIE. “As a queer, I don’t really see a lot of awareness although LGBT topic nagiging popular na sa media. There is not much education about the variety of SOGIE.”
Sa kasalukuyan, buhay pa rin ang pag-asa ng mga miyembro ng LGBTQIA+ na maipasa ang bill. Sa kabila ng patuloy na pag-iipit nito, nangako si Senador Risa Hontiveros na ihahain muli ang SOGIE Equality Bill sa ika-19 na Kongreso.
Dahil dito, patuloy ang pangangalampag ng komunidad ng LGBTQIA+ at mga progresibong grupo upang matapos na ang mahigit dalawang dekadang laban para sa isang batas na poprotekta sa karapatan ng lahat ng kasarian.
“The way to end [gender-based discrimination] is the passing of a bill that institutionalizes the community and recognizes their rights and welfare. Oras na at panahon na para makita tayo sa batas at magkaroon tayo ng proteksyon sa lahat ng uri ng diskriminasyon na mula sa ating estado,” ani Bula. ■
Editor’s Note: Nagkaroon ng update ang istoryang ito upang itama ang pangalan ni Alyssha Felismino ng CDC-SC. Paumanhin po!




You must be logged in to post a comment.