THESA MALLO

Ito ay isang komentaryo mula kay Tanglaw columnist Thesa Mallo, na naglalahad ng personal niyang opinyon sa mga napapanahong isyu.


Magkaiba man ang pinanggalingang partido ng nanalong College of Development Communication Student Council (CDC-SC) Chair Kate Pagayon at Vice Chair Leo Verdad, sila ay naniniwalang hindi ito magiging hadlang sa pagbibigay ng kalidad na serbisyo sa mga mag-aaral na nagluklok sa kanila sa pwesto.

Matapos nilang ilatag ang kanilang mga opinyon sa iba’t-ibang isyu na naibato, marapat lamang na hindi matapos sa pangangampanya ang pangako at plano ng mga kumandidato, sapagkat ang tunay na laban ay nasa labas ng eleksyon.

Mahihinuha sa resulta ng katatapos lamang na eleksyon na malaking porsyento ng mga estudyante mula sa CDC ang naniniwala na ang mga kumandidato ay higit pa dapat na gumaod at manindigan upang lubos na maibigay ang kanilang tiwala sa konseho dahil sa bahagyang tumaas na porsyento ng abstain votes.

Nangunguna man sa voter turnout ang CDC sa buong unibersidad na may 56.69% na bilang ng mga bumoto mula sa kolehiyo, hindi pa rin ito sapat na dahilan upang ipagbunyi sapagkat humigit-kumulang na kalahati pa rin ng populasyon ang hindi bumoto.

Higit na nakaaalarma ay ang kararampot na university-wide voter turnout na wala pa sa kalahati ng populasyon. Kapansin-pansin rin na sa kabuuang bilang ng bumoto sa eleksyon para sa University Student Council (USC), 44.73% ang nag-abstain kay Gio Olivar bilang USC Chair. Sa Devcom, kung tutuusin, ay mas madami pa ang abstain na boto kaysa sa mga bumoto kay Olivar.

Isa itong manipestasyon na malaking bahagi ng populasyon ng mga bumoto ay hindi pa buo ang tiwala sa mga nanalong pinuno. Magsilbi nawang hamon sa CDC-SC at sa USC ang naging resulta ng halalan. Sa mga isyu na nakakabit sa kanyang pangalan noong panahon ng pangangampanya, malaki itong pagsubok upang patunayan ang kanyang sarili at ang kanilang mga mithiin para sa ikabubuti ng kapakanan ng sangkaestudyantehan sa unibersidad.

Sa dami ng kinakaharap na isyu, matibay na paninindigan ang kinakailangan ng mga mag-aaral mula sa lider-estudyanteng boboses para sa kanilang mga hinaing, lalo na sa mga sistemang ilang taon nang nagpapahirap sa maraming mag-aaral. Halimbawa, nariyan ang mabagal at matagal na proseso sa pagpapadala ng allo-
wance sa ilalim ng Student Learning Assistance (SLAS), o sa lebel ng ating kolehiyo, ang mabagal na internet service sa loob ng CDC Building at ang napipintong pagsasaayos ng mga espasyo para sa mga mag-aaral at mga organisasyon.

Sa usapin naman ng mababang voter turnout, ang maigting na mobilisasyon sa pagboto sa bawat kolehiyo ay higit na dapat pagtuunan kahit hindi na panahon ng halalan. Hindi lamang sa social media makikita ang pagkilos, at ma-
buting makita rin ito sa paglubog sa mga mag-aaral. Maaaring maglunsad ng mga diskusyon tungkol sa kahalagahan ng pakikisangkot sa mga aktibidad ng mga konseho. Dapat na idiin na ang pamamalakad ay isang anyo ng kolektibong responsibilidad, na hindi lamang nakatuon sa mga nahalal na lider kundi sa bawat isang mag-aaral.

Ang responsibilidad ay hindi natatapos sa pagsasapubliko ng kanilang mga plataporma at plano. May kalakip itong pagkilos sapagkat libo-libong estudyante ang umaasa sa pagsasakatuparan ng mga ito. Hiling nating hindi na maulit ang mga pagkakamali ng mga nagdaang konseho at himukin ng mga nagpunyagi ang mga mag-aaral na makisama sa proseso ng pamumuno.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya