Ang panayam na ito ay isinagawa ni Janelle Macandog.


Isinagawa ang panayam sa LETS-CDC sa pamamagitan ng Zoom noong Huwebes, Mayo 11. Dumalo dito sina Jelaine Kate Pagayon, Raymond Balagosa, Charlie Centeno, at Marliah Allih Fulgencio.


INTERVIEW GUIDELINES

  1. Maaaring gawin ang panayam nang face-to-face o online, depende sa mapag-uusapan ng Tanglaw Editorial Board at ng campaign manager.
  2. Ang panayam na ito ay ididirekta sa buong partido, at nasa partido ang desisyon kung sino ang sasagot sa kada tanong.
  3. Mayroong sampung (10) tanong na ihaharap sa parehong partido, at apat (4) na bukod na tanong at patungkol sa karakter at mga isyu sa kada partido.
  4. Bibigyan ang partido ng dalawang (2) minuto upang sagutin ang bawat tanong.
  5. Ang magiging sagot sa panayam ay pinal at hindi na kikilalanin ng pahayagan ang anumang paglilinaw matapos masagot ang isang tanong.

DAPAT MONG MALAMAN

Pindutin ang tanong upang dumiretso sa buong transcript ng naging sagot ng mga kandidato.

General questions

Q: Sa gitna ng nagpapatuloy na transisyon patungong full face-to-face classes at sa hindi pa masawatang banta ng pandemiya, ano ang plano ng inyong partido tungkol sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga mag-aaral ng Devcom?

Batid ng partido ang kahalagahan ng konsolidasyon sa mga hinaing ng sangkaestudyantehan habang sumasailalim sa transisyon patungong full face-to-face classes. Upang magawa ito, paiigtingin ng LETS-CDC ang pagpapakalat ng sensing at grievances forms gayundin ang pagsasakatuparan ng bottom-up approach na pagtugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral. Kaugnay rin nito, palalakasin nila ang panawagan para sa maluwag na polisiya sa attendance at deadlines sa kolehiyo.

Q: Batid namin na aktibo kayo sa iba’t ibang mga organisasyon at kasabay rin nito ang ating responsibilidad bilang mga estudyante. Paano matitiyak ng mga mag-aaral ng Devcom na magagampanan mo ang iyong tungkulin sa konseho?

Ang kanilang pagiging aktibo sa mga kinabibilangang organisasyon ay hindi hadlang bagkus ay pundasyon sa pagbuo nila ng bagong porma ng konseho. Tiniyak nilang priyoridad nila ang kanilang responsibilidad sa konseho sakaling sila ay mahahalal.

Q: Paano mo masisiguro na magkakaroon ng sapat na representasyon ang mga estudyante sa pagdedesisyon ng UPLB o CDC administration?

Bukod sa pagkalap sa mga hinaing ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng grievance forms, idiniin ng partido ang kahalagahan ng aktibong pagdalo sa mga pagtitipong isinasagawa ng administrasyon ng UPLB at CDC para sa direktang pagpapaabot ng mga hinaing ng mga estudyante. Kanilang tiniyak na sila ay lulubog sa sangkaestudyantehan upang ang kanilang mga ilalatag na plataporma ay nakabatay mismo sa mga karapatan at ninanais ng mga estudyante.

Q: Ano ang nakikita ninyong isyu sa kolehiyo na humahadlang sa pang-akademikong kalayaan at paano ninyo ito matutugunan?

Nakikita ng LETS-CDC bilang ilan sa mga isyung humahadlang sa akademikong pangkalayaan sa kolehiyo ay ang kakulangan ng learning spaces para sa mga estudyante gayundin ang kakulangan sa oras na inilalaan ng CDC administration para magamit ito ng mga mag-aaral. Sa partikular na katanungang ito, hindi nila sinagot kung paano matutugunan ang nabanggit na isyu.

Q: Kung may pananatilihin o babaguhin kayo sa naging pamamalakad ng kasalukuyang Student Council, anu-ano ito at bakit?

Pananatilihin at paiigtingin ng LETS-CDC ang pagpapalaganap ng sensing at grievances forms at pagtatatag ng help desks. Ipagpapatuloy rin daw nila ang pagsasagawa ng Council of Student Leaders, bagaman idiniin nila na nararapat itong isagawa kada buwan upang magsilbi na ring “monthly check-up” sa mga mag-aaral. Bukod sa mga ito, tiniyak din nila na magkakaroon ng mas maigting na “accountability and transparency,” kaakibat din ng iba pang programang inilatag nila sa kanilang General Program of Action.

Q: Ano ang plano ng inyong partido pagdating sa student spaces sa loob ng kolehiyo?

Titiyakin ng partido na mas magiging ligtas ang mga espasyo sa loob ng kolehiyo lalo na para sa kababaihan at miyembro ng LGBTQ+ community. Nais din nilang gawing mas accessible ang mga espasyong ito para sa mga mag-aaral. Layunin nilang magtatag ng help desks at patagalin ang oras na maaaring igugol ng mga estudyante sa pananatili sa naturang mga espasyo para sa kanilang mga pang-akademikong gawain.

Q: Bilang mga development communicators, ano ang pagtingin ng inyong partido sa press freedom? Sa lebel ng ating kolehiyo, ano ang nakikita ninyong relasyon ng Student Council at ng bagong-tatag na Tanglaw?

Sa kabila ng pangamba sa bantang dulot ng rehimeng Marcos-Duterte sa freedom of expression sa bansa, nagsilbing magandang manipestasyon ang pagkakaroon ng student publication sa kolehiyo. Mainam din daw ang pagbibigay ng kasalukuyang Student Council ng plataporma sa Tanglaw upang marinig sila ng sangkaestudyantehan. Kaakibat nito ay ang patuloy na panawagan ng konseho na kilalanin na ang Tanglaw bilang opisyal na student publication ng CDC. Sa kabila nito, nilinaw ng grupo na higit sa anuman, marapat na maobserbahan ang relasyon ng konseho at pahayagan “sa lebel ng checks and balances.”

Q: Kasabay ng ulat ng Tanglaw tungkol sa sexual harassment cases sa kolehiyo, ano ang plano ng inyong partido tungkol sa pagpapanatili ng kaligtasan laban sa mga ganitong banta? 

Kinakailangang gawing accountable ang Office of Anti-Sexual Harassment at paigtingin ang pagsasakatuparan ng UP Anti-Sexual Harassment Code. gayumpaman, idiniin ng partido na hindi dapat “OASH-centric” ang pagtugon sa mga naturang kaso bagkus ay nararapat magkaroon ng “proactive” na aksyon ang komunidad ng Devcom sa pamamagitan ng paghimok sa kanilang pakikialam at partisipasyon gayundin sa pagkakaroon ng pagsasanay sa mga ito upang matutunan ang wastong pagtugon sa ganitong mga pangyayari.

Q: Sa kasalukuyang kalagayan ng ating lipunan, ano ang nakikita ng inyong partido na papel nating mga development communicators?

Sa kasagsagan ng banta sa cybersecurity ng mga mamamayan at ng patuloy na paglaganap ng misimpormasyon at disimpormasyon, responsibilidad ng development communicators ang pagsisiwalat ng katotohanan at mga impormasyong dapat malaman ng sambayanan. Marapat ding ang mga mag-aaral ang manguna sa paglaban sa “tahasang pagpapatahimik at pagpapahina sa pwersa ng kabataan” gayundin sa pagpapalakas ng boses ng mga nasa laylayan ng lipunan at pagpapaigting ng panawagan para sa malayang pamamahayag hindi lamang sa kolehiyo kundi sa buong sistema ng UP.

Q: Paano magiging daan ang inyong konseho para maisulong ang mga panawagan ng mga mamamayan at batayang sektor na ating pinaglilingkuran?

Upang magkaroon ng matibay na pundasyon ang mga panawagan para sa kapakanan ng mga batayang sektor na pinaglilingkuran ng komunikasyong pangkaunlaran, marapat na ilubog pa ang sangkaestudyantehan sa danas ng mga nasa laylayan. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng buwanang educational discussions at situationers at pagsisigurong magiging daan ang plataporma ng CDC SC upang mabigyang-linaw at mapakinggan ang samu’t saring isyung kinahaharap ng lipunan.

Party-specific questions

Q: Kung sakaling manalo kayo ay ikalawang sunod na taon na ito ng pamumuno ng LETS. Ano ang kasiguraduhan na mas paiigtingin pa ninyo ang serbisyo sa mga mag-aaral?

Sakaling maluluklok muli, ipagpapatuloy nila ang magagandang nasimulan ng kanilang partido habang pupunan naman ang kanilang mga naging pagkukulang. Titiyakin nilang mas magiging maayos ang serbisyong matatangap ng sangkaestudyantehan sa pamamagitan ng pagbibigay ng bagong mukha sa konseho.

Q: Hindi kayo kapartido ng mga kasalukuyang namumuno sa USC. Paano ninyo nakikita ang ugnayan sa pagitan ng LETS-CDC at ng SAKBAYAN? Nakikita niyo ba ito bilang benepisyo o hadlang sa inyong pamamalakad?

Bagaman nanggaling sa magkabilang partido, iisa lamang ang layunin ng LETS-CDC at ng kasalukuyang namumuno sa University Student Council: ang maglingkod sa sangkaestudyantehan. Kaya naman, hindi magiging hadlang ang naturang sitwasyon sa kanilang pamamalakad.

Q: Sa sensing form at man-on-the-street interviews na isinagawa ng Tanglaw, lumabas na nais ng mga taga-Devcom ang pamumuno na “nararamdaman”. Bilang mga tumatakbo sa ilalim ng ruling party, ano ang masasabi niyo tungkol sa agam-agam na ito?

Batid ng partido ang mga pagkukulang ng kasalukuyang konseho gayundin ang pagsailalim nito sa transisyon mula online tungong face-to-face na pamamahala. Idiniin ng partido na itutuwid nila ang mga pagkakamali ng kasalukuyang konseho at ipagpapatuloy ang magagandang gawain nito. Idinagdag din nila ang kanilang hangaring magsagawa ng “face-to-face activities” at mas mapaigting ang paglubog sa sangkaestudyantehan upang maramdaman ng mga ito ang serbisyong nararapat nilang matanggap.

Q: Kung sakaling kayo ay hindi palarin, paano kayo magsisilbing watchdog ng mauupong partido?

Mananatili silang aktibong miyembro ng komunidad ng CDC sakaling matalo sa eleksyon. Pupunahin nila ang anumang makikitang pagkakamali sa susunod na konseho sapagkat naniniwala silang marapat para sa sangkaestudyantehan ng CDC ang isang “maayos at makamasang” liderato. 


TRANSCRIPT NG PANAYAM

General questions

TANGLAW: Sa gitna ng nagpapatuloy na transisyon patungong full face-to-face classes at sa hindi pa masawatang banta ng pandemiya, ano ang plano ng inyong partido tungkol sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga mag-aaral ng Devcom?

PAGAYON: Sa aming partido, sa LETS-CDC, naniniwala kami na sa pagpapatuloy ng transisyon patungong full face-to-face classes ay kailangan pa rin nating ma-consolidate at ma-collect ‘yung concerns ng mga estudyante kung kaya’t naniniwala kami na dapat mas paigtingin pa natin ‘yung pagpapakalat at pagdi-disseminate ng mga sensing and grievances forms upang malaman natin kung ano ba ‘yung pangamba ng mga estudyante sa nangyayaring sitwasyon ngayon lalo na sa Devcom.

BALAGOSA: Dagdag ko lamang ‘no, mas paiigtingin po ng aming partido ang paggamit ng bottom-to-top approach kung saan mas titingnan namin kung ano talaga ‘yung kalagayan ng mga estudyante. Lulubog po tayo sa mga estudyante saka po natin titingnan kung ano ‘yung mga pragmatic na approach na kaya nating i-offer para sa ating mga kapwa estudyante.

CENTENO: Dagdag din po sa sinabi ni chair at ni vice chair is mas paiigtingin namin ‘yung panawagan na i-review ‘yung kasalukuyang policies na meron ang ating kolehiyo dahil alam naman natin na nagta-transition nga tayo at patuloy pa rin ‘yung pagkalat ng COVID-19 at pangamba sa mga sangkaestudyantehan. Kaya paiigtingin namin ‘yung panawagan na magkaroon ng lenient na policy sa mga gawain dito sa kolehiyo lalo na sa mga attendance at sa deadlines po.

PAGAYON: Muli, gusto lang din naming i-emphasize na ang panawagan ng LETS-CDC ay kung ano ang magiging panawagan ng buong sangkaestudyantehan ng Devcom.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Batid namin na aktibo kayo sa iba’t ibang mga organisasyon at kasabay rin nito ang ating responsibilidad bilang mga estudyante. Paano matitiyak ng mga mag-aaral ng Devcom na magagampanan mo ang iyong tungkulin sa konseho?

