• Lumitaw sa halalang ito ang pangangalampag ng mga mag-aaral sa transparency at pananagutan ng mga lider-estudyante.
  • Imbis na butbutin ang implikasyon ng isang ‘abstain’ vote, dapat na alamin ng mga partido at alyansa kung bakit nauudyok ang mga mag-aaral na gamitin ito.
  • Hamon sa mga kumakandidato na kunin ang tiwala ng mga mag-aaral, dahil ito ang pundasyon ng ating mga boto.

Editoryal ng Tanglaw

Ang editoryal na ito ay isinulat ng aming Editorial Board na naglalayong ilahad ang opinyon ng pahayagan sa mga napapanahong isyu.



Habang nagpapatuloy ang halalan para sa University Student Council (USC) at College Student Councils (CSCs),  umuugong ang usapin patungkol sa botong ‘abstain’. Ipinaliwanag ni USC Chair Gean Celestial na ang anumang pagkabakante sa posisyon ay pag-uusapan sa pamamagitan ng Council of Student Leaders, ang pagpupulong ng konseho at ng mga namumuno sa mga organisasyon. 

Kasabay nito, malaking kawalan umano sa konseho ang kahihinatnan ng ganitong sitwasyon. Sa halimbawa ni Celestial, kung walang mapapaupong USC Chair, mawawalan ng kinatawan ang mga mag-aaral sa mahalagang mga komite gaya ng University Committee for Student Affairs, o sa UPLB Committee on Scholarships and Financial Assistance, na humahawak ng mga problema tungkol sa mga programang gaya ng Student Learning Assistance System (SLAS).

Kakabit ng isyung ito, nanaig rin sa kampanya ang isyung mahalaga sa mga botante, sa Devcom man o labas nito: Gaano ba ka-transparent ang mga kandidatong ito? Handa ba silang panagutan ang kanilang mga magiging kamalian? Ano ang kanilang estilo ng pamumuno kapag naharap sa isang balakid o kapalpakan? Higit sa lahat, dapat ba silang pagkatiwalaan?

Kaugnay nito, mahalagang butbutin ang sari-saring mga pamantayan ng mga botante sa pagpili ng magiging susunod na lider-estudyante. Maaaring tumatak sa atin ang kabutihan ng isang kandidato, ang kanilang kapasidad para magpakumbaba sa kabila ng mga kritisismo, o ang kanilang kakayahan na makipag-usap anuman ang sitwasyong kinakaharap. 

Isa rin sa mga pamantayang ito ay ang pagtingin sa mga napagtagumpayan ng isang lider-estudyante, gaya ng mga kampanya, alyansa, o aktibidad na kanilang kinabibilangan, o maging ang kanilang akademiko at propesyonal na tagumpay. 

Sa UPLB, tradisyunal nang nagwawagi ang mga kandidatong sa tingin ng mga botante ay progresibo at kritikal at inaasahang bibitbitin ang ganitong pagtingin sa pakikitungo sa iba’t ibang mga sektor. Maiuugat ito sa kasaysayan ng USC at ng mga lokal na konseho bilang bulwagan ng militanteng pagkilos; sa katunayan, itinatag ang USC noong 1978, ang kauna-unahang student formation sa ilalim ng batas militar.

Sa ilang taong pamumuno ng Samahan ng Kabataan para sa Bayan (SAKBAYAN), nariyan rin ang mga botanteng ineekisan ang pangalan ng kanilang mga kandidato dahil na rin sa matagal nang karanasan ng alyansa sa pamumuno; ika nga ay “the safe choice”.

Sa lahat ng mga kadahilanang ito, makikita na ang pagbibigay ng boto ay isang hakbang ng paggawad ng tiwala.  Sa likod ng mga kilos-protesta, mga dayalogo kasama ang administrasyon ng Unibersidad, o mga pagkilos kasama ang mga sektor, nananatili pa rin namang may mga kaniya-kaniyang kahinaan at pagkakamali rin ang mga lider natin. Kasabay nito, iba-iba rin ang pananaw ng bawat botante sa lahat ng mga nagnanais na maging susunod nilang kinatawan. 

Ang pagboto sa kabila ng katotohanang ito ay ang pinakamahalagang karapatan at responsibilidad sa isang demokrasya. Iginagawad natin ang tiwalang ito sa mga kandidatong kayang akuin ang anumang pagkakamali, gagawa ng hakbang upang panagutin ang sarili sa mga ganitong sitwasyon, at kayang humarap sa publiko at tugunan ang kanilang kritisismo. Nagtitiwala tayo sa mga kandidatong totoo sa kanilang mga prinsipyo at pangako, at sa mga taong hindi magbabago sa saliw ng interes na pansarili o ng anumang organisasyon o alyansang kanilang kinabibilangan.

Kaya’t sumasalamin ang usapin tungkol sa ‘abstain’ vote sa antas ng pagtitiwala ng mga mag-aaral sa mga tumatakbo. Mahalagang linawin na ang botong ‘abstain’ ay dapat na ituring na isang boto, kahit na hindi ito ang tingin nating pinakamainam na sitwasyon. Likas na sa sangkaestudyatehan na babantayan at pupunahin nila ang kilos ng mga mauupo. Sa paniniwalang ito nanggagaling ang pananaw na mas maigi na ang may maupo sa lahat ng mga puwestong pinaglalabanan ngayong halalan at sa mahahalagang administratibong komiteng kinabibilangan ng mga kasapi ng konseho.

Subalit, isang mahalagang yugto ang diskursong ito upang magnilay ang mga partido at alyansang nakikilahok sa proseso ng halalan. Kaya namang magtiwala ng sangkaestudyantehan sa mga kandidato, kung nakikita nilang sasandig ang mga ito sa panlahatang interes. Kung ‘abstain’ ang kanilang naging boto sa halalang ito, hindi kaya ito ay dahil sa iba pang mga problema?

Kung anupaman, ang usapin sa kakayanan ng mga kandidato ay hindi dapat isinasagawa sa dulo ng halalan. Ang pagpapanatili ng pamantayan sa mga patatakbuhin ay ginagawa simula’t sapul pa lamang. Hindi dapat iatang sa mga mag-aaral ang responsibilidad na maging kuntento na lang sa sinuman ang patatakbuhin ng mga partido.

Inaasahan nila ang mga kandidatong mahusay, walang bahid, at mapagkakatiwalaan. Kung kailangan nating mapuno ang lahat ng posisyon sa konseho, bakit hindi tayo magpatakbo ng mga kandidatong sa tingin natin ay hindi lang sapat ang kakayanan, kundi ay kaya ring pagkatiwalaan ng malawak na bilang ng mga mag-aaral?

Sa gitna ng samu’t saring hamon na kinahaharap ng sangkaestudyantehan, naniningil sila ng mga lider na may pananagutan at mapagkakatiwalaan. Nawa’y maging hamon sa mga lider-estudyante ang usaping ito, na may kapangyarihan ang mga mag-aaral na iboto ang kanilang nais na iboto – kahit na ‘abstain’ pa iyan. Dahil sabi nga nila, pinagsisikapan ang tiwala at hindi ito basta-basta ibinibigay.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya