Andrea Bodaño
Ito ay isang komentaryo mula kay Tanglaw columnist Andrea Bodaño, na naglalahad ng personal niyang opinyon sa mga napapanahong isyu.

Makikita ang tunay na pagtugon ng mga lider-estudyante sa panawagan ng mga mag-aaral sa kanilang kahandaan na humarap sa mga agam-agam ng kanilang mga pinaglilingkuran, lalo na kung tungkol ito sa hakbangin ng mga namumuno.
Hindi dapat ito napapaloob lamang sa mga diskurso sa panahon ng kampanya. Nasagot man sa nakaraang miting de avance sa kolehiyo ang isyu sa kawalan ng transparency at accountability ng kasalukuyang konseho, nananatili ang pangamba sa maaaring hinaharap ng mga susunod na tatayong kinatawan.
Sa Devcom, batid natin ang naging pagkukulang ng CDC Student Council pagdating sa paghahatid ng napapanahong impormasyon sa panahon ng kampanya. Dahil sa kapuna-punang pag-uusog sa schedule ng MDA, sumabay ito sa oras kung saan ang ilang estudyante at mga kumakandidato ay mayroon pang dinadaluhang klase, o mga rehearsal ng Gandingan Awards, isang aktibidad na matagal nang ipinagmamalaki ng ating kolehiyo. Naging pahapyaw lamang din ang pag-anunsyo ng mga ito sa sangkaestudyantehan ng kolehiyo.
Kung tunay na kinikilala ng konseho ang kapakanan ng mga mag-aaral, mas bibigyang-pansin nito kung mapapakinabangan ba ng sangkaestudyantehan ang kanilang mga aktibidad. Magandang alalahanin na ang mga kumakandidato ay mga mag-aaral rin na may kaniya-kaniyang responsibilidad labas sa kanilang tungkulin. Bagamat inaasahang sila ay magbibigay ng dadgag nilang oras sa pagseserbisyo, mabuting ipinaliliwanag ang bawat kilos at hakbang upang masigurong makadalo at makalahok ang sangkaestudyantehan sa proseso ng halalan para sa bagong konseho.
Pagdating naman sa kabuuang eleksyon, makikita rin ang kakulangan ng University Student Council sa pagpapakalat ng napapanahong impormasyon sa tungkol sa pagboboto. Mismong Tanglaw ay nahirapang maghagilap ng election guidelines sa kabila ng maagang paghingi rito. Hangga’t sa mismong unang araw ng halalan ay walang natanggap na tugon ang Tanglaw, at laking gulat na lang namin nang mabasa ang mga ito sa UPLB Perspective.
Sa ganitong mga sitwasyon, dapat na maagang inilabas ang impormasyon – lalo na sa konteksto ng CDC, kung saan kilalang itinatangkilik ang mga pangyayari sa halalan kasunod ng pangunguna nito sa voter’s turnout. Kasabay ng bumabang university-wide at college-wide voter’s turnout at sa mataas na bilang ng mga nag-abstain sa paghalal ng USC Chair lalo na sa CDC, mahihinuha natin sa kasalukuyang kalagayan kung bakit transparency at pananagutan ang mga isyung lumitaw na pinakamahalaga para sa mga mag-aaral ng Devcom.
Bilang isang mag-aaral na kamakailan lamang naging mas aktibo sa usapang pulitika sa kolehiyo, hindi ko maiwasang mabalisa sa mga pangyayari kahit subukan man intindihin ang maaaring mga rason nito. Hindi sapat ang pagkilala lang sa naging mga pagkukulang sa sangkaestudyantehan. Dapat mas kilalanin natin ang ating karapatan mangdemanda ng kasagutan sa kung ano ang magiging hakbang ng mga nakaupo at ng mga mauupo upang resolbahin ang mga pagkukulang na ito.
Ang aking hiling ay nawa’y mas maging bukas sila sa diskurso, at harapin ang mga tanong na naisantabi dahil sa limitadong oras na inilaan para sa usapang ito. Sa gitna ng kawing-kawing na mga isyung panlipunan na kinahaharap natin ngayon, isa itong hamon sa mga mauupo na silipin rin ang kanilang pamamalakad sa kani-kanilang mga konseho, at ituwid ang kawalan ng pananagutan na sinisingil ng sangkestudyantehan.




You must be logged in to post a comment.