DAPAT MONG MALAMAN

  • Binigyang-diin ng mga nanalo ang pangangailangan para sa kolaborasyon.
  • Malaki pa ang hahabulin nilang tiwala mula sa Devcom.

Sa pag-upo ng bagong hanay ng mga lider-estudyante sa CDC Student Council (CDC-SC), kanilang haharapin ang hamon para sa isang mas bukas at buong konsehong magseserbisyo sa Devcom.

Nasasalamin sa mga nagdaang administrasyon ng CDC-SC ang kakulangan sa bilang ng mga lider-estudyanteng nais na maging bahagi ng konseho. Maiuugat ito sa mga sistematikong pagsubok sa institusyon na himukin ang komunidad na tumugon sa pangangailangan ng pamumuno.

Matatandaang isa sa mga isyung sinuri sa nakaraang College Miting de Avance (MDA) ay ang kakayahan ng konseho na buong lakas na paglingkuran ang mga nasasakupan nito. Bagaman kinikilala umano ng mga bagong-halal ang pagkukulang na ito, mahalagang bigyang-bigat ang pangunahing kahingian sa isang bagong administrasyon: Ano ang bago sa kanilang magiging pamamalakad?

Bagong mukha ng konseho

Bitbit ng bagong CDC-SC ang pinagsamang-puwersa mula sa magkabilang partido sa Devcom. Ang hamon ngayon kina Jelaine Kate Pagayon, Leo Verdad at maging sa ibang mga kinatawan ay isantabi ang mga pagkakaiba ng kani-kanilang partido.

Ayon sa bagong halal na Vice Chair mula sa SAKBAYAN, “Hahanap tayo ng common denominator between us [Pagayon]. Mayroon naman kaming iisang vision for CDC na mas maging bahagi pa kami ng mga programa na itataas sa konseho.” Paniniwala naman ng LETS-CDC, hindi magiging hadlang sa kanilang pamamalakad ang pagkakaibang ito, sa Devcom man o University Student Council (USC).

Bagaman mula rin sa magkaibang partido ang pamunuan ng papalitan nilang konseho, batid ngayon ang pag-ungos ng mga kinatawan mula sa SAKBAYAN, dahilan ng pagkapanalo ni Gonzales bilang representative ng CDC-SC sa USC.

“Naniniwala kami na pareho naman ang tunguhin o layunin ng LETS-CDC at SAKBAYAN at ‘yun ay magserbisyo sa sangkaestudyantehan ng UPLB,” paliwanag naman ni Pagayon.

Mga kinahaharap na isyu

Kahit na maituturing na mas malawak ngayon ang kultura ng pamumuno na iiral sa Devcom, hindi maitatanggi ang lumalalang agam-agam ng sangkaestudyantehan nito ukol sa pagharap ng konseho sa mga isyung nararanasan ng mga nasasakupan nito.

Malaking isyu ng nakaraang administrasyon na lumabas sa MDA ang tila’y “isolation” nito sa USC, na siya namang mas pinalala pa ng umano’y “hindi maramdaman” na mga inisyatibo ng konseho. Kung nananatiling kapos ang bilang ng mga kinatawang uupo sa CDC-SC, paano nito magagarantiya na hindi nito sasapitin ang parehong mga problemang kinaharap ng mga dating lider-estudyante sa konseho?

Giit ng magkabilang partido, mas pagaganahin nila ang galamay ng konseho sa mga organisasyon sa Devcom, upang mapunan nito ang mga pagkukulang sa tao at inisyatibong siyang nagpapatakbo sa institusyon.

Ngunit punto ng diskurso noong MDA, mistulang kapos din ang mga inisyatibo ng konseho na layong makipag-ugnayan sa mga organisasyon sa Devcom. Giit ni Auna Carasi, isang miyembro ng UPLB Development Communicators’ Society: “Kung collective ‘yung action na gusto nating gawin, dapat bigayan s’ya.”

Sa gitna ng mga lumalalang isyu sa Devcom at unibersidad, kritikal ang pagtindig ng mga lider-estudyante. Kulang man sa kinatawan o hindi, patunay ang mga pagsubok at pagdududang ito na malaki-laki ang hahabuling tiwala ng mga bagong-halal na kinatawan sa sangkaestudyantehan ng Devcom.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya