Trigger warning: Ang istoryang ito ay tumatalakay sa sexual harassment.


DAPAT MONG MALAMAN

  • Mahalagang makiisa ang komunidad sa pagsugpo ng sexual harassment at pagkakaroon ng safe spaces sa loob ng campus.
  • Para sa mga taga-Devcom, kailangang paigtingin ang pagpapatupad ng UP ASH Code lalo na sa bawat kolehiyo sa unibersidad.

Nagpaalala ang UPLB Office of Anti-Sexual Harassment (OASH) sa isang forum nitong Abril 28 na malaki ang gampanin ng komunidad upang masawata ang mga insidente ng sexual harassment sa unibersidad.

“Ang pagbuo ng safe community ay nakasalalay sa community … We need you to be the megaphone so that others can be educated,” pagdidiin ni Dr. Emilia Lastica-Ternura, OASH Coordinator, sa tungkuling ginagampanan ng mga student organizations upang mapanagot ang mga sexual harassers sa unibersidad.

Sinabi rin ni Lastica-Tenura sa lahat ng mga organisasyon na huwag mahiya lumapit sa kanila at sa Unibersidad ukol sa ganitong mga sitwasyon. “Coddling a sexual harasser is not protecting your org, and we cannot help you unless you file a case. Sana ma-assure kayo na magiging confidential ang mga cases,” aniya.

Noong 2017, inaprubahan ng UP Board of Regents (BOR) ang pagkakaroon ng UP Anti-Sexual Harassment (ASH) Code na naglalayong maging ligtas komunidad ng UP. Nakapaloob dito kung ano ang mga maikokonsiderang uri ng sexual harassment, tamang proseso sa pagsampa ng kaso, at mga kaugnay na parusa kung mapatunayan lumabag sa itinakda ng UP ASH Code.

Ayon sa alituntunin, ang sexual harassment ay anumang hindi angkop na sexual advances o offensive remark tungkol sa sekswal na oryentasyon o kasarian ng isang tao. Maaaring ma-dismiss o suspend ang estudyante o UP personnel kung napatunayang nilabag niya ang ASH Code. 

Nang tanungin kung paano matutulungan ng organisasyon ang kanilang miyembro na biktima ng sexual harassment, ipinaliwanag ni Lastica-Ternura na pinahihintulutan ng ASH Code ang tinaguriang third-party filing. “To protect the victim, you can volunteer to file the case on their behalf. ‘Yun ang pwede mong gawin… Get a statement and file a third-paty case.”

“Sa side po namin, sana maging proactive na hindi lang OASH ang hahawak ng sexual harassment cases.”

Shey Levita
CDC-SC Chair

Mekanismo sa lokal na lebel

Kaugnay nito, nanawagan naman ang isang lider-estudyante ng CDC ng mas pinaigting na kooperasyon sa pagitan ng OASH at ng mga college administrations upang mas madaling masugpo ang sexual harassment cases sa mga kolehiyo.

Batid sa salaysay ni CDC Student Council Chair Shey Levita ang agam-agam ng mga organisasyon na determinado namang pigilan ang mga nagtatangkang harassers sa kanilang grupo. “Sa side po namin, sana maging proactive na hindi lang OASH ang hahawak ng sexual harassment cases,” hiling ni Levita.

Tugon naman ni Lastica-Ternura na nakasaad sa Section 16 ng ASH Code ang anumang klase ng sexual harassment ay maaaring iulat sa OASH, pasalita man o paliham. Gayundin, kailangang idiretso sa OASH ng Deans, Directors, o pinuno ng bawat unit ang anumang kaso sa na idinulog sa kanilang kolehiyo.

Sa parte ng OASH, mas mabuti umanong ikonsulta sa kanila ang ganitong mga kaso upang masiguro ang parusa sa mga lumalabag. “All sexual harassment cases na-covered ay sa amin. We need to maintain confidentiality, especially [if] you put ink on wet paper … Kahit napahiya ang perpetrator, hindi siya na-penalize masyado eh.”

Sa mga mag-aaral ng Devcom na nakapanayam ng Tanglaw, makikita ang kanilang pagsang-ayon sa naging hinaing ni Levita at ang panawagan na patatagin pa ang mga mekanismo laban sa sexual harassment sa unibersidad. 

Para kay Kesha Leosala, dapat na mas paigtingin ang pagpatupad ng UP ASH Code at mabigyan ng trial kung sino man ang lumabag nito. “Look out for each other… Gayundin, student orgs should be the students’ support group, pero it must first start within their org,” dagdag niya.

Nagpaabot rin si Sharmaine de la Cruz, isang ring mag-aaral ng CDC, ng kaniyang panawagan sa mga taga-Devcom: “Sa tingin ko ay dapat din na paalalahanan ang mga estudyante sa kanilang karapatan bilang parte ng pag-maintain ng safe spaces sa unibersidad. Ang anumang sexual harassment, organization-based man ito ay liable, at i-held accountable.” ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya