DAPAT MONG MALAMAN
- Malaki ang pagpapahalaga ng komunidad ng Devcom sa pinaigting na accountability at transparency sa mga lider-estudyante nito.
- Para sa mga dumalo, mahalaga ang gampaning hawak ng Student Council upang masigurado na bahagi ang sangkaestudyantehan ng Devcom sa bawat polisiya at hakbang nito.
Sa pagtatapat ng mga kandidato mula sa LETS-CDC at SAKBAYAN, naging pokus sa hybrid College Miting de Avance sa Lecture Room 1 kahapon, Mayo 12, ang pananagutan at transparency ng CDC Student Council.
Sumentro rin sa mga naging tanong ng mga dumalo ang kahalagahan ng integridad ng konseho upang epektibong mapagserbisyuhan ang sangkestudyantehan ng Devcom, kasabay ng pag-ugat sa mga sistematikong pagsubok na kinakaharap ng student council ng Kolehiyo.
Nagharap para sa CDC-SC Chair sina Jelaine Kate Pagayon ng LETS-CDC at Angelo Andrei Antipuesto ng SAKBAYAN. Lumahok si Antipuesto sa Zoom bilang pagsunod sa health protocols. Nag-iisang kandidato naman si Juthea Anne Gonzales para sa posisyon bilang College Representative to the USC.
Nagtapat para sa Vice Chairperson sina Raymond Balagosa ng LETS-CDC at Leo Verdad ng SAKBAYAN. May tig-dalawang kandidato ang bawat partido sa pagkakonsehal na binubuo nina Charlie Centeno at Marliah Allih Fulgencio ng LETS-CDC, at Carlo Justin Alvarez at Eulene Egamin ng SAKBAYAN.

Kakayanan para mamuno
Bagaman batid ng mga tumatakbong kinatawan ang kakulangan ng tao sa loob ng konseho nitong mga nakaraang taon, na siya ring ugat ng naging pagkukulang ng kasalukuyang pamunuan, nananatiling tiwala ang mga kandidato sa kapasidad ng sangkaestudyantehan ng Devcom upang kolektibong mapaglingkuran ang mga constituent nito.
“Tinitingnan po natin ang problemang ito bilang isang sistematikong problema, hindi lamang ng Devcom kundi ng buong UP,” giit ni Pagayon ng LETS-CDC. Ipinunto rin ni Pagayon sa mga pagsubok na kinakaharap ng mga lider-estudyante sa kasalukuyan gaya ng lumalalang red-tagging sa kanilang hanay.
Sinusugan naman ito ni Antipuesto ng SAKBAYAN. Aniya, ang kakayanan ng mga taga-Devcom na mamuno ay nasasalamin din sa representasyon at partisipasyon ng mga ito sa iba’t ibang organisayon at inisyatibo sa loob at labas ng CDC.
Gayunpaman, naniniwala ang mga dumalo ng pagpupulong na hindi sapat na kinikilala lamang ng mga kinatawan ng Devcom ang hindi masolusyonang pagkukulang na ito sa kanilang hanay. Ayon sa mga ito, ang kinakailangan ng mga mag-aaral ng Devcom ay ang kongkreto at buong-puwersang paggampan ng Student Council sa mandatong kanilang isinumpang maisakatuparan.

Dagdag pa rito, ang mga kumakandidatong tagapangulo ngayon mula sa magkabilang partido ay bahagi ng kasalukuyang konseho. Sa naging tanong ni Christopher Rebullida, isang Devcom student, siyam lamang sa pinagsamang 28 plans of action nina Pagayon at Antipuesto noong nakaraang halalan ang naisakatuparan. Saad ni Rebullida, kalakhan ng mga ito ay masasabi niyang parte na ng mandato ng isang lider-estudyante.
Tugon ng mga kandidato, repleksyon ang mga ito ng kapos na manpower ng mga kumakandidatong kinatawan, lalo na sa pagkakonsehal, na kahit maluklok man lahat ay kulang pa rin upang mapunan ang lahat ng komiteng kritikal sa pagseserbisyo ng CDC-SC. “Dahil nga naniniwala kami sa collective leadership… gusto naming magkaroon ng manpower na magmumula sa pakikipagtulungan sa ating mga organisasyon [sa CDC],” paliwanag ni Verdad ng SAKBAYAN.
Saad naman ni Balagosa ng LETS-CDC, isang bagong pagkakataon ang darating na termino upang maisulong ng mailuluklok na mga kinatawan ang isang bagong porma ng pamumuno sa konseho, kung saan mas paiigtingin ang koneksyon sa lokal na constituents nito kasama ang iba pang mga college student councils.

‘Hindi nararamdaman’
Daing ng mga organisasyon sa Devcom ang reyalidad sa likod ng mga pangako at platapormang ito. Manipestasyon umano ang isyu sa “hindi nararamdaman” na konseho sa kakulangan ng mga kinatawan nito na mas kilalanin at makipag-ugnayan pa sa mga inaasahan nitong katuwang sa pagpapabuti ng CDC.
“Iba pa rin kasi ‘yung ipaparamdam n’yo sa organizations na pinapakinggan n’yo sila, hinihingi n’yo yung suggestions nila. Kasi gaya ng sinabi n’yo, malaki ‘yung role ng organization sa pagtulong sa council … Dapat inaalagaan din natin yung organizations sa mga activities natin,” punto ni Auna Carasi, isang miyembro ng UPLB Development Communicators’ Society.
Isa rin sa mga isyung kinilatis sa MDA ngayong taon ang hindi malinaw na proseso hinggil sa seleksyon ng mga ex-officio members na uupo sa konseho, problemang sangkot si Pagayon. Punto ni Fred Calapi, isa mga tumakbong konsehal ng CDC noong nakaraang special elections, nagkulang ang CDC-SC sa pagsapubliko hindi lamang ng proseso kundi ng mismong mekanismo para sa napiling ihalal na ex-officio sa konseho.
Paliwanag ni Pagayon: “Sa katunayan po ay iniraise natin ito… na bakit nga ba walang malinaw, walang transparent na inilabas na anunsyo na ako ay parte na…. Bukod po doon, siyempre naniniwala po tayo na hindi ito tama.”

Bagaman aminado ang kasalukuyang CDC-SC Chair Shey Levita sa naging kawalan ng transparency ng institusyon, iginiit niya na dumaan ito sa deliberasyon ng mga miyembro ng konseho. Ugat din umano ang pagpili kay Pagayon bilang isang ex-efficio sa student council sa kakulangan nila ng tao sa kasagsagan ng General Assembly of Student Councils sa Cebu at February Fair 2023, kung saan nahati pa ang maliit na workforce ng konseho.
Para sa SAKBAYAN, kung saan kasalukuyang parte ng konseho sina Antipuesto at Gonzales: “Accountable po kami na kulang po talaga sa transparency… Maaaring kulang sa manpower ang konseho, pero isa po ito sa mga maaari naming matutunan. At kung sakali pong sa susunod na termino ay hindi tutularan.”

Naging mainit na ganap din sa MDA ang hindi pagdalo ng LETS-CDC sa TAPATAN 2023: UPLB Campus Forum na inorganisa ng University Student Council at ng UPLB Perspective. Giit ng mga dumalo sa pagpupulong, mabisa sana itong plataporma upang mailatag ng partido ang kanilang mga plataporma kasabay ang pagpapalakas ng kanilang mga panawagan para sa sangkaestudyantehan ng Devcom.
Katwiran ng mga umusisa, marapat lamang na sinasalamin din ng mga magiging kinatawan sa CDC-SC ang prinsipyong pinanghahawakan ng mga Devcom sa pagiging kritikal sa mga ganitong politikal na talakayan.
“Kanina may pag-amin na ng pagkukulang, na hindi nakapunta, nakakalungkot s’ya… Ilang oras ba yung Tapatan para maging malaking kawalan s’ya sa RTR? So ayon lang, sana i-exhaust natin, kasi diba parang dati nalulungkot tayo, ta’s nagwawala na ‘di pumupunta si Marcos sa mga debate. Tapos ang sinasabing rason ay dahil nagpapriotize s’yang lumubog sa masa…” giit pa ni Carasi.
Binigyang-pansin din sa pagpupulong ang mga napapanahon at mabibigat na isyu sa Kolehiyo gaya ng sexual harassment, safe spaces, gender inclusivity, at COVID-19 response. Gayundin, tinalakay sa MDA ang mga pangangailangan sa CDC gaya ng mas pinalakas na internet connection, pagsasaaayos ng mga pasilidad, institutionalization ng CDC student publication, at ang pagpapaigting ng Philippine Development Communication Students Network.



You must be logged in to post a comment.