PAGAYON: Katulad ng mga binabanggit namin sa aming introduksyon kapag kami ay nagru-room to room campaign ay parte kami, aktibong miyembro kami ng iba’t ibang mga organisasyon. Halimbawa, ako ay aktibong miyembro ng UPLB Career Assistance Program at UP Alliance of Development Communication Students o UP ADS, at naiintindihan namin na naiisip ng mga estudyante na paano nga ba namin maba-balance ang lahat ng aming mga duties and responsibilities hindi lang sa konseho kundi sa iba’t ibang mga organisasyon na kami ay parte. 

Ang masasabi lamang namin dito ay syempre naiintindihan namin na ang aming pagtakbo ay nangangahulugan na kami ay nagko-commit sa duties and responsibilities na hinihingi ng konseho kung kaya’t maaasahan po ng buong sangkaestudyantehan ng UPLB na kung kami ay maluluklok man sa posisyon ay hindi namin pababayaan ang konseho gayundin ang aming academics at ang iba’t iba pa naming mga organisasyon.

BALAGOSA: Dagdag ko lamang po na hindi kailanman magiging hadlang ‘yung mga responsibilidad o ‘yung mga karanasan namin sa alin mang organisasyon bilang mga aktibong miyembro bagkus magiging pundasyon lang po ito ng magiging bagong porma o mukha ng konseho na io-offer namin sa sangkaestudyantehan. Hindi po ito ‘yung haharang bagkus ang magiging forefront po ng aming commitment ay ‘yung responsibilidad namin at tungkulin namin para sa buong sangkaestudyantehan ng  CDC.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Paano mo masisiguro na magkakaroon ng sapat na representasyon ang mga estudyante sa pagdedesisyon ng UPLB o CDC administration?

FULGENCIO: Naniniwala ang aming partido na upang mabigyan ng sapat na representasyon ang mga estudyante sa UPLB lalo na ang CDC ay aming pakikinggan at magsasagawa kami ng iba’t ibang grievance form ukol sa kung ano nga ba ang panawagan o anong masasabi o maiaambag ng mga estudyante sa pagdedesisyon sa administrasyon. 

Dahil naniniwala tayo sa Devcom, at lalo na ang aming partido, na kapag tayo ay magdedesisyon para sa sangkaestudyantehan, nararapat na alamin natin kung ano nga ba ang kanilang gusto. Bibigyan natin sila ng boses sa kung ano ang kanilang gusto at kung ano ang pwedeng maibigay ng administrasyon para sa kanila.

PAGAYON: Bukod pa po rito, para sa aming mas konkretong aksyon at solusyon sa isyung ito, naniniwala ang LETS-CDC na upang magkaroon ng sapat na representasyon ay nararapat na ‘yung mga tao sa konseho ay uupuan ang mga meetings o mga importanteng forums na isasagawa ng UPLB o CDC administration upang sa gayon ay sa atin din magmumula ‘yung mga impormasyon na ipapakalat ng administrasyon at kung meron mang mga hinaing ang mga estudyante ay maipapaabot din sa parehong platapormang iyon, doon sa mga forums o sa mga meetings na ating dadaluhan.

CENTENO: Karagdagan lamang po na ang LETS-CDC ay talagang lumulubog sa sangkaestudyantehan. Kaya bukod sa mga nauna naming nailatag na plataporma, ang aming mga proyekto ay manggagaling mismo sa mga hinaing ng sangkaestudyantehan ng CDC.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Ano ang nakikita ninyong isyu sa kolehiyo na humahadlang sa pang-akademikong kalayaan at paano ninyo ito matutugunan?

PAGAYON: Isa sa mga nakikita nating hadlang o problema ng kolehiyo ay sa kakulangan ng espasyo para sa mga estudyante. Bagama’t ang Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran ang isa sa mga kolehiyo na may pinakakaunting bilang ng mga estudyante, hindi maipagkakaila na napupuno pa rin ‘yung mga current na learning spaces natin at napipilitan pa ring lumayo ‘yung mga estudyante o maghanap ng iba pang mga learning spaces upang sa gayon ay mas mapagtuunan nila ang kanilang edukasyon. Nakikita natin ‘yung kakulangan sa espasyo at kakulangan na rin sa oras na ibinibigay ng CDC administration sa paggamit ng mga nasabing learning spaces na ito bilang isang problema.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Kung may pananatilihin o babaguhin kayo sa naging pamamalakad ng kasalukuyang Student Council, anu-ano ito at bakit?

BALAGOSA: Sa amin po sa LETS-CDC ay pananatilihin po namin ‘yung mga sensing form, grievances form, at ‘yung mga help desk ng kasalukuyang konseho at mas paiigtingin pa po natin  ‘yung pagpapalaganap nito para sa ating mga kapwa estudyante nang sa gayon ay masiguro po natin na walang estudyante ang maiiwan o lahat ng hinaing po as much as possible ay maririnig po ng konseho. 

Kung kami naman po ang tatanungin mas paiigtingin din po namin ang accountability and transparency po ng susunod na konseho nang sa gayon, maramdaman ng ating kapwa Devcom students ‘yung halaga at importansya ng kanilang partisipasyon sa konseho dahil kami po sa LETS-CDC ay hindi po kami wicked bosses ng aming kapwa estudyante. Magbibigay lang po kami ng plataporma at magpapalakas po kami ng mga panawagan para marinig po mismo ang ating mga Devcom students.

PAGAYON: Bukod pa po rito, naniniwala po kami na dapat din nating i-retain ‘yung mga CSL na ginagawa ngayon ng kasalukuyang konseho pero kailangan na magkaroon tayo ng monthly CSL bilang isang paraan ng monthly check-up sa mga estudyante. Bagama’t naniniwala tayo na dapat mas paigtingin ‘yung mga sensing forms, mas mabuti kung mas malulubog ng konseho ang sarili nila sa mga estudyante mismo upang sa gayon ay direkta nilang makuha ‘yung mga hinaing ng mga estudyante. Bukod pa po rito ay syempre mayroon ding inihanda ang LETS-CDC na mga programa sa aming GPOA na sana ay mabigyan ng pagkakataon na ma-implementa sa CDC.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Ano ang plano ng inyong partido pagdating sa student spaces sa loob ng kolehiyo?

FULGENCIO: Kami po sa LETS-CDC ay naniniwala sa pagpapalawak at pagpapaigting ng ligtas na espasyo para sa mga estudyante lalo na sa mga kababaihan at miyembro ng LGBT community. Ang plano namin para sa student spaces sa ating kolehiyo ay mas palawakin at mas gawing ligtas ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga help desk upang marinig kung ano ang mga hinaing ng mga estudyante ukol sa espasyo sa ating kolehiyo. 

Plano rin namin na manawagan na mas patagalin sana ang oras ng paggamit sa mga espasyo ng ating kolehiyo upang ito ay mas magamit at mas ma-exhaust ng mga estudyante ang ating mga facilities para sa academic purposes.

PAGAYON: Basically, ang nais ng LETS-CDC para sa student spaces sa loob ng kolehiyo ay gawing mas accessible ito sa mga estudyante at syempre, gawing safe din ‘yung spaces natin dito sa loob ng kolehiyo at mag-cultivate ng komunidad na panggagalingan ng safe space na iyon. ‘Yun lamang po at maraming salamat.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Bilang mga development communicators, ano ang pagtingin ng inyong partido sa press freedom? Sa lebel ng ating kolehiyo, ano ang nakikita ninyong relasyon ng Student Council at ng bagong-tatag na Tanglaw?

CENTENO: Unang-una po syempre nangangamba pa rin ang ating partido sa freedom of expression dito sa ating bansa sa kabuuan dahil nasa ilalim pa rin tayo ng Marcos-Duterte rehimen ngunit kami ay natutuwa dahil ang ating current CDC SC ay nakikipag-partnership o nagbibigay ng platform din sa Tanglaw upang syempre tayo ay marinig ng sangkaestudyantehan. Dagdag pa rito ay ang panawagan ng  CDC SC na i-institutionalize ang Tanglaw upang magkaroon ng benefits from the admin po.

PAGAYON: Naniniwala po ang LETS-CDC na magandang manipestasyon ang pagkakaroon ng student publication especially po para sa kolehiyo ng Devcom dahil ano ba tayo? Komunikasyong Pangkaunlaran. Kung kaya’t napaka-crucial ng pagkakaroon ng sarili nating student publication. Pero naniniwala rin po ang LETS-CDC na ang relasyon ng konseho at ng student publication ay sa lebel ng pagkakaroon ng checks and balances. Ina-acknowledge natin na nasa magandang relasyon dahil may mga partnerships pero dapat panatilihin ng parehong partido ang pagkakaroon ng checks and balances.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Kasabay ng ulat ng Tanglaw tungkol sa sexual harassment cases sa kolehiyo, ano ang plano ng inyong partido tungkol sa pagpapanatili ng kaligtasan laban sa mga ganitong banta? 

FULGENCIO: Kami sa LETS-CDC ay kaisa ng mga naging biktima o mga biktima ng sexual harrasment at para sa aksyon na panatilihin ang kaligtasan ng mga estudyante laban sa ganitong banta, naniniwala kami na dapat na mas maging proactive ang aksyon at naniniwala kami sa aming partido na hindi lang dapat sa OASH o sa Office of Anti-Sexual Harrasment ang nag-aayos o nagreresolba sapagkat alam naman natin na ang ibang mga nagiging biktima ay nagkakaroon ng takot o nai-intimidate lumapit sa mga malalaking organisasyon kagaya ng OASH. At naniniwala rin kami na dapat mas maging proactive tayo, mas magkaroon sana ng mga training para magkaroon ng credible na mga tao para mag-handle sa mga gantong kaso lalo na sa ating kolehiyo.

PAGAYON: Ang LETS-CDC po ay kaisa ng mga biktima sa paglalabas at paglilitaw ng kanilang mga naratibo. Naniniwala po kami na dapat mas paigtingin natin ‘yung ating UP ASH Code, mas paigtingin ‘yung pag-iimplementa sa kasalukuyang UP ASH Code at i-hold accountable din ‘yung mga offices katulad ng OASH, dapat ang maagarang aksyon sa mga ganitong klaseng sitwasyon. At nabanggit nga po na hindi lang dapat OASH-centric ang laging pagtugon sa mga ganitong kaso. Para makapag-cultivate tayo ng safe spaces within our community ay dapat ma-encourage din natin ‘yung participation ng community. ‘Yun lamang po at maraming salamat.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Sa kasalukuyang kalagayan ng ating lipunan, ano ang nakikita ng inyong partido na papel nating mga development communicators?

CENTENO: Bilang mga development communicators-in-training, naniniwala ang LETS-CDC na meron pa ring banta sa kaligtasan ng mga tao when it comes sa kanilang cybersecurity lalo na sa misinformation at disinformation. Sa panahong ito sa ilalim ng administrasyong Marcos at Duterte na talaga namang talamak ‘yung mga disimpormasyon at misimpormasyon na nagiging hadlang sa mga tao upang malaman ang katotohanan. Tayo sa LETS-CDC, at bilang Devcom students, ating tungkulin na ilahad kung ano ‘yung totoo at kung ano ang nararapat na malaman ng mga tao.

BALAGOSA: Dagdag ko lamang po na tayo pong development communicators-in-training, tayo po ang nasa forefront ng paglalaban sa tahasang pagpapatahimik at pagpapahina ng pwersa ng mga kabataan at tayo rin po ang inaasahang aakay sa mga nasa laylayan, sa mga nasa marginalized sector para marinig ‘yung mga concerns nila at nang sa gayon, matugunan natin kung ano nga ba ‘yung tunay na pangangailangan ng ating mga kababayan.

CENTENO: Karagdagan pa rito ay ang maigting nating panawagan para sa press freedom hindi lamang sa kolehiyo kundi sa buong UP System.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Paano magiging daan ang inyong konseho para maisulong ang mga panawagan ng mga mamamayan at batayang sektor na ating pinaglilingkuran?

BALAGOSA: Kami po sa LETS-CDC ay naniniwala na dapat mas malubog pa po natin ‘yung sangkaestudyantehan sa mga hirap at danas na nararanasan nitong mga batayang sektor na ating pinaglilingkuran, nang sa gayon po, ‘yung mga panawagan natin ay may solidong pundasyon para marinig tayo. 

Kami po sa LETS-CDC ay naniniwala na dapat magkaroon po tayo ng monthly EDs at situationers nang sa gayon ay ma-expose po ang ating mga kapwa estudyante sa mga isyu at mga nararanasan ng mga iba’t ibang sektor sa ating lipunan nang sa gayon ay ‘yung mga panawagan natin ay hindi mananatili na mga panawagan lamang dahil naniniwala po tayo na dapat may solidong pundasyon ito para mas matugunan natin kung ano nga po ba ‘yung dapat at ‘yung kailangan nila.

