Editoryal ng Tanglaw

Ang editoryal na ito ay isinulat ng aming Editorial Board na naglalayong ilahad ang opinyon ng pahayagan sa mga napapanahong isyu.



Sa pagtatapos ng halalan para sa CDC Student Council (CDC-SC) at sa University Student Council (USC), ito ang panahon na kung saan ipapasa na ng mga kasalukuyang lider-estudyante ang pribilehiyo at tungkuling kaakibat ng mga titulo at puwestong kanilang tatanganin.

Mahalagang isaalang-alang ang mayamang kasaysayan ng pakikibaka at aktibismo ng mga mag-aaral ng UPLB at ang mahalagang papel na pinupunan ng mga konseho upang mapanatili ito.

Matatandaan na ang USC ang kauna-unahang student formation na binuo sa ilalim ng batas militar. Sa ilalim ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. ay nagpatong-patong ang paglalabag sa karapatang pantao at pang-aabuso. Mula dito, naging bahagi na tunguhin ng pangkalahatan at ng mga lokal na konseho na paigtingin ang kamulatan ng sangkaestudyantehan sa mga problema at krisis na kinahaharap ng lipunan.

Ilang dekada na ang nakalipas, saksi pa rin ang panahon sa naging hakbang ng mga konseho na lumubog sa mga batayang sektor, makipamuhay upang maintindihan ang kanilang pinanggagalingan, at makipag-alyansa at magsagawa ng mga kongkretong hakbang upang makatulong sa pagsulong ng kanilang mga interes.

Kasabay nito ang pagiging kinatawan ng mga lider-estudyante upang ipaglaban rin ang interes ng mas nakararaming mga mag-aaral. Mula sa madidilim na mga yugto ng kasaysayan ng UPLB, kung saan mistulang pumapaibabaw ang makasarili at hindi maka-estudyanteng interes ng mga nakaupo sa administrasyon, hanggang sa mga panahong kung saan mas malaking papel ang pinupunan ng mga konseho sa pagdedesisyon ng mga namumuno sa unibersidad gaya ng kasalukuyan, bakas na inaasahan ng mga mag-aaral sa mga konseho ang parehong antas ng militansya at pakikibaka sa mga isyu sa loob ng pamantasan.

Maraming ipinahihiwatig ang mga kaganapan sa halalang ito. Batid ng mga mag-aaral ang kahalagahan ng mga konseho upang pag-ibayuhin pa ang kasalukuyang mga pagkilos laban sa mga pagmamalabis ng rehimeng Marcos-Duterte, at upang makilahok sa mga kampanyang magpapabuti sa kinalalagyan ng masang inaapi.

Kasabay nito, sa pagtransisyon ng anyo ng pagkatuto pabalik sa face-to-face learning at ang nanatiling krisis pangkalusugan na dulot ng COVID-19, narito rin ang hamon upang mas iparamdam ang presensiya ng mga konseho sa mga matitinding isyung nagsisilbing balakid sa sangkaestudyantehan.

Saad nga natin sa naunang editoryal, ang pagboto ay pagtitiwala. Makikita sa anyo ng kasalukuyang USC na, sa kabila ng kanilang mga agam-agam, pinili ng mga mag-aaral na magluklok ng mga lider na pihadong babantayan at kakalampagin nila.

Magandang hakbang ang isinagawa ng bagong-halal na USC Chair Gio Olivar na himukin ang mga mag-aaral na sabay-sabay na tahakin ang mga hamon ng pamumuno. Siguradong titingnan ng mga nagluklok sa kaniya at ang kaniyang mga kasamahan sa SAKBAYAN, tulad ng bagong Vice Chair na si Carla Ac-ac, kung patotohanan ba nila ang mga ipinangakong pagbabago sa kasalukuyang pamamalakad.

Sa Devcom, nagdesisyon naman ang mga mag-aaral na nais nitong ipagkatiwala ang pamumuno sa parehong mga partido. Bitbit ng mga naluklok na sina Kate Pagayon ng LETS-CDC, ni Leo Verdad ng SAKBAYAN, at ang iba pang kasapi ng CDC-SC, ang hamon upang bitbitin ang mga tradisyong ito.

Hindi magiging madali ang pagtugon rito, laluna’t mababanaag sa naganap na kampanya ang kagustuhan ng Devcom na mas bukas at tapat na anyo ng pamumuno. Mainam na panimula ang pangako ng mga nagwagi na magtulungan para sa ikakabuti ng kolehiyo.

Aminado tayo na magiging mahirap ang pagtugon ng mga lider-estudyante sa magkatambal na mga responsibilidad na ito. Sa mga ganitong pagkakataon ay mayroong silang oportunidad upang patunayan ang sarili sa pamamagitan ng mas pinataas na kalidad ng pamamalakad.

Sa huli’t huli, dapat na pagpugayan at bigyang suporta ang mga lider-estudyante na tumugon sa tawag ng ating panahon. Ang nakaumang na hamon ay balikan nila ang kasaysayan ng pagiging lider-estudyante at gamitin ang kanilang matutunan upang paigitingin ang paglilingkod sa sangkaestudyantehan at sa mamamayan.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya