DAPAT MONG MALAMAN
- Kasabay ng mga pangamba ng mga mag-aaral sa kanilang kalusugan, itinutulak ng mga konseho ang isang recovery period.
- Para sa administrasyong CDC, may kapangyarihan ang mga faculty-in-charge na magsagawa ng asynchronous sessions depende sa sitwasyon ng kanilang klase.
- Ipinaliwanag ng mga kumakandidatong lider-estudyante ang mga repormang kanilang gagawin kasabay ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19.
Habang ramdam na sa Devcom ang pangamba sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa campus, idinetalye sa Tanglaw ng mga lider-estudyante at miyembro ng CDC administration ang mga maaring maging hakbang sa kasalukuyang sitwasyon.
Ito ay kasabay ng pinakahuling ulat ng UPLB University Health Service (UHS) noong Mayo 8, kung saan 43 na ang aktibong positibong kaso ng COVID-19 sa campus.
Ayon kay CDC-SC Chair Shey Levita ay “nakakalungkot” ang umano’y hindi pagtugon ng UPLB administration sa mga katanungan ng konseho, kahit na nagpaabot na sila ng kanilang mga agam-agam. Sumasang-ayon umano ang konseho sa panukalang magkaroon ng isang linggong recovery time.
“Kaisa kami na magkaroon ng isang one week break na recovery time na kung saan magkaroon muna ng asynchronous class ang lahat,” pahayag ni Levita sa Tanglaw. “Kitang-kita naman at evident naman na hindi lang ang estudyante ang naapektuhan nito, kundi pati ‘yung mga professors, ang mga REPS natin, ang mga staff natin.”
Para sa CDC administration, ipinaliwanag ni OIC-Dean Asst. Prof Rosa Francisco na mas mainam ang isang pagtingin na hindi “one-size-fits-all” at maaring gawin ng faculty-in-charge (FIC) na asynchronous online ang mga klase. Ito ay alinsunod sa Office of the Chancellor (OC) Memorandum No. 009 series of 2023 kung saan maaaring gamitin ang angkop na “flexible learning mode” para sa mga nagkakasakit na mag-aaral.
“I’ve been hearing [from] individual faculty members who are shifting to online asynchronous classes kapag […] marami sa kanilang mga estudyante na nagrereport na they’re not feeling well, and they are actually given that option as stipulated in that guideline, so it might not be for all like one solution fits all, but it’s more on what is the status of each class and the students,” aniya. “It’s the teacher who’s in the classroom who would be in the best position to determine.”
Batid rin naman umano ng administrasyon na mahirap ang pagsasagawa ng synchronous online classes. “Synchronous online [classes] last semester proved to be challenging for some students because the Internet connection in their area or their dorm hindi ganun kaganda, so that’s why they recommended that if it’s going to be online, it’s going to be asynchronous.”
Ibayong pag-iingat
Dahil sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19, hinihiling ng UPLB University Student Council (UPLB USC) na ipasuspinde ang mga klase ng ilang araw.
Ayon sa isang Tweet ni USC Chair Gean Celestial, ito’y upang mabantayan ang kalagayan ng mga mag-aaral. Bunga rin ito ng naging talakayan sa emergency Council of Student Leaders (CSL) noong Mayo 7 mula sa iba’t ibang mga student councils, tungkol sa mga suliranin ng mga mag-aaral ukol sa COVID-19. Sa kasalukuyan, hinihikayat ng USC na idaan lahat ng kanilang mga suliranin sa kanilang Google Form.
Ngunit habang nagpapatuloy pa rin ang kasalukuyang face-to-face setup, pinaalalahanan ng mga konseho ang mga mag-aaral na ipagpatuloy ang pagsagot sa UPLB Online Health Monitoring System (OHMS). Para sa USC, ito ay upang magkaroon ng “data-driven policy recommendation” sa mga dayalogong isasagawa.
Ito rin ang sinabi ni Francisco, na sa kaniyang panayam sa Tanglaw ay binigyang-diin ang kahalagahan ng palagiang pagsasagot sa OHMS. “It’s our most important line of contact sa mga mag-popositive na students ng Devcom, and somebody monitors that and the data is shared with the Office of the College Secretary [OCS], so that we can reach out and provide support,” aniya.
Paliwanag ni Francisco na base sa mga datos ng OHMS, nalalaman ng OCS kung sino ang nangangailangan ng mga COVID-19 care kit at tulong sa pag-proseso ng excuse slips.
Kasabay ng problemang ito ang nagpapatuloy na kampanya para sa nalalapit na halalan ng USC at CSCs sa susunod na linggo. Bakas sa parehong partido sa Devcom ang pangamba, at idinetalye ang mga nakasaad na plano sa kanilang mga general plans of action (GPOA) kung magpatuloy ang krisis sa kanilang pagkakaluklok.
Para kay Juthea Anne Gonzales, na kandidato ng Samahan Para sa Kabataan (SAKBAYAN) para sa College Representative to the USC, “nakakaalarma” ang kasalukuyang sitwasyon. “Isa rin sa part ng GPOA namin sa rising number of cases ay ang pagkakaroon ng health kits, at ang pagoobserve rin po sa mga condition ng mga estudyante […] Balak po namin itaas ito sa admin, at talagang i-trickle down ang magiging resolution.”
Ayon naman sa standard-bearer ng Linking Everyone Towards Service in CDC (LETS-CDC) na si Jelaine Kate Pagayon, kailangang matugunan ang kakulangan ng mga testing kits para sa mga may asymptomatic na kondisyon. “Ano pa rin ba yung umiiral na mga academic policies ngayon? Ito ay polisiya na iniimplement na para sa [face-to-face] kaya hindi po ito makatarungan sa mga estudyante,” aniya.