PAGAYON: Bukod pa po rito, naniniwala po kami na ang mga plataporma ng CDC Student Council ay nararapat na patuloy na maging avenue upang mapakinggan at mabigyang-liwanag ‘yung iba’t ibang mga isyu sa iba’t ibang sektor.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.


Party-specific questions

TANGLAW: Kung sakaling manalo kayo ay ikalawang sunod na taon na ito ng pamumuno ng LETS. Ano ang kasiguraduhan na mas paiigtingin pa ninyo ang serbisyo sa mga mag-aaral?

BALAGOSA: Kami po sa LETS-CDC, naniniwala po kami na ipagpapatuloy po namin ‘yung magagandang nagawa ng dating konseho pero itatama po namin at magiging aminado po kami sa mga pagkukulang at ayon po ‘yung pupunan ng susunod na konseho. 

Kami po bilang galing po kami sa freshman council at bilang aktibong miyembro rin po ng iba’t ibang organisasyon, susubukan po naming bigyan ng bagong porma o bagong mukha ‘yung konseho ng ating kolehiyo nang sa gayon, mas matugunan po natin kung ano po talaga ‘yung tunay na pangangailangan ng ating sangkaestudyantehan at mas ma-elevate po natin ‘yung serbisyo na kailangan po nila.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Hindi kayo kapartido ng mga kasalukuyang namumuno sa USC. Paano ninyo nakikita ang ugnayan sa pagitan ng LETS-CDC at ng SAKBAYAN? Nakikita niyo ba ito bilang benepisyo o hadlang sa inyong pamamalakad?

PAGAYON: Sa sitwasyong nabanggit na ang kasalukuyang namumuno sa USC ay hindi namin kapartido o opposing political party, naniniwala kami na hindi naman ito magiging hadlang sa aming pamamalakad dahil naniniwala kami na pareho naman ang tunguhin o layunin ng LETS-CDC at Sakbayan at ‘yun ay magserbisyo sa sangkaestudyantehan ng UPLB. 

BALAGOSA: Nakikita po natin na magkaroon man ng pagkakaiba sa paniniwala ng dalawang partido, it boils down po sa commitment natin to serve our co-students at hindi naman po magiging hadlang at kailanman, hindi po ito makakaharang sa ating responsibilidad na paglingkuran ‘yung sangkaestudyantehan.

PAGAYON: Makakasiguro po kayo na kung kami man ay magiging parte ng konseho ay ang isusulong talaga namin ay ‘yung interes ng mga estudyante at interes ng aming mga constituents. ‘Yun lamang po at maraming salamat.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Sa sensing form at man-on-the-street interviews na isinagawa ng Tanglaw, lumabas na nais ng mga taga-Devcom ang pamumuno na “nararamdaman”. Bilang mga tumatakbo sa ilalim ng ruling party, ano ang masasabi niyo tungkol sa agam-agam na ito?

CENTENO: Una sa lahat, ina-acknowledge po namin ‘yung opinyon ng bawat sangkaestudyantehan sa CDC na may pagkukulang or hindi nila gaanong nararamdaman ang kasalukuyang administrasyon at ina-acknolwedge po namin na ang kasalukuyang administrasyon ay dumaan sa transition from online to face-to-face. 

Sa amin dito sa LETS-CDC, kung kami ay maluluklok, sisiguraduhin namin na mas magkakaroon tayo ng face-to-face activities at mas paiigtingin natin ‘yung paglubog sa sangkaestudyantehan upang maramdaman nila ang serbisyo na nararapat para sa kanila.

PAGAYON: Katulad nga po ng nabanggit kanina ng aming kapartido ay isu-sustain natin ‘yung mga magandang gawain ng kasalukuyang konseho at pupunan kung ano sa tingin natin ‘yung mga pagkukulang o itutuwid ‘yung mga pagkakamali. ‘Yun lamang po at maraming salamat.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Kung sakaling kayo ay hindi palarin, paano kayo magsisilbing watchdog ng mauupong partido?

PAGAYON: Kung sakaling hindi man po kami papalarin na mabigyan ng posisyon sa konseho ay makakasigurado pa rin naman po kayong magiging aktibong miyembro kami ng komunidad ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran. 

Sa mga ganitong pagkakataon, nararapat lamang na punahin kung ano ‘yung nakikita nating pagkakamali sa mga taong nakaupo sa ating konseho dahil syempre naniniwala naman tayo na ang CDC students ay nararapat ng isang maayos at makamasang pagseserbisyo. ‘Yun lamang po at maraming salamat.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya