DAPAT MONG MALAMAN
- Bitbit umano ng mga nahalal sa CDC-SC ang iisang misyon.
- Magkahalong emosyon naman ang naramdaman ng mga nanalong konsehal.
Editor’s Note: Matapos ang paglilimbag ng printed Tanglaw, nilinaw ni bagong-halal na CDC-SC Councilor Charlie Centeno na siya ay magbibitiw sa kaniyang puwesto sa CDC Freshman Council matapos maluklok sa nakalipas na Devcom Halalan.
Ibinahagi ng LETS-CDC at SAKBAYAN ang kanilang naging reaksyon at mga susunod na plano matapos ilabas ang resulta ng USC-CSC election noong Biyernes, Mayo 19.
Ayon kay Alby Sabiniano, campaign manager ng LETS-CDC, malaki ang kanilang pasasalamat sa mga sumuporta sa partido. “Ang resulta ng naging eleksyon ay patunay na ang mga kapwa natin CDC students ay patuloy na naniniwala at naninindigan sa aming partido,” aniya.
Matapos manalo bilang CDC Vice Chair, ipinahayag din ni Leo Verdad ang kaniyang pasasalamat sa mga estudyante, miyembro ng SAKBAYAN, gayundin sa kaniyang kalabang si Raymond Balagosa ng LETS-CDC. “Asahan naman ninyo na sa mga susunod na araw, mararamdaman n’yo na ‘yong bagong elect na council natin,” saad niya sa Tanglaw.
Bagama’t mula sa magkaibang partido ang nanalong Chair at Vice Chair, naniniwala si Sabiniano na maaaring magkaroon ng magandang ‘working relationship’ ang dalawa. “Si Kate rin naman kasi ay marunong makisama at makitao sa kaniyang mga katrabaho, kaya naniniwala kaming wala naman sigurong aberya sa kanilang pamamalakad,” dagdag niya.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan, naniniwala rin si Verdad na hindi na mabubukod ang konseho mula sa iba pang mga konseho. “Hanap tayo ng common denominator between us. Mayroon naman kaming isang vision for CDC na mas maging bahagi pa kami ng mga programa na idadaan natin sa konseho. Hindi na tayo mai-isolate sa konseho mismo na naging kritisismo sa atin,” saad ni Verdad.
Samantala, bagama’t hindi nagwagi para sa pagka-Chair, ay nagpaabot din ng kanyang pasasalamat at galak si Angelo Antipuesto mula sa SAKBAYAN. “The SC alone is not the lone representation of bridging the needs and problems of our constituents, but the constituents too must help the SC to resonate such causes. Paninindigan, CDC-SC at CDC students,” saad niya.
Para sa mga konsehal
Magkahalong emosyon naman ang naramdaman ng mga nanalong konsehal. “Isa lamang ang klarong ideya sa ulo ko ngayon: handa na akong magsilbi para sa sangkaestudyantehan,” saad ni Carlo Alvarez ng SAKBAYAN, na nakakalap ng pinakamataas na boto sa pagiging CDC-SC Councilor.
Matapos ang eleksyon, nais din ni Alvarez na makapagpulong na agad ang bagong konseho upang mapag-usapan ang kanilang mga plano. “I’m looking forward to working with them to serve the studentry of CDC in a way that they deserve. I’m hoping that we become pragmatic, purposive, and value-laden servants,” saad niya.
Ayon naman kay Marlia Fulgencio ng LETS-CDC, masaya ngunit may halong lungkot ang kanyang pagkapanalo dahil hindi nanalo ang lahat ng patakbo ng kaniyang partido. “Sigurado naman ako na lahat ng nailuklok sa konseho ay deserving na manalo… Moving forward, plano kong mas kilalanin ang bawat makakasama ko sa konseho nang sagayon ay makabuo kami ng isang maayos na konseho, isang konseho na mas mararamdaman ng mga Devcom students,” paliwanag niya.
Bitbit ang mga panawagan tulad ng karapatan ng mga LGBTQIA+ at kababaihan, ipinangako naman ni Charlie Centeno na sisikapin niyang maglingkod nang buong puso para sa kapwa estudyante at sa bayan. “Pagkatapos ng election ay patuloy po tayo na maninilbihan bilang Councilor ng Freshman Council at maghahanda po tayo upang paglingkuran naman ang sangkaestudyantehan ng CDC bilang CDC-SC Councilor,” dagdag niya.



