DAPAT MONG MALAMAN

  • Nanaig si Olivar bilang USC Chair sa kabila ng pagdami ng mga botong ‘abstain’.
  • Bitbit ng SAKBAYAN ang hamon na pagkaisahin ang mga mag-aaral.

Pagkatapos ianunsyo noong Biyernes, Mayo 19, ang kanyang pagkapanalo ngayong 2023 University Student Council (USC) Elections, nanawagan ang bagong USC Chair na si Mark Gio Olivar na makiisa ang sangkaestudyantehan.

“Let us move together para ma-i-address lahat ng issues na na-raise during the elections para, as a student body, we can move forward as one,” aniya.

Base sa mga resulta, nakakuha si Olivar ng 2,760 na boto mula sa mga estudyante samantalang 2,234 naman ang nag-abstain. Sa Devcom naman, mas marami ang nag-abstain kaysa sa mga bumoto kay Olivar. Tulad ng nangyari sa mga nakalipas na taon, walang kalaban ang Samahan ng Kabataan para sa Bayan (SAKBAYAN) sa lahat ng mga posisyon sa USC.

Nagpapasalamat si Olivar sa mga bumoto at sumuporta sa kanya at sa kanyang mga kasama sa SAKBAYAN.

Aniya sa Tanglaw: Malaking hamon ito kasi marami tayong issue sa loob at labas ng pamantasan […] Malaking hamon ‘yung tinanggap natin, at nagpapasalamat tayo dahil binigyan nila kami ng pagkakataon na tumindig sa hamon na ‘yon.”

Mga agam-agam

Dagdag pa ni Olivar, kinikilala niya ang kontrobersiya ukol sa pag-abstain ng ilang mga botante ngayong halalan. Mula dito, tinalakay ng ilang mga mag-aaral ang mga implikasyon ng pag-abstain, kasama ang kakulangan ng “manpower” sa mga konsehal.

Partikular sa pumapaligid na diskurso kay Olivar ay ang kaniyang kapasidad upang tutulan ang fraternity-related violence sa kabila ng kanyang pagiging miyembro ng Upsilon Sigma Phi.

Sa isang tweet kamakailan, hinamon niya ang mga fraternity “na tumindig laban sa frat-related violence at manguna rin sa pagtapos ng macho-pyudal na kulturang umiiral sa ating lipunan.”

Nangako din si Olivar na “paninindigan” ng SAKBAYAN ang mga inilahad nila noong Miting de Avance, sa naganap na Tapatan Campus Forum, at sa kanilang mga General Plan of Action (GPOA).

Ilan sa mga kinampanya nila ay ang pagtutol sa mga atake sa kalayaang pang-akademiko tulad ng Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (MROTC), at patuloy ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang alyansa at institusyon sa UPLB.

Ibang mga nanalo

Nagwagi din si Carla Ac-ac bilang Vice-Chair ng USC. Kasama rin nina Olivar at Ac-Ac ang mga kapwa nilang SAKBAYAN na sina Marifel Balbarona, Anne Margrett Dolar, Neroz Khristian Guanzon, Kenzo Gavril Publico, Hazel Grace Romero, Jethro Joshel Rumbaoa, at Nile Andreas Demonteverde para sa USC Councilors.

Naunang nagsilbi bilang USC Community Rights and Welfare (CRAW) Chair mula 2021 hanggang 2022 si Olivar at naging Vice Chair noong 2022.

Samantala, nagsilbi naman si Ac-ac bilang Councilor at CRAW Chair din noong 2022; si Dolor bilang Councilor sa ilalim ng mga komite ng Students’ Rights and Welfare (STRAW), InfoPub, Externals, at Volunteer Corps noong 2022.

Sa kasalukuyan, wala pang nailalabas na detalye ukol sa pagpapalitan o transisyon ng mga nahalal.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya