DAPAT MONG MALAMAN
- Nangako ang USC at ang CDC-SC na tutulungan ang mga hindi makaboto.
- Hinihikayat ang mga nakaranas ng error na ipadala ang kanilang detalye upang mai-forward sa portal team.
- Inilahad ng mga mag-aaral ng Devcom ang kanilang pangamba sa ganitong mga aberya.
Ito ay isang istorya mula sa mga ulat nina Neil Andrew Tallayo, Raleign Pia Camarillo, Dan Alexander Abas, at Reuben Pio Martinez. Isinulat ito ni Ian Raphael Lopez.
Ilang mga mag-aaral ng Devcom ang hindi makaboto sa Halalan UPLB portal ngayong araw, kung saan lumalabas ang isang warning message na “Voter currently logged in another session” kapag bumoto gamit ang UP Mail.
Ayon sa datos na nakita ng Tanglaw mula sa mga group chats at sa pakikipag-ugnayan sa CDC Student Council (CDC-SC), hindi bababa sa 13 mga mag-aaral ang nakaranas ng ganitong error sa Halalan UPLB portal.
Sa panayam kay UPLB University Student Council (USC) Chair Gean Celestial, sinabi niyang patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga nangangasiwa ng voting portal upang maisaayos ang problema. Ito rin ang naging mensahe ni CDC-SC Chair Shey Levita sa mga batch group chats, kung saan hinihikayat ang mga nakaranas ng error na isumite ang kanilang pangalan at UP Mail upang maipadala sa mga kinauukulan.
“Nagco-collate kami with the help of the local SC Chairs na kunin yung names and from what college and yung UP Mail,” ayon kay Celestial. “Rest assured na before the election period ends, lahat ng ganong concern ay mapapasa sa server so makaka-vote sila,” dagdag pa nito.

Kahalagahan sa pagboto
Inilahad ng mag-aaral na si Keisha Casabar ang kaniyang karanasan nang sinubukan nitong bumoto ngayong araw. “Ngayon ko lang nalaman na gano’n pala ‘yung problem. Akala ko sa akin lang,” saad ni Casabar sa panayam ng Tanglaw. “Confusing siya sa part namin and sana maayos siya as soon as possible.”
Ito rin ang naranasan ni Jian Tenorio, na kasalukuyang Public Information Officer ng CDC Freshmen Council. Aniya: “Nakakakaba lang na baka hindi ko ma-exercise iyong right ko to vote. Mahalaga sa akin iyong student representation, kaya gusto ko siyempre na maboto ko iyong naniniwala ako na karapat-dapat magrepresenta sa akin.”
Pangamba ni Tenorio na baka makaapekto ito sa pangnanais ng mga mag-aaral na makaboto. “Paano kaya iyong mga nawalan na ng gana bumoto upon facing that error? Feeling ko ay that is something na kailangan nilang tugunan.”
Ang ganitong mga aberya ay isang mahalagang isyu sa Devcom, isang kolehiyo na tradisyunal nang may pinakamataas na voter turnout sa USC-CSC elections. Sa unang dalawang araw ng halalan, umabot na sa 34.5% ang voter turnout sa CDC, pumapangalawa lamang sa 34.8% ng College of Forestry and Natural Resources.




You must be logged in to post a comment.